Ang kaso ni Melissa Roxas laban sa gobyernong Arroyo


Matapos ang malupit na karanasan ng pisikal at sikolohikal na tortyur sa kamay ng militar, handang lumaban si Melissa Roxas.

Si Melissa Roxas, sa isang press conference sa Echo Park United Methodist Church sa Los Angeles (Jay Davis)
Si Melissa Roxas, sa isang press conference sa Echo Park United Methodist Church sa Los Angeles (Jay Davis)

Muling sinariwa ni Melissa Roxas, aktibistang Filipino-Amerikano, ang tortyur na sinapit niya sa kamay ng diumano’y mga militar matapos dukutin  ng mga ito sa La Paz, Tarlac noong Mayo 19.

Sinabi pa ni Roxas na handa siyang magsampa ng kaso laban sa gobyernong Arroyo at sa militar nito dahil sa sinapit niya at ng dalawang kasamahan niya na sina Juanito Carabeo at John Edward Handoc.

Nagsalita sa unang pagkakataon si Roxas sa isang press conference na ibinrodkas sa pamamagitan ng live streaming sa website ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Nasa Los Angeles, California sa US si Roxas, isang US citizen. Umuwi siya sa US ilang araw matapos pakawalan sa Quezon City ng mga dumukot sa kanya noong Mayo 25.

Tortyur

“Paulit-ulit akong sinuntok… Walang humpay akong ininteroga… Pinaratangang miyembro ako ng CPP-NPA [Communist Party of the Philippines],” sabi ni Roxas sa wikang Ingles, sa pagitan ng pag-iyak habang sinasariwa ang mapait na karanasan.

Sinabi pa ng Fil-Am na aktibista na halos buong panahong nakaposas siya sa kanyang kama.

Ani Roxas, paulit-ulit niyang sinabi sa kanyang interogador na may mga karapatan siya, kabilang na ang karapatan para makausap ng isang abogado.

“Pero sinabi nila sa akin na wala akong karapatan doon,” kuwento niya.

Sinabi pa umano ng mga interogador na “simpleng kasangkapan lamang kami ng Diyos” para labanan umano ang komunismo at ang mga nagrerebelde sa gobyerno. Sinagot naman umano ito ni Roxas na “hindi nagtotortyur ng tao ang Diyos ko.”

Ikinuwento ni Roxas ang mga obserbasyon niya habang nasa detensiyon — ang mga putok na tila nasa firing range, ang tunog ng eroplano, ang pagtawag ng mga interogador sa isa sa kanila na “sir” — na tila tumutukoy na mga elemento ng militar ang dumukot sa kanya.

Sa naunang press conference ng Karapatan, sinabi ni Marie Hilao-Enriquez na tila may pagkakahawig ang inilalarawang lugar ni Roxas sa inilarawang lugar ng detensiyon ng isa pang biktima ng pagdukot at tortyur na si Raymond Manalo.

Ang lugar na ito ay ang Fort Magsaysay, kampo ng Philippine Army sa Nueva Ecija.

Pagsampa kontra sa gobyernong Arroyo

Ayon kay Atty. Arnedo Valera, abogado ni Roxas sa US, naghahanda na silang magsampa ng reklamo laban sa gobyernong Arroyo sa US State Department. Maaari rin umano silang magsampa sa mga ahensiya ng United Nations na nag-iimbestiga sa mga paglabag sa kaparatang pantao, kabilang ang pagtotortyur.

Sinabi pa ni Valera na may extraterritorial jurisdiction ang gobyernong US sa mga nagtortyur kay Roxas na isang US citizen kung kaya maaaring dalhin sa US ang mga maysala.

Tinukoy ni Valera ang matatapang na mga pahayag ni US Pres. Barack Obama laban sa tortyur sa Guantanamo Bay Prison ng US sa Cuba at iba pang pahayag bilang batayan ng paggiit na itanggol ng gobyernong US ang mga karapatan ni Roxas.

Sinabi ni Roxas na wala pang nakikipag-usap sa kanya mula sa gobyernong Obama hanggang sa kasalukuyan.

Para naman kay Rhonda Ramiro, pangkalahatang kalihim ng Bayan-USA, nakapanlulumo umanong isiping pera pa mula sa binayad na buwis ng mga mamamayang Amerikano ang mistulang nagpondo sa pagtortyur kay Roxas.

Gobyernong US ang pangunahing tagasuportang pinansiyal at lohisitikal sa Armed Forces of the Philippines.

Nang mabalita ang pagdukot at pagpapalaya kay Roxas ng pinaghihinalaang militar, sinabi ng mga tagapagsalita ng gobyernong Arroyo maaring staged-managed o gawa-gawa lamang ni Roxas ang pagdukot sa kanya para pahiyain ang gobyerno.

Ngunit pinabulaanan ito ni Roxas. “Walang kasinungalingan at pagpapasubali ang babaliktad sa katotohanang dinanas ko,” aniya.

Bago dinukot, nasa Tarlac umano noon si Roxas bilang bahagi ng programang exposure ng Bayan sa bansang pinanggalingan ng kanyang mga magulang. Manunulat si Roxas na nagsasaliksik para sa isang proyekto ng Habi Arts, isang grupo ng mga artista sa US.

Nagboluntir din siyang tumulong sa mga misyong medikal ng Bayan sa Tarlac.


Bidyo ng press conference (mula sa Kodao Productions):

Unang Bahagi:

Pangalawang Bahagi: