Sapat na ba ang katapatan para umunlad ang ating bansa?
Walang wangwang, walang counterflow, walang tong, sabi ni Pang. Noynoy sa kanyang inaugural speech. Malinaw na ang kanyang programa para sa pamahalaan ay nakatungtong sa katapatan at kababaang-loob ng mga nasa gobyerno. Hindi ako magnanakaw, diin niya sa kanyang pangangampanya. Kung walang kurap, walang mahihirap, dagdag pa niya. Buong-puso namang tinanggap ito ng ating mga […]
Walang wangwang, walang counterflow, walang tong, sabi ni Pang. Noynoy sa kanyang inaugural speech. Malinaw na ang kanyang programa para sa pamahalaan ay nakatungtong sa katapatan at kababaang-loob ng mga nasa gobyerno. Hindi ako magnanakaw, diin niya sa kanyang pangangampanya. Kung walang kurap, walang mahihirap, dagdag pa niya.
Buong-puso namang tinanggap ito ng ating mga kababayan. Oo nga naman. Sino ba ang ayaw sa gobyernong walang NBN-ZTE scam, midnight appointments scandal, fertilizer scam, Hello Garci scam, Jose Pidal scandal at iba pang mga eskandalo at kontrobersiya sa ilalim ng pamahalaang Macapagal-Arroyo? At dahil sa pangakong ito kung bakit nailuklok sa kanyang puwesto ang bago nating pangulo.
Ngunit sapat na ba ang katapatan para umunlad ang kabuhayan ng ating mga kababayan? Sapat ba ito para mabigyan ng kabuhayan ang mahigit sa 25 milyong Pilipino na ngayon ay walang mga trabaho o naghahanap pa ng mas mahusay na trabaho?
Sa panahon ng nakaraang administrasyon naganap ang pinakamahabang unemployment period sa ating bansa (11.2%). Tinatantiya din na may mahigit 23 milyong Pilipino ngayon ang nasa ilalim ng poverty line sa kabila ng hokus-pokus na ginawa ng nakaraang administrasyon sa poverty line threshold.
Noong nakaraang Mayo ay umabot na sa P920.00 bawat araw ang cost of living para sa pamiyang may anim na kasapi sa National Capital Region. Ngunit ang legislated minimum wage rate ay nasa P404.00 a day lamang. Kaya, paano ito makakabuhay?
Hindi rin tayo makakaasa na ang mga manggagawa ay mabibigyan ng karagdagang dagdag na benepisyo sa pamagitan ng kanilang mga unyon o kanilang mga collective bargaining agreement (CBA). Tinatantiyang sa ilalim ng administrasyong Arroyo ay wala nang dalawang milyong manggagawa o 5% ng total labor force ang may mga unyon. At sa dalawang milyong manggagawang ito na unyonisado, 211,000 na lamang ang may CBA. Paano naman kaya ang mahigit P37 milyong manggagawa na walang CBA?
Sa mga magsasaka naman, mahigit pito sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupa. Ang kita ng karaniwang magsasaka bawat araw ay hindi pa makakabili ng isang kilong bigas, ayun sa mga lider-magsasaka. Mahigit 75% sa ating mahihirap ang matatagpuan sa rural areas kung saan matatagpuan ang ating mga magsasaka. Kahit na tayo ay naturingang isang agrikultural na bansa, ang inaani nating palay ay hindi pa rin sapat sa ating pangangailangan at kailangan pa nating humango ng bigas sa ibang bansa.
Bangkarote rin ang kaban ng pamahalaan na minana ni Pang. Noynoy kay Pang. GMA. P370 Bilyon ang sinasabing budget deficit ng pamahalaan Arroyo na iniwan sa bagong administrasyon.
Ganun kabigat, mga mambabasa ang suliraning hinaharap ni Pang. Noynoy. At hindi natin maitanggi na malaking bagay ang katapatan para masolusyunan ang mga suliraning ito.
Pero higit pa sa katapatan ang hinihingi ng sitwasyon. Sa loob ng ilang dekadang nagdaan, ang ating mga pinuno ay sumunod sa pilosopiya ng malayang pamilihan o “free-market policy” na pinairal sa atin ng Estados Unidos at iba pang kapitalistang bansa. Ang patakarang ito ay mas kilala ngayon sa tawag na globalisasyon. Dahil sa patakarang ito ay malayang nakakapasok at nakakalabas dito sa atin ang dayuhang kapital at produkto na naging dahilan ng pagkatali ng ating lokal na ekonomiya sa pandaigdigang ekonomiya at pagkaatrasado o pagkabansot ng ating mga pambansang industriya.
Dahil sa patakarang ito ay nakakabili ng hilaw na sangkap mula sa atin ang mga mayayamang bansa sa mababang halaga na kanilang pinagbibiling muli sa atin sa anyo ng yari na produkto sa mas mataas na halaga. Dahil din sa patakarang ito ay naging bansot ang mga lokal na industriya sa ating bansa at hindi sila nakakalikha ng sapat na trabaho para sa ating mga mamamayan. Dagdag pa rito, naging bulnerable rin tayo sa mga krisis na dinadanas ng pandaigdigang ekonomiya tulad ng pangkasalukuyang krisis na ating iniinda ngayon.
Kung nais ni Pang. Noynoy na umunlad ang kalagayan ng ating mamamayan, dapat lamang ibasura niyang ibasura ang patakaran ng globalisasyon. At sa pagbasura niya nito, hindi lamang katapatan ang kailangan dito, mga kasama.
Kailangan din niyang maging matatag at matapang laban sa inaasahang pagtutol nito ng mga dayuhan. At para magkaroon siya ng tapang at tatag para magawa ito, kailangan ang walang tingil na pagmamatyag at pagkilos ng mga mamamayan.