Main Story Migrante

‘Gobyerno ng Pilipinas, nagsisinungaling sa kaso ni Mary Jane’


“Pawang mga kasinungalingan” ng administrasyong Aquino ang natuklasan ng mga abogado ni Mary Jane Veloso sa kanilang pagdating sa Indonesia para tumulong sa kaso. Taliwas sa sinasabi ng gobyerno ng Pilipinas na ginagawa nila ang lahat para kay Mary Jane, malinaw na kapabayaan ang ginawa sa kaso ni Mary Jane, ayon sa PH legat team sa […]

Protesta ng Migrante International sa harapan ng Department of Foreign Affairs para sa pagsasalba ng buhay ni Mary Jane Veloso. <strong>Pher Pasion</strong>
Protesta ng Migrante International sa harapan ng Department of Foreign Affairs para sa pagsasalba ng buhay ni Mary Jane Veloso. Pher Pasion

“Pawang mga kasinungalingan” ng administrasyong Aquino ang natuklasan ng mga abogado ni Mary Jane Veloso sa kanilang pagdating sa Indonesia para tumulong sa kaso.

Taliwas sa sinasabi ng gobyerno ng Pilipinas na ginagawa nila ang lahat para kay Mary Jane, malinaw na kapabayaan ang ginawa sa kaso ni Mary Jane, ayon sa PH legat team sa pangunguna nina Edre Olalia at Minnie Lopez, mga abogabo ni Mary Jane mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL).

Ayon sa mga ulat sa midya, umutos na ang gobyerno ng Indonesia sa pangunguna ni Pang. Joko Widodo na bitayin si Mary Jane.

Hindi pa rin naisusumite umano ng gobyerno ng Pilipinas ang apela nito para sa second judicial review. Sa pinakahuling pahayag ng Migrante, naisumite na ng mga abogado ni Mary Jane, ngayon lamang Abril 24, 2015 ganap na 3:50 ng hapon ang apela para sa second judicial review para sa kaso ni Mary Jane.

Nakikipag-usap ang human rights lawyer na si Edre Olalia sa mga kapwa abogadong Indonesian sa harap ng isang bilding sa Jakarta. Larawan mula sa FB page <b>Save the Life of Mary Jane Veloso</b>
Nakikipag-usap ang human rights lawyer na si Edre Olalia sa mga kapwa abogadong Indonesian sa harap ng isang bilding sa Jakarta. Larawan mula sa FB page Save the Life of Mary Jane Veloso

Sa  pakikipag-usap din ng PH legal team sa Rudyantho & Partners (R&P), mga abogadong Indonesian ni Mary Jane, kanilang natuklasan na hindi totoo na nagbigay ang embahada ng Pilipinas kay Mary Jane ng abogado mula sa umpisa ng kaso. Kinumpirma umano ito ng isang Atty. Agus Salim, na sa appeal stage lamang kinuha ng embahada ang serbisyo ng R&P.

Bago at sa pagtakbo ng pagdinig sa korte, isang abogado ng korte, katulad ng Public Assistance Office (PAO) sa Pilipinas ang nagrepresinta lamang kay Mary Jane.

Sa mga lumipas na taon, humingi na umano ng tulong ang R&P sa gobyernong Aquino para imbestigahan si Kristina “Tintin” Sergio, ang itinuturong recruiter at trafficker ni Mary Jane, kahit bago pa man maisumite ang unag petisyon para sa judicial review.

Malaking instrumento sana ito para sa pag-apela nila. Dismayado sila nang malamang inasikaso lamang umano ito ng gobyerno ng Pilipinas matapos ibasura ng Indonesian Supreme Court ang judicial review noong Marso 25, 2015.

Nito lamang Abril 16, 2015 nakapagsumite ng letter-complaint laban kay Sergio, sa tulong ng mga abogado ng NUPL na pawang mga pro bono (o nagbigay ng libreng serbisyo), sa National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Inter-Agency Council against Trafficking (IACAT).

Isang sertipikasyon mula sa may mga awtoridad sa Pilipinas na nakasalin sa Bahasa ay krusyal para suportahan ang paghiling sa second judicial review. Hinihintay pa rin sa kasalukuyan ang nasabing sertipikasyon.

Nito lamang nakaraang lingo nang ibigay ng embahada ng Pilipinas sa R&P ang mga opisyal na salin ng una at ikalawang hatol sa kaso ni Mary Jane. Oktobre 11, 2010 nang hatulan si Mary Jane ng kamatayan ng District Court of Justice of Sleman sa Yogjakarta, Indonesia. Pinagtibay naman ng Court of Appeal ng Yogjakarta ang parusang kamatayan kay Mary Jane noong Pebrero 10, 2011.

Sa isinumiteng report ng PDEA para sa plano nitong pagtulong sa pagsumite ng second petition for judicial review, na nagmula sa testimonya ni Mary Jane matapos siyang bisitahin noong Marso 29, 2015, nito lamang Abril 23, 2015 nakatanggap ang R&P ng salin ng report sa Bahasa. Halos isang buwan matapos makuha ng PDEA ang testimonya ni Mary Jane.

Hindi pa umano nakikipagkoordina ang PDEA sa Indonesian counterpart nito na Basan Narkotika Basional (BNN) para ipagkumpara ang resulta ng kanilang mga imbestigasyon. Hindi pa nakakakuha ng kopya ng report ang PH legal team at ang R&P.

Hindi rin daw totoo ang sinasabi ng gobyerno ng Pilipinas na hindi agad mangyayari ang pagbitay kay Mary Jane hangga’t hindi nareresolba ang lahat ng apela ng Bali 9 (isang sindikato ng droga sa Indonesia kung saan pilit iniuugnay si Mary Jane).

Nilinaw ng R&P na walang epekto ang pagkakabinbin ng apela ng Bali 9 sa sentensiyang kamatayan kay Mary Jane, kaya higit ang agarang makuha ang mga kinakailangang dokumento mula sa gobyerno ng Pilipinas para maisalba si Mary Jane.

“Ang katotohanan ay walang ginawa ang gobyernong Aquino sa kaso ni Mary Jane, kaya nagkukumahog sila ngayon. Nasa bingit ng kamatayan ang isang inosente nating kababayan dahil sa kapabayaan at kawalang-pakialam ng gobyerno. Hindi ito bago. Ganito rin sa lahat ng mga OFW. Ganito rin sa Mamasapano. Ganito rin sa Hacienda Luisita. Ganito rin kay Jennifer Laude. Ganito rin kay Kristel Tejada. Ganito rin sa lahat ng Pilipino,” ayon kay Garry Martinez, chairperson ng Migrante International.

Nanawagan si Martinez sa lahat ng mga tagasuporta ng #SaveMaryJaneVeloso campaign na panagutin ang administrasyong Aquino sa “kriminal na kapabayaan” nito sa kaso ni Mary Jane.