‘Palparan, GMA: Dapat magsama sa bilangguan!’

November 30, 2011

Tutol ang mga grupong pangkarapatang pantao tulad ng Tanggol Bayi at Karapatan sa "special treatment" diumano kay dating pangulong Arroyo. Nanawagan sila ng pagkulong kay Arroyo, kasama na si retiradong Hen. Jovito Palparan. (Absie Eligio)

Tutol ang mga grupong pangkarapatang pantao tulad ng Tanggol Bayi at Karapatan sa "special treatment" diumano kay dating pangulong Arroyo. Nanawagan sila ng pagkulong kay Arroyo, kasama na si retiradong Hen. Jovito Palparan. (Absie Eligio)

“Magsama sila sa bilangguan!”

Ito ang panawagan ng kababaihan patungkol sa dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo at sa tinaguriang “berdugo” na si retiradong Hen. Jovito Palparan.  Kamakailan ay inaresto si Arroyo para sa kasong electoral sabotage.

Maagang tumungo sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura, Maynila ang delegasyon ng kababaihan sa pangunguna ng Tanggol Bayi at Kasimbayan Women’s Collective, bilang paggunita sa International Women Human Rights Defenders Day ngayong Nobyembre 29.

Iginiit ng grupo sa DOJ ang agarang paglalabas ng resolusyon sa kasong kriminal laban kay Palparan kaugnay ng pagdukot at pagkawala nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Sina Empeno at Cadapan ay mga aktibista mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na dinukot kasama ang magsasakang si Manuel Merino sa Hagonoy, Bulacan noong 2006.

Ang kaso ay isinampa nina Concepcion Empeno at Erlinda Cadapan, mga ina ng mga biktima, laban kay Palparan at sa iba pang sundalong sangkot sa pagdukot, toryur, panggagahasa, arbitraryong pagdetine at iba pang krimen laban kina Empeno, Cadapan at Merino.

Ayon kay Cristina Palabay, convenor ng Tanggol Bayi, umabot sa 1,206 ang bilang ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ni Arroyo. Sa kabuuang bilang,153 ang kababaihan at 476 ang human rights defenders. May 206 biktima ng enforced o involuntary disappearance, kung saan 31 ang kababaihan, habang 2,059 naman ang biktima ng ilegal na pag-aresto at detensiyon sa ilalim ni Arroyo.

“Dapat managot si GMA at ang paborito niyang heneral na si Palparan para sa napakaraming kaso ng paglabag ng karapatang pantao ng kababaihan sa ilalim ng dating administrasyon.  Hindi sila dapat bigyan ng special treatment,” ani Palabay.

“Mahiya naman ang mga otoridad sa amin, kung iha-house arrest lang si GMA. Kami na nagdusa at tinortyur ay hindi kinaawaan noon ng kanyang militar, ” ayon kay Angie Ipong, pangkalahatang kalihim ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda). Si Ipong ay detenido pulitikal na pinalaya matapos ang anim na taon na pagkakabilanggo sa panahon ni Arroyo.

Bukod kay Gng. Cadapan, nakiisa rin sa maikling programa at kilos-protesta ang ilang manggagawang pangkulusugan na kabilang sa mga detenido na tinaguriang “Morong 43;” at mga ina ng iba pang kababaihang biktima ng paglabag ng karapatang pantao, gaya ng mamamahayag-pangkampus na si Benjaline Hernandez na pinaslang ng militar sa Arakan Valley, North Cotabato noong 2002; at ng UP film student na si Maricon Montajes, na kasalukuyang nakapiit sa Batangas Provincial Jail bilang isang bilanggong pulitikal.

Nanawagan ang Kasimbayan Women’s Collective sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si Norma Dollaga, sa pagpapalaya ng lahat ng bilanggong pulitikal, kabilang na ang kababaihang gaya ni Montajes.  Sa kasalukuya’y may 356 bilanggong pulitikal sa iba’t ibang lugar ng detensyon sa bansa, at 35 dito ang kababaihan.

Nagbabala ang mga grupo na ang kawalan ng aksiyon ni Pangulong Aquino sa pagresolba ng mga kaso noong panahon ni Arroyo ay dahil na rin sa sariling rekord nito sa paglabag sa mga karapatang pantao, lalo na sa ilalim ng polisiyang Oplan Bayanihan.

“Hinihikayat sa Oplan Bayanihan ni Aquino ang mga operasyong militar laban sa mga aktibista at karaniwang mga mamamayan. Dapat matigil ang mga pagpatay at mga paglabag, impunity must end,” ayon kay Dollaga.