Kababaihan

Kalagayan ng kababaihan sa ‘rising tiger’ ni PNoy


Umuunlad na raw ang ekonomiya. Patunay dito ang pagtaas nang 6.6 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) noong 2012. Pero malayo ito sa nararamdaman ng kababaihan at mamamayang Pilipino. Para sa militanteng kababaihan, walang dapat ipagbunyi rito, dahil di naman umano ramdam ang anumang pagtaas sa GDP o pag-unlad sa ekonomiya. Hindi raw naipapakita ng […]

Nagprotesta ang Gabriela sa harapan ng Energy Regulatory Commision. Tutol sila sa dagdag-singil sa kuryente na ipapatupad sa susunod na buwan. (Kontribusyon)
Nagprotesta ang Gabriela sa harapan ng Energy Regulatory Commision. Tutol sila sa dagdag-singil sa kuryente na ipapatupad sa susunod na buwan. (Kontribusyon)

Umuunlad na raw ang ekonomiya. Patunay dito ang pagtaas nang 6.6 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) noong 2012. Pero malayo ito sa nararamdaman ng kababaihan at mamamayang Pilipino.

Para sa militanteng kababaihan, walang dapat ipagbunyi rito, dahil di naman umano ramdam ang anumang pagtaas sa GDP o pag-unlad sa ekonomiya. Hindi raw naipapakita ng pagtaas ang pag-unlad sa kalagayan ng kababaihan.

“Simple lang ang pamantayan ng mga nanay — hindi ang rising economy,” sabi ni Cham Perez, research director ng Center for Womens Resources (CWR), sa isang porum hinggil sa kalagayan ng sektor ng kababaihan. Aniya, ramdam ng mga kababaihan ang paglago ng ekonomiya kung nakakasapat ang kinikita ng bawat pamilya para tugunan ang pangangailangan sa araw-araw.

Hangad ng bawat ina ng pamilya na magkaroon ng pagkain para sa pamilya, pambayad ng utilidad tulad ng kuryente at tubig, gayundin ang gastusin sa pagpapa-aral sa mga anak. Kaya’t simple lang pamantayan o sukatan ng kababaihan sa pagtakda kung lumago nga ang ekonomiya: pagkain sa bawat mesa,regular at disenteng trabaho, libreng serbisyong panlipunan. Ibig sabihin umuunlad ang ekonomiya kung wala o nabawasan ang naghihirap at nakakaranas ng gutom.

Gutom pa rin ang pamilya ng kababaihan.

Sa pinakahuling datos ng National Statistics Coordinating Board (NSCB) noong 2009, bumaba ang poverty incidence (mga taong naghihirap) sa 20.9 % mula 26.3% noong 2006. Pero ayon sa CWR, hindi repleksiyon ng umuunlad na ekonomiya ang pagbaba ng bilang ng mga naghihirap.

“Ni-refine ng NSCB ang depinisyon ng mahirap,” ani Perez. Sa pamamagitan umano ng refinement ng NSCB sa menu (pinakamurang pagkain na masustansiya), kailangan lamang ng bawat pamilyang may limang miyembro ang P162.35 kada araw para sa pagkain, o P32.46 kada tao.

Pero sabi ng CWR, kahit nagkaroon ng refinement sa menu ang NSCB hindi pa rin nito nabawasan ang bilang ng nagugutom. Hinimay nila ang menu ng NSCB at lumalabas na P42.24 kada tao ang kailangan para sa pagkain sa kada araw o P214.24 sa lima kataong miyembro ng pamilya.

“Ginamit pa rin namin ang menu ng NSCB isinama lang namin ang ibang sangkap para sa mga pagkain,” paliwanag ni Perez. Tipid na tipid na nga daw ang kuwenta nila.

Sabi pa ng CWR, kabalintunaan ang “rising tiger” na ipinagmamalaki ng gobyerno. Ilang administrasyon na ang nagsabi nito. Pero hilahod pa rin ang marami sa mga mamamayan lalo na ang kababaihan na siyang nagbabadyet sa papaliit na sahod, kahit pa pagsamahin ang sahod ng buong pamilya.

Lubha umanong maliit ang minimum na sahod kumpara sa mabilis at walang humpay na pagtaas ng mga presyo ng batayang bilihin at serbisyo. Dagdag pa, marami sa mga kababaihan ang walang hanapbuhay.

Kababaihan sa lakas-paggawa

“Nanatili ang malaking agwat ng partisipasyon ng kababaihan sa labor force,” ani Perez.

Kahit ang International Labor Organization, kinilala na hindi nadagdagan ang tantos ng kababaihang walang trabaho — 6.7% noong 2012 na pareho pa rin sa nagdaang taon ng 2011, kumpara sa 6.6% na naitala sa kalalakihan. Ayon kay Perez, maliit na nga ang bilang nga kababaihang may trabaho, mas maliit naman ang sinasahod nila. “Signipikante ang agwat sa average daily basic pay ng kababaihan at kalalakihan; mas mataas din ang bahagi ng kababaihang low paid workers,” aniya.

Sabi pa ni Perez, lubhang limitado ang mga trabahong maaaring makuha ng kababaihan. Karamihan pa  ang nasa pagbibigay serbisyo. Halos kalahati o 68% ng kababaihan. Pero kalakhan naman sa mga ito ang kontraktuwal (85%) na tumatagal lamang sa 3-4 na buwan.

Isa sa pa rin sa pangunahing inilalako ng gobyerno para magkaroon ng trabaho ang mga kababaihan, ang pangingibang bansa. Ayon sa CWR, 7 sa 10 nangibang bayan na kababaihan ang nasa serbisyong pribado, karamihan domestic worker na bulnerable sa pang-aabuso. Nababahala din ang grupo sa lumalaking bilang ng mga migranteng kababaihan na bata (15-24 taong gulang), “napakabulnerable nila sa abuso, dahil bata, takot silang magsumbong,” paliwanag ni Perez.

UL 2013 menu

Pantakip sa kakulangan

Sa matinding kahirapan na nararanasan, napipilitan  ang kababaihan na maghigpit sa kanilang badyet.

Sa pananaliksik ng CWR, mayorya sa kababaihan sa komunidad ang nagsabing tinitipid nila ang kanilang gastusin. Una na rito ang pagbawas sa paggamit ng kuryente, tubig at iba pang gastusin, para lamang matustusan ang batayang pangangailangan ng pamilya – ang pagkain. Bago matapos ang taong 2012, iniulat ng International Food Policy Research Institute (IFPRI) na lumala ang kagutuman sa Pilipinas, nasa ika-27 sa hunger incidence sa buong mundo.

Pero sa halip na tugunan ng gobyerno ang lumalalang kagutuman, sinabi ng grupo na tinatapalan lamang ito ng iba’t ibang iskema tulad ng conditional cash transfer o Pantawid Pamilyang Pilipino Program. At dahil sa dole-out ang programa, hindi umano nakakatulong sa kababaihan ang mahigit isanlibong pisong mula sa programa. Sa sarbey ng grupo sa mga benepisyaryo ng programa, 77% ang nagsabing mas nanaisin nilang magkaroon ng permanenteng trabaho o pangmatagalang pagkakakitaan kaysa umasa sa programang walang katiyakan.

Kahit daw ang suporta sa mga magsasakang kababaihan na micro credit o maliitang pautang hindi nakakatulong para maibsan ang kahirapan sa kanayunan. “Hindi epektibo ang pagpapautang para gamitin sa produksiyon ng mga magsasaka,” giit ni Perez. Aniya, sa mga mahihirap na naging bahagi ng programa, ginamit ang perang nakuha sa mas batayang pangangailangan katulad ng pagkain, gamot at gastusin sa pag aaral.

“Wala kasing sariling lupa ang mga magsasakang kababaihan,” reaksiyon naman ni Lita Mariano, pangalawang tagapangulo ng Amihan, isang organisasyon ng mga magsasakang kababaihan. Bukod sa kawalan ng lupa, napakataas din ng gastusin sa produksiyon, kahit sa isang ektarya lang ng palayan.

Sabi ni Mariano, aabot sa P56,000/kada ektarya ang gastos sa produksiyon kasama na ang bayad sa upa sa lupa. Dagdag niya, sobra naman ang pambabarat sa kanilang produkto, sa anihan P12-14/kilo lamang ang bili sa kanilang palay, pero kung bibili naman ang mga magsasaka ng bigas mahgit P30.00 na kada kilo ang bigas.

Giit ng CWR na bukod sa hindi na nakakatulong ang mga programa na maibsan ang kahirapan batbat pa ito ng anomalya at korapsiyon.

“Trabaho ang kailangan ng kababaihan, gayundin ang abot kamay na serbisyong panlipunan,” giit ni Perez.

Serbisyong di maabot

Dagdag pahirap sa mga kababaihan - kinalampag ng mga miyembro ng Gabriela ang gate ng Energy Regulatory Commission bilang protesta sa 19 sentimos na dagdag sa universal charge na sisingilin ng Meralco.  (Kontribusyon)
Dagdag pahirap sa mga kababaihan – kinalampag ng mga miyembro ng Gabriela ang gate ng Energy Regulatory Commission bilang protesta sa 19 sentimos na dagdag sa universal charge na sisingilin ng Meralco. (Kontribusyon)

Wala nang sapat na trabaho, matindi pa ang kahirapan at kagutuman. Hindi pa maabot ang batayang mga serbisyo ng gobyerno, tulad ng edukasyon at kalusugan. Nais pa ng gobyerno na kontrolin ang populasyon bilang tugon sa pagbawas ng mahihirap. Kahit umano naipasa ang Reproductive Health Bill, hindi umano ito totoong komprehensibong tugon sa pangangailangan pangkalusugan ng mga kababaihan.

Kasabay kasi nito ang pagsasapribado ng 26 pampublikong ospital, kasama na ang Fabella Hospital na pangunahing ospital paanakan sa Metro Manila. Gayundin, ipinatupad ng Department of Health o DOH ang programang PRISM (Private Sector Mobilization) ng United Nations Agency for International Development (USAID) para diumano sa proyektong kalusugan para sa pamilya.  Pero nakatuon naman daw ito sa pagkontrol ng populasyon at paggamit sa pribadong mga klinika para mapaunlad daw ang kakayahan ng 300 midwives.

Ayon pa sa CWR, mas malaki ang gastos sa kalusugan ng bawat mamamayan kaysa sa suporta ng gobyerno para rito. “Galing ito sa sariling bulsa ng mga mamamayan,” sabi ni Perez. Aabot kasi sa 60% ang pribadong ospital, samantalang isinasapribado naman ang mga ospital at mga serbisyong pangkalusugan, at ang alokasyon ng badyet sa kalusugan, napupunta sa negosyong PhilHealth na ginagamit lamang sa pogi points ng  gobyerno.

“Hindi nakakapagtatakang 12 nanay ang namamatay kada araw, hindi unwanted pregnancy ang dahilan nito kundi walang akses sa serbisyong pangkalusugan,” ani Perez.

Maliban sa serbisyo sa kalusugan, hirap din ang kababaihan sa patuloy na pagsirit ng presyo laluna nang langis. Sa buwan pa lang ng Pebrero, apat na beses nang nagtaas ang presyo ng krudo nito. Samantala, tumaas ang presyo ng Liquified Petroleum Gas (LPG)  nang 376%. Noong 1998, nasa P165.00 kada tangke ang presto nito. Ngayong 2013, nasa mahigit P700 na itogobyerno. “Dahil sa pagtaas ng presyo ng LPG, naitala ang pagpapalit gamit sa pagluluto ng mga nanay mula LPG patungong uling o kahoy,” sabi ni Perez.

Bukod pa rito, muling itataas ang singil sa kuryente (19 sentimos para sa universal charge) sa buwan ng Marso, gayundin ang tubig (P10.00 sa Maynilad at P5.00 sa Manila Waters) sa mga susunod na buwan.

Iginigiit ng grupo ng kababaihan na ang patakaran ng matuwid na daan ni Pangulong Aquino ang dahilan ng pagiging rising tiger ng Pilipinas. Pero para lamang sa mga malalaking negosyante at dayuhang mamumuhunan.

Hirap na, inaabuso pa

“Habang dumarami ang nagugutom, naghihirap at walang trabaho, kasabay din nito ang pagdami ng karahasan sa kababaihan,” pahayag ni Perez.

Mismong sa tala ng Philippine National Police – Women’s Desk, lumaki an bilang ng mga babaing inaabuso. Ayon sa ulat ng PNP, may 5,180 kaso ng panggagahasa noong 2012. Pito sa bawat sampung biktima ay bata. Nangangahulugan na kada araw, 14 na kababaihan o bata ang nagiging biktima ng rape o incest. Samantalang isang kababaihan o bata ang sinasaktan sa bawat 34 minuto.

Ngunit pinakamasahol umano ang pang-aabusong seksuwal ng mga awtoridad ng estado partikular na ang mga militar, kung saan nakapagtala ang CWR ng 10 kaso noong 2012. Karamihan, hindi na nagsasampa ng kaso dahil sa takot o pinagbabantaan. Ibinigay na halimbawa ng CWR ang kaso ng isang 21 taong gulang na halinhinang ginahasa ng mga elemento ng 19th Infantry Batallion sa Masbate.

Maliban pa sa seksuwal na pang-aabuso, pangunahing kababaihan at bata ang nakakaranas ng hirap at pang-aabuso ng mga militar sa kanilang kampanyang kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan na nagtatago sa temang “peace and development”. Ayon sa grupo, may 15 kababaihan ang pinaslang noong 2012, isa na rito si Juvy Capion, lider kababaihan ng tribung B’laan sa Mindanao na tutol sa pagmimina ng dambuhalang korporasyon ng SMI-Xstrata. Kasamang napatay ang dalawang anak ni Capion. Nabibilang ang dalawang batang Capion sa 12 batang napatay noong 2012 dahil sa mga operasyong militar.

"Kabalintunaan ang rising tiger ng administrasyong Aquino," sabi ni Cham Perez, research director ng CWR sa kanilang porum kamakailan.  (Macky Macaspac)
“Kabalintunaan ang rising tiger ng administrasyong Aquino,” sabi ni Cham Perez, research director ng CWR sa kanilang porum kamakailan. (Macky Macaspac)

Dagdag pa, kababaihan at bata ang pinakabulnerable sa panahon ng kalamidad. Kamakailan lamang, inuulat ng United Nations Office for Coordination of Humanitarian Affairs (Unocha) na tumataaas ang malnutrisyon sa hanay mga biktima ng bagyong Pablo sa Compostela Valley at Davao Oriental. Dahil daw ito sa patuloy na kawalan ng maayos na tirahan at pagkukunan ng ikabubuhay. Libu-libong kababaihang buntis at nagpapasuso ang nangananib din sa malnutrisyon.

“ Kahit sa aming mga pag-aaral noon, karaniwan na ang mga ganito sa ebakwasyon dahil 85% ang mga babae at bata,”  ani Jojo Guan, executive director ng CWR. Sinabi nito na dahil sa kawalan ng maayos na tirahan sa mga ebakwasyon nasa alanganin ang kalusugan ng mga bata at kababaihan. “Bulnerbale pa sila sa panghaharas,” aniya. Sabi pa ni Guan, habang tumatagal ang mga biktima ng Pablo sa ebakwasyon, simbolo naman ito ng kapabayaan ng gobyerno sa batayang pangangailangan ng mga biktima. Hindi rin daw planado ang pagharap ng gobyerno sa mga kalamidad. “Alam naman natin na mahigit sampung bagyo ang dumadaan sa Pilipinas kada taon, pero lagi tayong naso-sorpresa,” aniya.

Dagdag pa ni Guan,  “Sinasabi ni PNoy na ang mga tao ang boss niya, na gumaganda na ang ekonomiya. Pero simpleng pagresponde sa mga biktima, hindi magawa. Hindi lang kasinungalingan. Mapanlinlang ito,” ani Guan. Sa nakaraang mga araw, lumabas sa midya ang maanomalyang pagtatayo ng mga bunk house para sa mga biktima, maliban pa sa reklamo ng mga ito na kulang o hindi nakakarating ang relief goods laluna sa mga liblib na lugar.

Kaya’t hindi naniniwala ang kababaihan na sa ipinagmamalaking “rising tiger” na ekonomiya. Pasusubalian nila ito sa pamamagitan ng kanilang “rising protest.”