One Day Millionaires
Kung ang isa sa mga kabataan ng Brgy. Manga, Capas, Tarlac ay makakapasa man sa entrance exam ng Unibersidad ng Pilipinas, tila higit pa sa Mt. Arayat ang kailangan niyang tahakin para lamang makapasok dito.
Kung ang isa sa mga kabataan ng Brgy. Manga, Capas, Tarlac ay makakapasa man sa entrance exam ng Unibersidad ng Pilipinas, tila higit pa sa Mt. Arayat ang kailangan niyang tahakin para lamang makapasok dito.
Ngayong panahon ng anihan ng palay, marami ang tinatawag dito na one day millionaires: may malaking pera pero di pa tapos ang 24 oras, ubos na ito.
Sabihin natin ang kabataan ay kabilang sa pamilya na may sariling lupa (nasa minorya siya dito sapagka’t pito sa sampung magsasaka ang wala parin sariling lupa). Di malayo sa isang ektarya ang laki nito. Kung palay ang nakatanim, mga 80 kaban ang maaaring anihin mula dito, o katumbas ng 2,800 kilo. Sa halagang P13/kilo, P36,400 ang pera niya sa apat na buwan. Dahil wala namang serbisyo ang gobyerno ng mura/libreng paggiling sa palay (para maging bigas), no choice sila kundi ipagiling ito sa pribadong indibidwal. Kung 100 kaban ito, walo ang kukunin bilang bayad. Ibawas mo pa yung 10 na bayad sa mga taga-gapas ng palay. Tapos ilalapit ito sa ‘middleman’ para maibenta ito sa palengke (muli, no choice) sa halagang P13/kilo imbes na P17/kilo kung NFA sana ang bibili nito.
Siyempre, di naman puwedeng hindi kumain ng apat na buwan (ang pagitan ng pagtanim mo ng palay at pag-ani). Pero dahil wala na silang ibang pinagkakakitaan, mangungutang sila para sa lahat ng gastusin nila, kahit ang araw-araw na pagkain nila. Kasama rin diyan ang pambili ng seeds at fertilizer dahil walang programa ang gobyerno para i-subsidize ang mga ito. Kasama rin ang pambili ng diesel (kung ‘2nd crop’ na ito) dahil ang karaniwang sakahan dito ay walang irigasyon. Bagkus, gumagamit sila ng de-motor na water pump kung ayaw nilang malanta ang mga tanim nila.
Kanino sila mangungutang? Isa pang no choice. Kung sino man ang may pera at handang magpautang. At alam rin ng mga nagpapautang ang ganung kalagayan kaya sinasamantala nila ito. Ang utang na P2000, nadadagdagan ng P1000 kada buwan. Kapag dating ng anihan, nakangiti sila ng umaga pero nakasimangot na ng gabi dahil wala halos natira pagkatapos magbayad ng utang. One day millionaire.
E paano pa kung ang nasabing kabataan ay kabilang sa mayorya ng populasyon dito na walang sariling lupa? Nakikigapas lang sila sa palayan o tubuhan ng iba. At sa 100 kaban ng palay na gagapasin nila, sampu ang paghahatian nila ng iba pang mga magsasakang walang lupa. One day na nga lang, di pa naging millionaire.
Kaya yung kabataan na nabangga habang nagmomotorsiklo, magtitiis na lang sa pagmamasahe ng asawa. Di bale na walang background sa medicine ang babae (di nga nakatuntong ng kolehiyo e), kesa naman gumastos ng halagang wala sila. Yung nakataga naman ng daliri habang naggagapas ng tubo, gusto nalang pumunta sa mananahi para ipatahi ang sugat. At least daw kakilala niya iyung nagtatahi, puwede siyang makalibre.
At kung makakapasa man ang isa sa mga taga dito sa UPCAT, wala rin. Kahit ang ipinagmamalaking full scholarship ay di sapat. Paano ba naman, saan kukunin ang pambili ng libro, upa sa dormitory, pamasahe, at baon, kung kahit pang-araw-araw na pagkain ay inuutang pa? E may TV ang pamilya niya at cellphone na walang load, baka maging STFAP Bracket A pa siya.
Madalas sa mga debate sa loob ng pamantasan at akademiya hinggil sa budget cut, nakakahon lamang ang usapan sa epekto nito sa kasalukuyang mga estudyante at guro. Ito lang kasi ang nakikita sa sarili nating mga mata. Nakakalimutan natin na marami ang naaapektuhan nito, nakikita man natin o hindi. Tulad ng mga kabataan ng Brgy. Manga, ang budget cut ay tila paggapas sa kanilang mga kabuhayan.