Pasintabi

Martial law babies


Bago nagkaroon ng Gen X (henerasyong pwede kahit ano), at Gen Y (mas masahol na henerasyon ng kawalan-pinaniniwalaang katotohanan), matapos ang Gen Text (texting generation na naging kabahagi ng promo ng higanteng telecom), nauna ang “martial law babies.” Ito ang henerasyong akala nang lahat ay sinumpa ng kasaysayan—na nagkaroon ng kamulatan sa panahon ng sapilitang […]

Bago nagkaroon ng Gen X (henerasyong pwede kahit ano), at Gen Y (mas masahol na henerasyon ng kawalan-pinaniniwalaang katotohanan), matapos ang Gen Text (texting generation na naging kabahagi ng promo ng higanteng telecom), nauna ang “martial law babies.”

Ito ang henerasyong akala nang lahat ay sinumpa ng kasaysayan—na nagkaroon ng kamulatan sa panahon ng sapilitang pagdagdag ng taon ng paghahari ni Ferdinand Marcos, na tanging si Marcos o ang immediate na kaanak nito ang matutunghayang presidente sa tanang buhay, na ang kondisyon ng posibilidad at imposibilidad ay nakapasok lamang sa diktadurya ng mag-asawa.

Mantakin mo ang scenario na Gloria Arroyo forever, tapos ay Mike o Mikee ang papalit? At manghihina na lamang dahil sa limitado o kawalan ng pagpipilian, na ang tadhana ay inakda na, kahit moral na di kapahipahintulot ang posibilidad. Kaya “baby” ang turing dahil inaakalang sanggol na pwedeng akdain ang kolektibong hinaharap ng mga ito.

Ifantilization ito, o turing-musmos sa pagtakda na hindi pwedeng lumampas ang musmos sa anino ng kanyang tagapangalaga. Hindi ito katulad ng “baby boomer” na generation sa US, na post-war na henerasyon ng mga batang walang prinoblema dahil sa sustenidong pagtaas ng ekonomiyang lagay na pare-pareho (raw) na nagkaroon ng akses sa tertiaryong edukasyon, kotse, pabahay, pamilya, at white-collar na trabaho.

Pejoratibo ang pagiging “martial law baby” dahil isinanla na ang kinabukasan ng henerasyong ito sa diktadurya ng estado. At ito ang kakatwa dahil marami sa naging bahagi ng henerasyong ito ang hindi rin naman ipinaghele ng diktadurya. Marami ay nagkaroon ng alternatibong kamulatan sa loob ng diktadurya—naging aktibista, namundok, inaresto, sinalvage, napaslang, nangibang-bayan at nagbuo ng united front.

Epoch-defining ang araw ng deklarasyon ng martial law, na siyang referent sa “martial law babies.” Sa araw ng Septyembre 21, 1972, inihiwalay ang henerasyon namulat na, at ang pagpapasan ng higit na opsyon ng pagtanggap na lamang sa fasismo at pambansang pag-unlad ng mga Marcos sa martial law babies.

Kung nagkaroon ng kamulatan bago sa araw ng deklarasyon, hindi na kabahagi ng henerasyon ng martial law babies. Una, hindi na baby kaya sumasama na sa rali at piketlayn. May relatibong autonomiya nang ahensya ang individual. Ikalawa, ito ang henerasyong magbibigay-panuntunan sa kasunod nito, ang mismong martial law babies.

Para sa martial law babies, itong kagyat na naunang henerasyon ang magbibigay opsyon sa sarili nilang predikamento—kung ano ang rekurso, ang ipaghele na nga ng fasismo at kawalan-magawa sa daluyong ng diktadurya, o ang pag-ako ng kontra-politikal na posisyon, makauri at kontra-estado?

Tuwing Setyembre 21, may alingangaw sa hangin para sa akin. Tulad ng okasyon tulad ng todos los santos na ginugunita ang mga nauna nang nawala, o araw ng desaparasidos, o tuwing bagong taon na may introspeksyon sa relasyon ng sarili sa lipunan, inaalaala ko ang aking nakaraan.

Grade II ako nang ideklara ang martial law. Dalawang buwang walang pasok. At nang pinapasok na nga, pinagbungkal kami ng lupa, gumawa ng plots ng gulay sa bakanteng lupa sa likod ng klasrum. Pinagdala ng buto para itanim sa programa ng Green Revolution ni Imelda.

Pinapunta sa Heart Center bago ito buksan, pinasukatan ng damit para sa okasyon ng pag-awit sa malakihang children’s choir sa inauguration. Pero sa di ko maalaalang dahilan, laking panghihinayang kong natunghayan sa telebisyon ang pagbubukas, at kung bakit kami ng mga piniling kaklase ay hindi nakasama.

Tatlumpu’t pitong taon matapos ang deklarasyon, para pa rin itong paningas sa kasalukuyang politikal na pagkatao. Kung bakit kahit tila siklikong nanunumbalik ang pwersa ng fasismo, at ang mga figura ng tirano at mandarambong, ay may patuloy pa ring pag-angkla sa isang okasyong nagbigay-definisyon sa kolektibong pagkataong aming henerasyon.

Tumanda na ang martial law babies, at marami ang tumandang may pinagkatandaan.