Kapirasong Kritika

Sakripisyo ang Panawagan ng Pangulo


Kahit Semana Santa, hindi raw naging mapagpatawad ang mga Pilipino sa mensahe ng pangulo para sa okasyon, sabi sa balita. Matapos gunitain ang paghihirap at kamatayan ni Hesukristo, sabi ni Pang. Noynoy Aquino: “Bilang Kanyang mga tagasunod, nawa’y maging handa rin tayong tumanggap ng sarili nating sakripisyo.” Para raw ang naturang sakripisyo sa “ikabubuti ng […]

Kahit Semana Santa, hindi raw naging mapagpatawad ang mga Pilipino sa mensahe ng pangulo para sa okasyon, sabi sa balita. Matapos gunitain ang paghihirap at kamatayan ni Hesukristo, sabi ni Pang. Noynoy Aquino: “Bilang Kanyang mga tagasunod, nawa’y maging handa rin tayong tumanggap ng sarili nating sakripisyo.” Para raw ang naturang sakripisyo sa “ikabubuti ng mas nakakarami.” Tanong pa niya, parang nangongonsensya, “At di po ba, napakaliit lamang ng hinihingi sa atin kumpara sa ibinigay ni Hesukristo?”

Mabilis at matalas ang mga tuligsa sa Internet, wala pa man ang mga kilalang kritiko ng gobyerno. Ang pahayag ay para raw pagdildil ng asin sa sugat (mas mahapding salin ng “adding insult to injury”). Matagal na raw nagsasakripisyo ang mga Pilipino: mula pagsakay ng LRT at MRT hanggang kawalang-trabaho, mula kawalang-imprastruktura hanggang korupsyon. At para kanino? Sa mga pulitikong kurakot at maluho? Hindi raw alam ni Aquino ang ibig sabihin ng sakripisyo, at dapat siya naman ang magsakripisyo.

Maraming problema sa pahayag ni Aquino. Kapag sinabing sakripisyo, maiisip ang mga dagdag na pahirap sa normal na kalakaran ng buhay: ang pagsakay sa MRT at LRT, halimbawa. Pero napakahirap pag-ibahin ng dagdag na pahirap mula sa normal na kalakaran kapag ang huli ay puno na ng araw-araw na pagdurusa, katulad sa Pilipinas. Dito mailulugar ang pagbanggit sa kawalang-trabaho, at ang kakambal nitong hindi nabanggit, ang kawalan ng disenteng trabaho. Sa ganito, araw-araw ang “sakripisyo.”

May elemento rin ng pagpili, o pagtanggap kahit napilitan, ang sakripisyo. Pero marami sa mga nabanggit na pahirap, ipinataw lang sa mga mamamayan, walang pagpipilian. May elemento rin ng patutunguhan ang sakripisyo: para saan at para kanino? Sa mga nabanggit na kalagayan, hindi malinaw na ang sagot ay “para sa mga mamamayan.” Ipinaalala ng pahayag ni Aquino ang iilang mayaman at makapangyarihan. Nahuli pa tuloy siya sa aktong gumagawa ng kakatwang palusot: “ikabubuti ng mas nakararami.”

Pilit ginamit ni Aquino si Hesukristo para sa sariling pakinabang. Para ipatanggap sa mga mamamayan ang kasalukuyang pagdurusa at maging ang pag-igting nito sa hinaharap. Para ipatanggap din ang mga resulta ng mahigit tatlong taon niya sa pwesto at ang mas masahol na resulta ng nalalabing mga taon niya sa pwesto. Nag-ugat ang sakripisyo ni Hesukristo sa pagmamahal at malasakit sa tao. Ang panawagan ni Aquino, nag-uugat sa kawalang-malasakit, kundi man kalupitan, sa dusa ng karaniwang tao.

Kaya magandang balita ang pagtanggi ng mga netizens sa paggamit ni Aquino kay Hesukristo. Ang ipinakita nito, hindi bulag na tinatanggap ng mga mamamayan ang anumang pahayag na bumabanggit kay Hesukristo, kahit pa galing sa masigasig na makinaryang pampropaganda ng gobyerno. Sa makasariling paggamit ni Aquino kay Hesukristo, lalong nalalantad ang turo ng kasaysayan: Hindi lang ganoon ang relihiyon, pero ginagamit ito ng mga naghahari para ipatanggap ang kanilang dominasyon.

19 Abril 2014