Sugod mga Kapatid

Hukbo ng Bayan?


Ang sarap siguro magtrabaho sa Public Information Office ng AFP ano? Isipin mo, sinusuwelduhan at sinasaluduhan ka para lamang magsulat at magsalita ng kabaliktaran ng katotohanan:

Ang sarap siguro magtrabaho sa Public Information Office ng AFP ano? Isipin mo, sinusuwelduhan at sinasaluduhan ka para lamang magsulat at magsalita ng kabaliktaran ng katotohanan:

“Walang nasawing sundalo”, “Rebelde ang nahuli”, at ang pinaka-bago nila, “hadlang sa kaunlaran”.

Pero kung tutuusin, kung ganun rin lang ang talento ko, magtatrabaho nalang ako bilang stand-up comedian. Dun kasi, isa kang katatawanan. Pero sa AFP, ang mamamayan ang ginagawang katatawanan.

Taong 2007 nang dinukot ang aktibistang si Jonas Burgos, anak ng kontra-diktadurang mamamahayag na si Joe Burgos, sa isang mall sa Quezon City. Hanggang ngayong taon, parang sirang plaka ang AFP na nagsasabing “Hindi naming alam” o “Wala siya sa mga kamay naming”. Hanggang sa lubas ang ulat ng Commission on Human Rights ngayong buwan na nagtuturo sa isang Major ng Phil. Army bilang direktang sangkot sa pagdukot.

Ngayong buwan rin lumabas ang isang bidyo sa YouTube na nagpapakita ng pantotortyur ng 9th Infantry Division, ang yunit ng Phil. Army na naka-base sa Bikol, sa mga bagong rekrut nito. Mabilis ang sagot ng mga bagong-gawang mga account (kilala bilang ‘sock puppets’ sa U.S at U.K): “Hindi yan totoo!” at “Gawa-gawa lang yan ng NPA!”…

(Di ba paubos na ang puwersa ng mga NPA? Saan sila nakakuha ng maraming tao at malaking lugar at teknolohiya para ilunsad ang ganung klaseng produksiyon?)

… pero di pa apat na araw mula ng lumabas ang bidyo, inako agad ng militar na totoo ito. Na-trauma na mga ito sa pambibisto ng CHR at Dept. of Justice.

Ang pinaka-bagong patawa ng AFP, ang ‘bukas na liham’ nila kay Ka Roger Rosal, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (New People’s Army sa Ingles) sa ika-42 anibersaryo ng rebeldeng grupo. ‘Nakikiusap’ di-umano ang AFP sa BHB na itigil ang kanilang armadong pakikibaka dahil di-umano ay napipigilan nito ang pag-unlad ng ibang parte ng bansa at nagpapanatili sa marami sa kahirapan.

Ano bang alam ng AFP sa kaunlaran at kahirapan?

Sa trabaho? E yung mismong mga empleyado nila na mga sundalo, ‘di nila ma-swelduhan ng maayos at sa tamang oras. Sa reporma sa lupa? Oo, may hukbong namamahagi ng libreng lupa sa magsasaka, pero hindi iyon ang AFP. Sa kabuhayan? Mga matataas na opisyal lamang nila ang may ‘pabaon’ at ‘pasalubong’. Sa serbisyong panlipunan? E mismong mga sundalo nila, nakatira sa tagpi-tagping tahanan habang pang-‘MTV Cribs’ ang bahay ng mga heneral nila. Anong alam ng AFP sa kaunlaran at kahirapan?

Paboritong ehemplo ng militar ang ginagawang pantataboy ng BHB sa mga malalaking korporasyon sa pagmimina at pagtotroso. Nawawalan daw ng trabaho ang mga nakatira malapit sa minahan: e kung may mina, nasisira ang kalikasan na dating pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan nila. Sa Marinduque, anong pang-matagalang napala nila mula sa kompanyang Marcopper? Patay na ilog, samu’t saring sakit. Sa Leyte at Cordillera? Mga landslide.

Bilang estudyante ng kursong ‘Pagpapaunlad sa Pamayanan’ (Community Development), malaking insulto sa akin ang marinig ang mga sundalo na nagtatatalak hinggil sa kaunlaran. Meron kaming tinatawag na ‘rights-based approach’, e hindi naman sila marunong rumespeto sa mga karapatang pantao. Meron kaming tinatawag na ‘equitable distribution of wealth’, pero pinagtatanggol nila ang mga indibidwal at korporasyon na nagmomonopolyo sa likas-yaman ng bansa. Meron kaming tinatawag na ‘participatory development’, pero binabansagan nilang ‘NPA’ ang lahat ng kumukuwestiyon sa kanila.

Hukbo ng bayan ang kailangan ng mamamayan, hindi isang komedyante na pinagtatawanan. Masyadong mahal ang P104.7 Bilyon para sa taunang suweldo ng isang institusyong katulad ni Willie Revillame.