Anibersaryo ng Guimaras oil spill minarkahan ng protesta

August 12, 2010

Isla ng Guimaras (Mula sa Google Earth)

Isla ng Guimaras (Mula sa Google Earth)

Nagsagawa ng protesta ang mga grupong makakalikasan, mangingisda at siyentista sa harap ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City noong Agosto 11 para gunitain ang ika-apat na anibersaryo ng pagtagas ng langis ng kumpanyang Petron sa isla ng Guimaras.

“Apat na taon na ang nakakalipas simula nang magkalat ng mahigit dalawang milyong litro ng langis ang Petron at Sunshine Maritime Development Corporation (SMDC) sa karagatan ng Guimaras, pero wala pa ring katarungan. Wala pa ring makatarungang kompensasyon at hindi pa rin tapos ang rehabilitasyon sa kalikasan,” ayon kay Clemente Bautista ng Kalikasan-PNE o Kalikasan People’s Network for the Environment.

Matatandaang noong Agosto 11, 2006, tumagas mula sa MT Solar 1  ang 2, 193,000 litro ng lulan nitong langis para sa Petron Corporation 21 kilometro sa katimugang bahagi ng Guimaras. Ang naturang sasakyan ay pag-aari ng SMDC na siyang kinontrata ng Petron.

Sa tala ng National Disaster Coordinating Council, halos 234 kilometro ng baybayin, 1,143 ektarya ng yamang-dagat, 478 ektraya ng bakawan at 16 na metro kilometro ng coral reefs ang napinsala ng naturang pagtagas. Tinataya namang aabot sa 150,000 mamamayan ng Guimaras ang naapektuhan nito at 4,000 ang nawalan ng hanapbuhay.

“Sa kabila ng malawakang pagkawasak ng kalikasan, wala isa man ang nanagot. Ilang taon na ang lumipas pero ang Petron, SMDC at responsableng opisyal ng gobyerno na siyang may pananagutan ay hindi pa rin napaparusahan,” ani Bautista.

Samantala, binatikos naman ni Giovanni Tapang ng Agham, ang pagpapabaya ng gobyerno kaugnay ng oil spill. “Wala pa ring sapat na batas at polisiya ang gobyerno para protektahan ang karagatan at wala pang napapanagot sa mga ganitong klase ng trahedya,” aniya pa.

Ayon pa sa Agham,patuloy pa rin ang oil spill at trahedya sa karagatan tulad na lamang ng naganap sa Bacolod City noong Hulyo 3, sa Calatagan, Batangas noong Hulyo 4, sa Rosario, Cavite at sa Mariveles, Bataan noong kasagsagan ng bagyong ‘Basyang’, gayundin ang fuel leak sa La Union noong Hulyo 21 at ang paglubog ng SF Freighter sa Marinduque noong Agosto 7.