Mga Bikolano nagkampo, nagkaraban vs kampanyang kontra-insurhensiya ni PNoy


Aabot sa 12,000 Bikolano sa iba’t ibang pangunahing lungsod sa rehiyon ng Bikol ang naglunsad ng kampanya kontra Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na anila’y dudulot sa mas matinding paglabag sa karapatang pantao. Tinaguriang Kilusan Laban sa Militarisasyon sa Kabikolan, pinangungunahan ang kampanya ng iba’t ibang sektoral at pangmasang organisasyon. Layunin nilang igiit […]

Aabot sa 12,000 Bikolano sa iba’t ibang pangunahing lungsod sa rehiyon ng Bikol ang naglunsad ng kampanya kontra Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na anila’y dudulot sa mas matinding paglabag sa karapatang pantao.

Tinaguriang Kilusan Laban sa Militarisasyon sa Kabikolan, pinangungunahan ang kampanya ng iba’t ibang sektoral at pangmasang organisasyon. Layunin nilang igiit ang hustisya sa mga paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang administrasyon, at magkampanya laban sa Oplan Bayanihan ng kasalukuyang administrasyon.

“Parang gusto ni PNoy (Pang. Benigno Aquino III) na lampasan ang rekord ng paglabag sa karapatang pantao ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa isang taon at limang buwan niya bilang pangulo, may naitalang 24 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 39 kaso ng pagbabanta, pananakot at intimidasyon, 18 ilegal na pag-aresto, 17 paglabag sa domicile at 20 kaso ng pagdukot, hanggang Agosto 2011 sa Bikol pa lamang,” sabi ni Vince Casilihan ng Karapatan-Bikol.

Sinabi naman ni Fred Mansos ng Albay People’s Organization (APO) na may 14 na kapitan sa barangay ng Guinobatan, Albay ang naninindigan sa panawagang palayasin ang 901st Brigade ng Philippine Army sa kanilang mga komunidad.

Sa isang pagdinig ng Commission on Human Rights at munisipyo ng Guinobatan, napag-alamang maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang nagawa ng mga miyembro ng 901st Brigade. Kabilang dito ang intimidasyon, panghaharas, pagpuwersa sa mga residente na sumama sa Barangay Defense System (BDS) at magsilbing espiya ng militar.

“Apektado ng Oplan Bayanihan at ng mga operasyong militar ang sektor ng mga magsasaka. Natatakot na silang magsaka dahil baka raw mapagkamalang NPA (New People’s Army), na madalas na nangyayari,” sabi ni Felix Paz ng Kilusang Mayo Uno-Bikol.

May mga pagkakataon ding nagsisilbing tagapagpatupad ng kumbersiyon sa lupa, mapangsira at malawakang pagmimina at pagmantine ng malalaking asyenda ang militar, sabi pa ni Paz.

Sinabi pa ng APO na nagpapatuloy din ang malawakang operasyong militar sa Rapu-Rapu, Albay, gayundin sa Camarines Norte, Aroroy, Masbate at Matnog, Sorsogon.