MGA LARAWAN | Pirma’t protesta kontra pork barrel sa Luneta at Mendiola
Umarangkada na ang pagpapapirma para sa People’s Initiative to Abolish the Pork Barrel System. Matapos ang paglulunsad ng panukalang batas na ito sa pamamagitan ng People’s Congress sa Cebu City nitong Agosto 23, isang malaking pagtitipon ng di-bababa sa 20,000 katao naman ang isinagawa ng iba’t ibang grupong kontra-pork barrel sa Luneta Park, Manila para pasimulan […]
Umarangkada na ang pagpapapirma para sa People’s Initiative to Abolish the Pork Barrel System.
Matapos ang paglulunsad ng panukalang batas na ito sa pamamagitan ng People’s Congress sa Cebu City nitong Agosto 23, isang malaking pagtitipon ng di-bababa sa 20,000 katao naman ang isinagawa ng iba’t ibang grupong kontra-pork barrel sa Luneta Park, Manila para pasimulan ito sa Kamaynilaan.
Isinagawa ito nitong Agosto 25, bisperas ng unang anibersaryo ng makasaysayang Million People March sa Luneta, na malakihan ding protesta ng mga mamamayan kontra sa pork barrel system noong nakaraang taon.
Ngayong taon, lalong umigting ang panawagang wakasan ang sistema ng lump sum appropriations, o paglaan ng bilyun-bilyong piso na pondo na kontrol ng Presidente (sa kaso ng Disbursement Acceleration Program) o mga mambabatas (sa kaso ng Priority Development Assistance Program) matapos magdesisyon ang Korte Suprema na ibasura ang naturang gawain sa gobyerno.
“Matagumpay ang pagkilos ngayon. Malaking bilang pa rin ang nagpunta sa Luneta, nakiisa sa pagtitipon. Nakatutuwa dahil maraming grupo ang nagtulong-tulong. Maraming sektor ang kumilos,” ayon kay Renato Reyes Jr, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, sa panayam ng Pinoy Weekly.
Sinabi pa ni Reyes na nangangailangan ng pagpapaigting ng kampanya kontra sa pork barrel dahil sa pagmamatigas ng Pangulo na panatilihin ito sa 2014 at 2015 badyet. Ayon sa impeachment complaints na isinampa sa Kamara noong Hulyo, direktang sinusuway ng Palasyo ang mga desisyon ng Korte Suprema at gumagawa pa ng mga hakbang para tapyasan ang kapangyarihan ng naturang nakatataas na korte.
“Sa paggunita natin sa Pambansang Araw ng mga Bayani at sa pag-alala kung paano pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mag sedula at tumindig laban sa kolonyal na paghahari ng Espanya, pinupunit natin ngayon ang discretionary pork funds ni Aquino at nagsasabing hindi na muli kailanman (papayag) sa korupsiyon, at pang-aabuso ng kapangyarihan at diktadura,” ayon kay Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan.
Administrasyong maka-pork
Kahit na ilang beses na sinabi ni Aquino na tinanggal na ng kanyang administrasyon ang pork barrel, minamantine pa rin ang sistemang ito ng administrasyong Aquino.
Ilang pinanghahawakang patunay nito, ayon sa mga tagapanguna ng People’s Initiative:
(1) Nananatili ang lump-sum appropriations sa pambansang badyet noong 2014, na napatunayan mismo sa mga pahayag sa isang executive session ng ilang opisyal ng Ehekutibo–makikita ito sa isiniwalat na audio recordings ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ng naturang sesyon;
(2) May lump-sum appropriations pa rin sa panukalang pambansang badyet sa susunod na taon na nagkakahalagang P501.6-Bilyon;
(3) Sa pamamagitan ng pagbago sa depinisyon ng “savings” sa 2015 badyet, gustong iwasan ng Department of Budget and Management (DBM) ang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 1 sa desisyong 13-0 na nagdedeklarang di-sang-ayon sa Saligang Batas ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na malinaw na isang mas malaking porma ng pork barrel;
(2) Mula Hulyo 14 hanggang sa State of the Nation Address ng Pangulo noong Hulyo 28, todo-depensa siya sa DAP.
“Malinaw na mayroon pa ring pork. Nagmamaang-maangan lang ang gobyerno sa pagsasabi nilang wala. Kailangan talaga nila ng pork kasi ‘yan ang magpapatakbo sa Cha-Cha (Charter-Change). ‘Yan ang ipambabayad nila sa mga congressman. Kaya bantayan natin ‘yan. Hindi talaga magkahiwalay ang Cha-Cha at pork,” ayon kay Reyes.
People’s Initiative
Isa ang People’s Initiative sa mga iniluwal na kampanya ng Million People March na naglalayong makakalap ng anim hanggang 10 milyong prima mula sa mga botante para maipasa ang isang batas na magtatanggal sa lahat ng porma ng pork barrel.
“Exactly one year ago, we held the ‘Million People March against the pork barrel’ in Luneta to demand accountability and an end to the pork barrel system. Today, we level up the fight by calling on six million voters to approve a law to prohibit pork barrel funds in the national budget and require line item budgeting for public funds,” ayon kay Monet Silvestre, isa sa mga organisador ng MPM noong nakaraang taon at isang lider ng #AbolishPork Movement.
Nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang grupo para dito na nagpapakita umano kung gaano kalawak na mga mamamayan ang naghahangad ng pagbabago.
“Sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga mamamayan, simbahan, at iba pang grupo, maipapakita natin sa administrasyong Aquino kung ano ang tunay na nais ng sambayanan. Ang pag-abot sa kinakailangang bilang ng lagda ay malaking gawain, pero ang mga kabataan at ang mamamayan ay nakahanda para rito,” ani Kabataan Rep. Terry Ridon.
Hinamon naman nina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Carlos Zarate si Aquino at mga kaalyado niya na pumirma sa People’s Initiative laban sa sistema ng pork barrel kung tunay na tutol sila sa pork barrel.
“Laging sinasabi ng Pangulo (Aquino) at mga kaalyado niya na wala nang pork barrel funds sa 2015 budget. (P)ero iba ang alam natin, dahil mayroong malalaking lump sums sa badyet na wala nang iba pa kundi pork. Nakay Aquino ang pinakamalaking pork barrel sa kasalukuyang badyet at maging sa panukalang badyet para sa 2015. Kung talagang tutol si Pangulong Aquino sa pork barrel, dapat siyang pumirma sa People’s Initiative at iwasan ang lahat ng pork mula sa DAP, PDAF at iba pang porma nito,” ayon kay Colmenares.
Tekstong ulat ni Pher Pasion
Ilan sa mga larawan sa Stand up, Sign Up! protesta sa Luneta Park, at martsa ng Bagong Alyansang Makabayan patungong Mendiola, Manila:
Para sa iba pang larawan, puntahan ang aming Twitter.