Main Story

Manggagawa sa pribado, pampublikong sektor: P16,000 minimum wage ang kailangan namin


Nagkaisa ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor para sa isang panawagan: ang P16,000 national minimum wage sa lahat ng manggagawa sa buong bansa. Pampaalwan umano sa kahirapan ng mga manggagawang Pilipino ang pagtakda ng naturang minimum na sahod, ayon sa daan-daang miyembro ng iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong […]

Protesta ng mga manggagawa sa pampublikong sektor, sa harap ng National Printing Office. Sa kaliwa, si Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno. <strong>KR Guda</strong>
Protesta ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor, sa harap ng National Printing Office. Sa kaliwa, si Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno. KR Guda

Nagkaisa ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor para sa isang panawagan: ang P16,000 national minimum wage sa lahat ng manggagawa sa buong bansa.

Pampaalwan umano sa kahirapan ng mga manggagawang Pilipino ang pagtakda ng naturang minimum na sahod, ayon sa daan-daang miyembro ng iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor, gayundin ng mga samahan ng mga guro at manggagawang pangkalusugan, na lumahok sa isang teach-in at aksiyong protesta sa National Printing Office nitong Oktubre 28.

Kabilang sa mga samahan na kaisa sa panawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), Alliance of Concerned Teachers, at Alliance of Health Workers (AHW).

“Sa mas mahigpit na pagkakaisa naroon ang lakas. Nagkaisa ang mga grupo natin sa panawagang P16,000 national minimum wage para palakasin ang laban sa isang signipikanteng dagdag-sahod at pagbabalik ng isang pambansang minimum na sahod,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sahod ng mga manggagawa kung ikukumpara sa Cost of Living sa National Capital Region, kung saan pinakamataas ito. <strong>Arkibong Bayan</strong>
Sahod ng mga manggagawa kung ikukumpara sa Cost of Living sa National Capital Region, kung saan pinakamataas ito. Arkibong Bayan

Sinabi ni Labog na naisantabi ang pambansang minimum na sahod sa bansa nang maisabatas ang Wage Rationalization Law noong 1989 at iba pang hakbang ng gobyerno para baratin ang sahod ng mga manggagawa.

Paliwanag ng mga grupo, ang halagang P16,000 ay kalahati ng Family Living Wage (FLW) na humigit-kumulang P32,000. FLW ang halagang kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay, batay sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sa isang pamilya, kadalasang nagtatrabaho ang dalawang miyembro (hal. dalawang magulang na nagtatrabaho), kung kaya P16,000 ang hiling ng mga grupo.

“Dinidikta ng hustisyang panlipunan na iyung naglilikha ng yaman ng bansa ay dapat mabigyan man lang ng karapatan para sa isang minimum na sahod sa harap ng nagtataasang kita at yaman ng iilang kapitalista at burukrata. May batayan para maniwala kaming kaya ng mga kapitalista at ng gobyerno na ibigay ang hiling namin,” sabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.

Sinabi pa ni Gaite na pinatotoo na makatwiran ang national minimum wage ng bagong sarbey ng Social Weather Stations na nagsabing 55 porsiyento ng mga Pilipino ang tinuturing na mahihirap sila. Samantala, 43 porsiyento naman ng mga Pilipino ay itinuturing ang sarili na salat sa pagkain.