Protestang bayan isasabay sa welgang transportasyon


Hindi lamang isyu ng sektor ng transport ang pagtaas ng presyo ng langis. Kung gayon, ayon sa militanteng mga organisasyon, hindi lamang sektor ng transport ang dapat magwelga sa Lunes, Setyembre 19. Iba’t ibang organisasyon ng mga maralitang sektor ang maglulunsad ng “protestang bayan” para igiit ang mga panawagang labanan ang P9 overpricing sa langis, EVAT sa langis, at Oil Deregulation Law.

'Like' sa welga. Inihayag ng Bayan at kaalyadong mga organisasyon nito ang suporta sa welgang transportasyon ng Piston. Sasabayan ng naturang mga grupo ng isang pambansang kilos protesta ang gaganaping welga. (Macky Macaspac)
'Like' sa welga. Inihayag ng Bayan at kaalyadong mga organisasyon nito ang suporta sa welgang transportasyon ng Piston. Sasabayan ng naturang mga grupo ng isang pambansang kilos protesta ang gaganaping welga. (Macky Macaspac)

Inihayag ng iba’t ibang progresibong organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang kanilang suporta sa ilulunsad na welgang transportasyon sa Setyembre 19.

Sinabi ng Bayan na sasabayan nila ng isang protestang bayan ang tigil-pasada ng mga drayber at opereytor upang hilingin ang kagyat na pagrolbak ng presyo ng langis at pagbasura sa Oil Deregulation Law.

Kasabay ng pagbibigay nila ng suporta, nagpaumanhin rin ang mga grupo sa anumang abalang lilikhain ng kanilang protesta.

“Pansamantala lamang ang maidudulot na abala ng protesta, at nais naming makasama ang mas malawak na taumbayan upang hilingin ang pagbaba ng presyo ng langis at maibasura na ang oil deregulation,” sabi ni Eleonor de Guzman, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Ayon sa grupo, hindi lamang sektor ng transportasyon ang pinahihirapan ng walang habas na pagtaas ng presyo ng langis.  Ani Leleng Zarzuela, tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), “Awtomatikong tumataas ang lahat ng bilihin, sa oras na tumaas ang presyo ng langis.”

Ayon kay Zarzuela, hindi na maka-agapay sa hirap ang mga maralitang wala namang permanenteng trabaho sa patuloy na  pagtaas ng presyo ng mga pagkain, tubig at kuryente. Sinabi pa niyang magtatayo sila ng mga protest center sa mga maralitang komunidad at hihikayatin ang mga kapwa nilamahihirap na drayber na huwag pumasada at sumuporta sa protesta.

Sa Davao City, nagsagawa ng fun run ang kababaihan ng Gabriela at Gabriela Women's Party bilang pagsuporta sa panawagang rolbak ng presyo ng langis at pagkilos sa Setyembre 19. (Karlos Manlupig)
Sa Davao City, nagsagawa ng fun run ang kababaihan ng Gabriela at Gabriela Women's Party bilang pagsuporta sa panawagang rolbak ng presyo ng langis at pagkilos sa Setyembre 19. (Karlos Manlupig)

Sinabi naman ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na kahit ang mga kawani ng gobyerno na nasa Salary Grade 5 ay hindi ligtas sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

“Napupunta ang ¼ sa sahod ng mga kawani sa pamasahe,” paliwanag ni Gaite.  Aniya, halos walang natitira para sa pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng isang pamilya.  Katulad din ang hinaing ng mga kawani sa hinaing ng mga manggagawa sa pribadong sektor na matagal nang humihingi ng umentong P125 across the board. Matagal na ring ipinaglalaban ng Courage ang P6,000 na umento sa buwanang sahod ng mga kawani sa gobyerno.

Hindi rin nakaligtas sa mga grupo ang pagbabanta ng gobyerno laban sa  magwewelgang drayber at opereytor.

“Nagpatawag ito ng dayalogo sa sektor transportasyon noong Setyembrer 14 para lamang magbitiw ng mga pangakong walang laman at pagbabanta sa mga lalahok sa transport strike,” ani Celso Rimas ng National Federation of Labor Unions – Kilusang Mayo Uno (Naflu-KMU).

Sinabi pa ni Rimas na malinaw umanong ipinakita sa dayalogo ang kawalang pagtugon sa hinaing ng mga drayber, manggagawa at taumbayan laban sa mga kompanya ng langis.

“Sa halip na magbanta ang gobyerno na tatanggalin ang prangkisa ng mga lalahok sa welga, bakit hindi tanggalin ng gobyerno ang prangkisa ng Big 3?” reaksiyon naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, militanteng grupo ng mga kabataan.

Sinabi pa ni Crisostomo na hindi nagagalaw ng gobyerno ang Big 3 at ang mga mamamayan ang patuloy na tinatakot sa paggiit nila ng makatarungang kahilingan. “Patunay lang na protektor ng Big 3 si Aquino,” aniya.

Hinamon pa ni Crisostomo si Pangulong Aquino na kagyat na irolbak nang di bababa sa P9 ang presyo ng mga produktong petrolyo bago pumutok ang sunud-sunod na welga.

Samantala, hinikayat naman ng alyansang pangkababaihan na Gabriela kahit ang mga grupong umatras sa welga, tulad ng Pasang Masda, Fejodap at  PACDO-ACTO, na sumama pa rin sa welga sa Lunes.

“Dapat magkaisa ang mga tsuper at mga komyuter na labanan ang pagtaaas ng presyo ng langis at sa overpricing,” ani Nerissa Guerrero, national council member ng Gabriela.  Aniya, dapat umanong magkatuwang na ipaglaban ang pagrolbak sa presyo ng langis sa halip na humiling ng panibagong dagdag-pasahe.

“Wala din naman itong silbi  dahil napupunta lang ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” sabi pa ni Guerrero.  Sa mga nakaraang pagkakataon, nauunang humiling ng dagdag pasahe ang mga naturang grupo

Patuloy rin ang paghikayat ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa mga drayber, komyuter at iba pang motorista na suportahan ang ilulunsad nilang welga.

Ayon kay George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston, ang isyung ipinaglalaban nila ay hindi lamang para sa kapakanan ng kanilang sektor. “Apektado ang lahat sa overpricing at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” aniya.

“Sa lahat ng drayber sa Metro Manila at sa ibang panig ng bansa, miyembro ka man ng Piston o ibang pederasyon, sa Lunes ay araw ng ating protesta.  Hinihikayat ko na sumuporta kayo dahil at the end of day lahat po tayo ay magkakarga ng krudo upang makapagserbsiyo sa mga mananakay, at tayo pa rin ang may problema sa mataas na presyo ng langis,” paghihikayat ni San Mateo.