Tropang US, permanente sa bansa, aktibong sangkot sa operasyong militar


Ibinunyag ngayon ng dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines na lantarang nilalabag ng tropang militar ng US ang Saligang Batas ng Pilipinas, pati na ang RP-US Visiting Forces Agreement. Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ni dating Navy Lt. Nancy Gadian na personal niyang nakita ang pagmantine ng permanenteng presensiya ng […]

Dating Navy Lt. Nancy Gadian
Dating Navy Lt. Nancy Gadian

Ibinunyag ngayon ng dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines na lantarang nilalabag ng tropang militar ng US ang Saligang Batas ng Pilipinas, pati na ang RP-US Visiting Forces Agreement.

Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ni dating Navy Lt. Nancy Gadian na personal niyang nakita ang pagmantine ng permanenteng presensiya ng tropang militar ng US sa Mindanao. Kabilang dito ang pagmantine ng permanenteng mga imprastraktura, at aktibong paglahok sa mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines kontra Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Bilang kawani ng Philippine Navy, naatasan umano si Gadian na planuhin ang Balikatan 2002 sa Clark Field, Pampanga at Balikatan 2002-1 sa Mindanao.

Noong Mayo 2002, naitalaga siya sa Naval Forces South sa Zamboanga, at kalahok sa pagpaplano ng tinaguriang mga humanitarian projects ng tropang US at Pilipino. Noong Nobyembre 2006 hanggang Hulyo 2007,  naatasan siyang maging officer-in-charge sa “Civil Military Operations Task Group of the Balikatan 2007.”

Permanenteng presensiya

Sa ilalim umano ng Joint Special Operations Task Force Philippines (JSOTFP) na nakabase sa Camp Navarro ng AFP sa Zamboanga, minantine ng tropang US ang presensiya nito sa bansa.

The American camp in Camp Navarro consists of two permanent structures, built by the Americans, located near the office of the Headquarters Service Group of the Western Mindanao Command. The two permanent structures are fenced off by barbed wires and guarded by US Marines,” sabi ni Gadian, sa kanyang sinumpaang salaysay.

Ibininunyag pa ni Gadian na kadalasang nagmantine ng humigit-kumulang 500 tropang militar ang US. “These troops are stationed in Mindanao even without any Balikatan exercises going on,” ani Gadian.

Hindi rin umano minomonitor ng gobyernong Arroyo ang pagkilos at deployment ng tropang US sa Timog Mindanao.

Aktibong kalahok din umano ang tropang US sa paniniktik sa mga sinususpetsahang terorista. Kabilang sa kasangkapang ginagamit nito ang unarmed aerial vehicles (UAV).

Maraming beses na mismong tropang US ang nagbibigay ng intelligence report sa AFP hinggil sa kinalalagyan ng mga kaaway ng gobyerno, kabilang ang Abu Sayyaf at MILF, ayon pa kay Gadian.

Nasasaksihan din umano ni Gadian ang regular na “rest and recreation” o R&R ng mga opisyal at enlisted men ng tropang US, kabilang ang pagtangkilik sa prostitusyon sa mga lugar kung saan nagsasagawa ito ng R&R.

Minsan na umanong inireklamo ni Gadian ang “aroganteng” postura ng mga sundalong Kano, pero binalewala umano ito ng mga opisyal ng Navy at AFP na pinagsumbungan niya.

Benepisyo?

Sinabi naman ni Gadian na may mga “benepisyo” naman ang gobyerno sa mga ehersisyong militar at presensiya ng tropang Kano sa bansa.

Kabilang dito ang oportunidad na makasakay sa mga hi-tech na sasakyang militar ng US, na hindi umano ipinalalampas ng mga sundalong Pilipino dahil bihira naman sila makakita at makasakay sa mga sasakyang tulad nito.

Benepisyo rin umano ang di maitatangging humanitarian missions tulad ng misyong medikal at dental ng mga tropang Kano sa iba’t ibang bahagi sa Mindanao. Pero, ayon kay Gadian, “Madali lang sanang naibabahagi ito (medical at dental missions) ng gobyerno kung gugustuhin nito.”

Naniniwala si Gadian na lahat ng ito ay indikasyon na panahon na para ibasura ang Visiting Forces Agreement at tutulan ang presensiya ng tropang US sa bansa.

Ayon kay Atty. Evalyn Ursua, abogado ni Gadian, mahihirapan ang gobyernong Arroyo na hanapan ng legal na batayan ang mga aktibidad ng tropang US na malinaw umanong labag sa Saligang Batas, laluna ang probisyon na pagbawal sa permanenteng presensiya ng dayuhang tropang militar sa bansa.

Assistant chief of staff para sa civil-military operations sa Western Mindanao Command si Gadian noong 2007, sa ilalim ni Lt. Gen. Eugenio Cedo. Noong Abril 2009, nagbitiw si Gadian sa Navy at noong Mayo ay inakusahan si Cedo at ang mga opisyal ng AFP na sangkot sa misteryosong pagkawala ng milyun-milyong pondo para sa Balikatan.