Serye ng protesta, kampuhan ilulunsad vs budget cuts, krisis
Nagkaisa ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor sa kondenahin ang panukalang badyet ng administrasyong Aquino sa mga serbisyong panlipunan para sa taong 2012.


Nagkaisa ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor para kondenahin ang panukalang badyet ng administrasyong Aquino sa mga serbisyong panlipunan para sa taong 2012.
Sa pagtitipon ng mga kinatawan ng mga organisasyon ng kabataan, guro, migrante, kababaihan, maralitang lungsod, sektor pangkalusugan, at empleyado ng gobyerno sa auditorium ng Court of Appeals noong Nobyembre 10, nagkaisa sila na maglunsad ng serye ng mga protesta sa kasalukuyang buwan hanggang Disyembre.

Inirereklamo ng kabataan at mga guro ang malaking pagkaltas sa badyet ng State Colleges and Universities, samantalang tutol naman ang mga empleyado ng gobyerno sa austerity measures, sentralisadong procurement at pagpapasuweldo, at tangkang pagtanggal sa badyet para sa Collective Negotiating Agreement (CNA) incentives. Nilalabanan din ng mga empleyado sa hudikatura ang P800-Milyong kaltas sa pondo ng naturang ahensiya.
Panukalang kakaltasan naman ang badyet ng pampublikong mga ospital at badyet para sa mga manggagawang pangkalusugan, samantalang kakaltasan din ang badyet para sa mga serbisyo ng gobyerno sa Overseas Filipino Workers (OFW).
Samantala, sinabi naman ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng pambansang organisasyon ng kababaihan na Gabriela, na lalong pagpapahirap sa kababaihan ang patuloy na pagbawas sa badyet ng gobyerno sa serbisyong panlipunan.
“Malinaw na ipinapaubaya na ng gobyerno ang obligasyon nito sa serbisyong panlipunan sa pribadong mga korporasyon na ang interes ay pagkakitaan ang taumbayan. Sa ilalim ng programang Public-Private Partnerships at pagdausdos ng budget sa panlipunang serbisyo, malinaw na kasabwat ng gobyerno ang mga malalaking negosyo para pigain pa ang mga mamamayan para sa tubo,” paliwanag ni Linaban.
Layon ng mga protesta, ayon kay Vencer Crisostomo, tagapagsalita ng Kilos Na! na alyansang kontra-budget cut sa edukasyon at serbisyong panlipunan, na malakas na irehistro ang pagkadisgusto nila sa 2012 panukalang badyet ng administrasyong Aquino.
Pagkakataon na rin ito, ayon kay Crisostomo, na kondenahin ng malawak na bilang ng mga mamamayang Pilipino ang sistematiko at taun-taong atake ng gobyerno sa serbisyong panlipunan. Kailangang irehistro din umano ang galit ng bayan sa “pangangayupapa” ng gobyerno sa dayuhang interes at interes ng iilang mayayaman sa lipunang Pilipino.
“Galit at sawa na ang mga mamamayan. Seryoso nating binabalaan ang gobyernong Aquino. Handa ang mga grupo (na kalahok sa Kilos Na!) na umaksiyon at maghayag ng malakas na mensahe ng pagtutol,” sabi pa ni Crisostomo.
Poprotestahan umano ng iba’t ibang sektor ang pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang badyet sa 2012 sa susunod na linggo.

Inako na rin ng Kilos Na! at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang pagsasagawa ng protestang “Black Monday” simula Nobyembre 14. Dating isinasagawa ito ng mga empleyado ng hudikatura sa pamumuno ng Judicial Employees Association (Judea) tuwing Lunes.
Dudulo ang mga protesta ng kabataan sa isang “shutdown” sa mga kampus ng SUCs o pagwelga ng mga estudyante ng SUCs sa boong bansa, sa Nobyembre 23 hanggang 25. Poprotestahan din ng mga estudyante ang pulong ng bicameral committee ng Kamara at Senado sa Nobyembre 29.
Inanunsiyo ni Crisostomo na nakatakdang maglunsad din ang Kilos Na! at iba’t ibang sektor ng isang kampuhan sa Mendiola. Tulad ng kampuhan ng kabataan at iba’t ibang sektor sa US at iba pang bansa na binansagang “Occupy movement,” ookupahin nila ang paanan ng Mendiola Bridge sa tapat ng Malakanyang sa Disyembre 6. Posibleng tumagal umano ito hanggang Disyembre 10, na siyang Pangdaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.
Sinabi ni Crisostomo na higit pa sa pagkaltas ng badyet, ang kampuhan ay protesta ng kabataan at mga mamamayan sa tumitinding krisis panlipunan sa Pilipinas na bunsod ng pangingibabaw ng “dayuhang interes at interes ng iilan” sa politika at ekonomiya nito.
