Magsasaka Pambansang Isyu

Cha-cha: Mas matinding pahamak sa bayan


Ipinabandera ng mga tagapanguna ng Charter Change – na pawang alyado ni PNoy sa Kongreso – na lalong pagbukas sa bansa sa dayuhang mga kompanya ang magdadala sa atin sa kaunlaran. Pero ang polisiyang ito mismo ang naglulugmok sa bansa sa ibayong kahirapan at pagsasamantala.

Misamis Rep. Loreto Ocampos, kaalyado ni Pangulong Aquino sa Liberal Party, na tagapangulo ng House Committee on Constitutional Reforms at nagtutulak ng Charter Change sa Kamara. (KR Guda)
Misamis Rep. Loreto Ocampos, kaalyado ni Pangulong Aquino sa Liberal Party, na tagapangulo ng House Committee on Constitutional Reforms at nagtutulak ng Charter Change sa Kamara. (KR Guda)

Isandaang porsiyentong pag-aari ng negosyo sa Pilipinas. Eksplorasyon, pagpapaunlad at paggamit ng likas na mga yaman sa bansa. Pag-aari sa midya. Pagsapraktika ng mga propesyon, tulad ng abogasya, enhinerya, at iba pa. Pag-aari ng mga eskuwelahan. Pagpapalawig hanggang 50 taon ng pangungupa sa lupa.

Ito lamang ang ilan sa hindi pinapayagan ng 1987 Saligang Batas na gawin ng mga dayuhang negosyante. Ito rin ang gustong ipabasura ng House Concurrent Resolution No. 10 sa Saligang Batas. Ito ang laman ng Charter Change, o Cha-cha, na agresibong itinutulak ngayon sa Kongreso.

Ayon kay Rep. Loreto Ocampos, tagapangulo ng House Committee on Constitutional Amendments, layon ng naturang resolusyon na maakit ang dayuhang mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa. Dagdag na dayuhang pamumuhunan, dagdag na trabaho at kaunlaran sa bansa.

Piket ng mga magsasaka at manggagawa sa harap ng Batasan Pambansa noong Oktubre 12. (Darius Galang)
Piket ng mga magsasaka at manggagawa sa harap ng Batasan Pambansa noong Oktubre 12. (Darius Galang)

Pero seryosong kinukuwestiyon ito ng progresibong mga ekonomista, batay sa karanasan ng iba’t ibang bansa sa mundo. Mas mahalaga, kinukuwestiyon ito ng iba’t ibang sektor sa lipunan, mula organisadong mga magsasaka, manggagawa, hanggang kabataan.

Solusyon daw sa kahirapan?

Target ng mga panukalang amyenda ni Ocampos, isang kongresista sa ilalim ng Liberal Party ni Pang. Benigno Aquino III, ang pang-ekonomiyang mga probisyon sa Saligang Batas na nabanggit sa itaas. Kabilang ito sa tinaguriang “proteksiyunistang mga probisyon” ng konstitusyon.

Paliwanag ni Sonny Africa, tagapangulo sa pananaliksik ng Ibon Foundation Inc., isang independiyenteng institusyon ng pananaliksik, kabilang ang naturang mga probisyon sa mga makabayang probisyon na naipagwagi ng progresibong mga miyembro ng Constitutional Commission ng 1986. Layon ng makabayang mga probisyong ito na proteksiyunan ang mga lupain at likas na yaman ng bansa mula sa pandarambong at monopolyo ng malalaking dayuhang kompanya sa bansa.

“Pero ’yung nationalist provisions (sa 1987 Konstitusyon), wala pa ngang enabling laws,” sabi ni Africa.

Samantala, magmula panahon ni Pang. Corazon Aquino hanggang kina Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo at Benigno Aquino III, walang patid ang pagpapatupad ng mga polisiyang akitin ang malalaking kompanyang dayuhan, laluna mula sa US, para magnegosyo sa bansa. Isa-isang niliberalisa ang iba’t ibang industriya. Isa sa tampok na niliberalisa ang industriya ng pagmimina, sa bisa ng Mining Act of 1995, na nagbukas sa malalaking dayuhang kompanya ng mina na magsagawa mula eksplorasyon hanggang extraction ng mga mina ng bansa.

Makikita sa pang-ekonomiyang mga datos ng bansa mula 1981 hanggang 2010 ang paglobo ng foreign direct investment (FDI). Noong 1981 hanggang 1985, umabot sa $185-Milyon ang FDI sa bansa. Ngunit mula 2006 hanggang 2010, umabot na ito sa $2.2-Bilyon. Ngunit, sa parehong panahon, ayon kay Africa, mahigit sa dumoble ang unemployment o kawalan ng empleyo, sa bansa. Mula mahigit dalawang milyon noong 1981-85, umabot na sa 4.2 milyon ang unemployed sa bansa noong 2006-10.

Ibig sabihin lamang nito, ayon kay Africa, na sa kabila ng paglobo ng pamumuhunan sa bansa sa loob ng 30 taon, lumala lamang ang kahirapan at kawalan ng empleyo sa bansa.

Napag-iiwanan kuno

Samantala, sinasabi ng mga tagapanguna ng Cha-cha na napag-iiwanan na ang Pilipinas ng mga karatig na bansa tulad ng Vietnam, Thailand, Indonesia at Malaysia, sa FDI kung kaya mas umuunlad ang mga ito.

Totoo naman na mas maraming FDI ang naturang mga bansa, ayon kay Africa. Noong nakaraang taon, umabot sa $1.7-B ang FDI sa Pilipinas. Sa Vietnam, may $8.2-B; sa Thailand, $5.8-B; sa Malaysia, $9.1-B at sa Indonesia, $13.3-B.

“Malaki ang FDI sa mga bansang ito kahit mas protectionist sila kaysa sa atin,” sabi pa ni Africa. Ayon mismo sa pag-aaral ng World Bank, kasing bukas o liberalisado ang Pilipinas sa mga bansang Vietnam, Malaysia, Indonesia at China sa mga industriyang tulad ng pagmimina, konstruksiyon, oil and gas, turismo, insurance, health care at retail sector. Pero  mas sarado pa ang Thailand kaysa sa Pilipinas sa mga industriya ng construction, pagmimina, oil and gas, turismo, pagbabangko, insurance at health care.