Karapatang Pantao

Matapat na aso ni Arroyo

February 6, 2008

Sa buong karera niya, pagwasiwas ng baril lang ang paraang alam niya para manguna sa iba.

Nangungulila sa nakaraan si Hen. Hermogenes Esperon Jr. Sa mga araw bago ang kaarawan niya sa Pebrero 9, ipinlano niyang ikutin ang buong Pilipinas – partikular ang mga lugar kung saan dati siya nadestino bilang tapat na sundalo ng Republika.

“Bahagi ang bisitang ito ng sinasabing farewell journey sa mga dati kong yunit,” sabi niya. Inuna na niyang bisitahin ang Basilan. Sa sumunod na mga araw, binisita niya ang kampo ng iba’t ibang yunit ng Philippine Army sa Mindanaw: ang kampo ng 30th Infantry Battalion, 602nd at 103rd Brigade, ang Special Operations Command, at 7th Infantry Division.

Panahon umano ito ng pagmumuni ni Esperon sa kanyang karera. Para sa heneral, naging maningning at produktibo ito. Naging susi siyang lider-militar sa ilang kampanya kontra sa tinuturing na kaaway ng Estado.

Marahil, sa kanyang “huling biyahe,” hindi sumagi sa isip ni Esperon ang pinsala sa mga mamamayan na dinulot ng kanyang madudugong mga kampanyang militar. Sa tatlong-buwang esktensiyong iginawad sa kanya ni Pangulong Arroyo, siniguro pa ng heneral na higil na paiigtingin niya ang laban sa insurhensiya.

Siniguro ni Esperon na tatapusin niya ang karera sa isang madugong kongklusyon.

Tahimik lang

Bukod sa pagiging produkto ng Philippine Militar Academy sa kasagsagan ng batas militar ni Marcos noong 1974, walang masyadong ningning ang kanyang rekord bilang batang opisyal ng Philippine Army.

Una siyang nadestino sa Basilan, kuta noon ng mga MNLF (Moro National Liberation Front), at sagad na nasabak sa mga labanan. Sa panayam sa Pinoy Weekly, sinabi ni dating Col. At ngayo’y Sen. Gringo Honasan na hindi lumutang sa radar niya si Esperon. “Hindi ko masyadong namomonitor noon si Hen. Esperon,” ani Honasan. Marahil, ibig sabihin, low profile lang siyang sundalo. Hindi lumulutang sa mga usap-usapan ng mga tanyag na noong batang opisyal tulad ni Honasan.

Matapos madestino sa giyera, naging tahimik ang karera ni Esperon nang mapunta siya sa Presidential Security Command (dating pangalan ng Presidential Security Group), ang yunit ng militar na nagpoprotekta kay Pangulong Marcos at Unang Pamilya. Taong 1982 nang madestino siya bilang military attache sa Commission for Filipinos Overseas sa Chicago, Illinois.

Bumalik siya sa bansa matapos ang People Power I noong 1986. Inilagay siya ng dating hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Fidel Ramos bilang intelligence officer sa Kampo Aquino sa Tarlac.

Bayani ng Rajamuddah?

Sa sumunod na mga taon, nagpalipat-lipat si Esperon ng yunit sa Army habang tuluy-tuloy ang promosyon. Hanggang muling ipatawag siya ni Ramos na Presidente noong 1996.

Nagsilbing deputy commander ng PSG si Esperon at hepe ng Presidential Escorts ni Ramos mula 1996 hanggang 1998.

Noong 1999, kasagsagan ng all-out war ni dating Pangulong Joseph Estrada kontra sa mga rebeldeng MILF (Moro Islamic Liberation Front), nasabak muli si Esperon sa digmaan. Dito na naipamalas ng heneral nang si Esperon ang “bangis” bilang kumander. Pinangunahan niya ang 602nd Infantry Brigade na nakabase sa Carmen, Cotabato sa madudugong labanan na wumasak sa umano’y kampo ng MILF sa Rajamuddah sa Liguasan. Libu-libong sibilyang Moro ang sapilitang napalikas dahil sa mga operasyon ni Esperon.

Pitong taon matapos ito, noong 2006, sa pagtalaga sa kanya bilang Chief of Staff, itinanggi ni Pangulong Arroyo si Esperon bilang “bayani ng Rajamuddah.”

Sa panahon ng pangingidnap ng Abu Sayyaf sa Dos Palmas, isang resort sa Palawan, noong 2001, hinugot mula sa Cotabato si Esperon para pamunuan ang 103rd Infantry Brigade sa Basilan, ang pinaniniwalaang base ng naturang kidnap-for-ransom group. Si Esperon ang responsable sa pagkasagip sa mga binihag sa Dos Palmas.

Bilang kumander ng 103rd Brigade, pinangunahan ni Esperon ang pagpapatupad ng crackdown sa Basilan na dumulo sa paglipol sa pinaghihinalaan pa lamang na mga miyembro ng Abu Sayyaf. Daan-daang sibilyan ang inaresto at pinahirapan sa kamay ni Esperon.

Kung kaya, noong 2002, nagreklamo ang Commission on Human Rights at mga residente ng Basilan ng 32 counts ng pagtortiyur ni Esperon sa mga sibilyan.

Malapit kay Arroyo

Sa kanyang karera, nadikit ang ngalan ni Esperon kay Ramos. Di nagtagal, napalapit din siya sa kaalyado ni Ramos na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Masyadong naging malapit si Esperon kay Arroyo na noong taong 2000, pinili pa niyang maging ninang sa kasal ng noo’y Bise-Presidente Arroyo.

Taong 2002 nang italaga siya ni Arroyo bilang kumander ng PSG. Kasabay nito, binigyan din siya ng promosyon bilang brigadier general. Mula sa mga pakikidigma sa Mindanao, ginamit ni Esperon ang prinsipyo ng “paggamit ng malakihang puwersa” sa pakikitungo sa mga “nanggugulo” at pinanatiling malayo sa Palasyo ang mga protestang anti-Arroyo noong EDSA Tres.

Hen. Esperon (kaliwa) at Pangulong Arroyo. Malacanang Photo

Hello, Heneral?

Nasa PSG noon si Esperon nang italaga siya bilang kumander ng Task Force Hope (Honest, Orderly, Peaceful Elections) na itinalaga ng Comelec (Commission on Elections) bilang kabalikat nito sa seguridad noong halalang 2004.

Sa nabunyag na wiretapped na pakikipag-usap sa telepono ni Comelec Commissioner Virgilio Garcillano noong 2004, dalawang beses na nabanggit si Esperon. Kung paniniwalaan ang “Hello Garci” rekord, masasabing ang Heneral ang isa sa mga susing tauhan ng Malakanyang para siguruhing pabor sa Presidente ang resulta ng botohan sa Mindanao.

Sa isang pag-uusap noong Hunyo 8, 2004, nabanggit ni Garcillano si Esperon na siyang masisigurong hindi maaapektuhan ang pagbalik ni Hen. Francisco Gudani sa Lanao. Lumabas na tumanggi si Gudani na maging bahagi ng pandaraya, kung kaya naatasan si Esperon na siguruhing papabor pa rin kay Arroyo ang bilangan sa Lanao.

Siyempre, itinanggi ni Esperon ang lahat nang ito. Aniya, ni hindi umano niya kilala si Garcillano. “Malinis ang konsensiya ko. Ano ba ang kasalanan ko? Bakit niya (Garcillano) babanggitin ang pangalan ko? Siya lang ang makakasagot diyan,” sabi niya noon.

Protesta kontra Arroyo, 2009.

Ekstensiyon

Hindi naging kagulat-gulat ang ibinigay na ekstensiyon ni Arroyo sa panunungkulan ni Esperon bilang hepe ng AFP kahit pa narating na ng huli ang edad ng pagreretiro ngayong Pebrero 9, 2008.

Tatlong buwan ang ibinigay na ekstensiyon. At ang dahilan: kailangan umanong ituloy ang momentum sa pakikidigma sa mga rebeldeng komunista.

Marami ang nagpahayag ng pagtutol sa naturang ekstensiyon. Naniniwala ang marami na “premyo” ito ng pangulo sa tapat niyang heneral. Pero iba apng pananaw ng militanteng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa pagbibigay ni Pangulong Arroyo ng tatlong buwan kay Esperon bilang hepe ng AFP. Ayon sa Bayan, parang nananawagan ng maraming protesta ang pangulo sa loob at labas ng militar sa ekstensiyon ng termino ni Esperon.

Naniniwala ang Bayan sa pulitikal at walang kinalaman na merito ang pananatili ni Esperon bilang hepe ng AFP. Kaugnay umano ito ng mga hakbang para manatili sa puwesto si Arroyo.

Si Esperon ang itinuturing na “pinakamatapat” na heneral ni Arroyo.

Itinuturing ng Bayan na ang ekstensiyon ni Esperon ay pag-apruba sa programang kontra-insurhensiya na isinagawa sa ilalim ng panunungkulan niya sa itinuturong dahilan ng pagtaas ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan, hindi nagsagawa ng anumang seryosong imbestigasyon si Esperon sa pamamaslang at ipinilit na ang mga paglabag ng karapatang pantao ay kagagawan ng New People’s Army at hindi ng AFP.

Taliwas ito sa ulat ng iba’t ibang pangkat, kabilang na ang Melo Commission at ni UN Special Rapporteur Philip Alston na AFP ang may kagagawan sa mga pagpaslang. Partikular na tinukoy ni Alston ang AFP sa pamumuno ni Esperon ay nasa estado ng pagtanggi. Katunayan, wala isa mang mataas na opisyal ng militar ang naparusahan.

Walang gaanong kontribusyon

Ngunit hindi lang ang militanteng mga grupo ang may duda sa panunungkulan ni Esperon. Maging si Prop. Clarita Carlos, guro ng agham pampulitika sa Unibersidad ng Pilipinas at dating pinuno ng National Defense College of the Philippines, ay di bilib kay Esperon.

“Mahihinuha kong naging epektibo sana siya sa gusto niyang gawin kung sapat na natugunan ang di maresolbang isyu ng sinasabing partisipasyon niya sa ilang iregularidad sa halalan,” ani Carlos.

Para kay Carlos, lumalabas na panay bola lamang ang pahayag ni Esperon na pagdurog sa insurhensiya sa susunod na tatlong buwan. “Iisipino mo, bakit naman di niya nagawa ang gusto niyang gawin sa maraming taong nandiyan siya sa puwesto,” sabi pa ni Carlos.

Binatikos pa niya ang black propaganda sa militanteng mga grupo na pinamunuan ni Esperon. “Ang mga ginagawa ng AFP ngayon tulad ng pampulitikang edukasyon, teach-in sa kasamaan daw ng komunismo, pagguwardiya sa mga kompanya ng mga mall, pagiging badigard ng mga pulitiko, pagtugis sa mga kidnaper at armadong ‘gawaing panlipunan’ kontra sa mga insurhenteng komunista ay wala sa mandato ng AFP,” paliwanag ni Carlos.

Sinabi pa ng propesor, hindi na natin kailangan ng “bangis” ng 120,000-miyembrong AFP. Sana, sa pagbalik-tanaw ni Esperon sa mahaba – at madugong – karera niya, mabatid niyang di naampat kundi nagpalala pa sa mga problema ng bansa ang kabangisan niya.

Avatar