Pangangamkam ng lupa sa Pantabangan at ang Oplan Bayanihan


Ipinakita ng pangangamkam sa lupa ng mga magsasaka na sa Oplan Bayanihan, parang nagiging protektor pa si P-Noy sa mga kompanyang nagpapalayas sa mga magsasaka.

Lupain ng mga magsasaka sa Pantabangan, Nueva Ecija: Nanganganib kamkamin ng malaking kompanya ng enerhiya. (Gege Morilla)
Lupain ng mga magsasaka sa Pantabangan, Nueva Ecija: Nanganganib kamkamin ng malaking kompanya ng enerhiya. (Gege Morilla)

Kinondena ng mga grupong magsasaka ang umano’y pangangamkam ng lupa ng ilang kompanya ng enerhiya sa komunidad ng mga Igorot sa Pantabangan, Nueva Ecija. Kasabay nito’y binatikos rin nila ang militar na umano’y nagiging kasangkapan pa sa pangangamkam na ito.

Ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), napalayas ang mga magsasakang Igorot mula sa kanilang 50 ektaryang taniman dahil sa programang watershed at reforestation ng Energy Development Corporation (EDC) na pag-aari ng mga Lopez, California Energy (CalEn) at National Irrigation Administration (NIA). Dahil sa programang ito, napalitan ng mga punong mangga, molave at iba pang puno ang dating tinataniman ng palay, mais, papatas at iba pang gulay na siyang pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga Igorot.

Tinatayang aabot sa 60 ektarya ng lupain ang saklaw ng programang isinasagawa ng EDC, CalEn at NIA.  Sakop nito ang Sitio Maluyon na malaon nang sinasaka ng mga Igorot. Ngayo’y pinaalis sila sa lupa dahil ginawa itong komersiyal na plantasyon. Sa Sitio Tuli, Brgy. Villarica sila pinalilipat pero hindi payag ang mga magsasaka dito, hindi iyo kagaya ng Maluyon na produktibo ang lupa.

Batay sa pakikipagtalakayan ng AMGL sa mga magsasakang Igorot sa isinagawang fact-finding mission kasama ng iba pang grupo ng magsasaka, alagad ng simabahan at iba pang sektor kamakailan, halos 30 pamilya ng magsasaka ang napalayas sa lugar noong 2009 at 26 na pamilya pa ang napuwersang magtayo ng kanilang tahanan sa Sitio Tuli habang apat na pamilya ang lumikas patungo sa ibang lugar.

Dagdag rito, 48 magsasaka mula sa Maluyon ang nirekluta ng EDC at NIA sa kooperatibang Maluyon Indigenous Christian Farmers Association (MICFA).

NIA bilang panginoong may-lupa?
Pinangunahan ng NIA-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) ang MICFA sa paglagda sa isang memorandum of agreement (MOA) kaugnay ng pagsasaka sa plantasyon. Nakasaad sa MOA na ang NIA ang may-ari ng plantasyon at tagapangalaga lamang ang MICFA.

Itinatakda rin ng naturang kasunduan na ang MICFA ang babalikat sa lahat ng gastos sa plantasyon at binabawalan ang mga Igorot na magtayo ng bahay-kubo o anumang istruktura. Sinasabi rin nito na 70-30 ang hatian sa kita ng plantasyon pabor sa mga magsasaka pero ayon sa AMGL, lumiit ang naging kita ng mga magsasaka dahil P150 kada araw lamang ang kita ng bawat isa sa kanila.

“Malinaw na nakikipagsabwatan ang EDC na siyang may kontrol sa Pantabangan Multi-Purpose Dam at Hydro-electric Power Plant sa NIA na siya namang umaaktong panginoong maylupa ng mga magsasakang Igorot. Ang mga probisyon ng kasunduan ay walang pinagkaiba sa mga kondisyon ng piyudal na relasyon sa pagitan ng panginong maylupa at kasama. Pinapalala nito ang dati nang mahirap na kalagayan ng mga magsasakang Igorot,” ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL.

Idinagdag ni Canlas na malinaw na larawan ito ng public-private partnership program na isinusulong ni Pangulong Aquino. “Malaking tubo ito para sa lokal at dayuhang korporasyon, kahirapan para sa mga magsasakang Pilipino,” aniya pa.

Hinihikayat naman ng AMGL na labanan ng mga Igorot ang naturang programa. Ngayo’y nagpahayag na ng suporta ang mga magsasaka sa Sitio Tuli na bumalik sa kanilang mga bukid sa Maluyon para hindi tuluyang lumiit ang lupang kanilang sasakahin.

Papel ng Oplan Bayanihan

Pero dahil sa diskuntentong ipinakikita ng mga magsasaka sa pagkitid ng kanilang lupa at rekurso, inilagay ng gobyerno ang 81st Infantry “Spartan” Battalion ng Philippine Army sa naturang lugar na nagsasagaw umano ng civil-military operations at nagtayo na ng detatsment na tinawag ng mga militar na “multi-purpose hall.”

Sa panahon ng fact-finding mission ng AMGL, nadagdagan pa ng dalawang trak ng sundalo na lumilibot sa paligid ng komunidad ng mga Igorot sa Sitio Tuli.

Ayon pa sa AMGL, nakasibilyan ang mga sundalo at sila mismo ang yunit na umaresto kay Ernesto Bubod noong Marso 22. Si Bubod ay lider Igorot na tumutol sa pagpapalayas mula sa kanilang lupa. Ngayo’y nakapiit siya sa San Jose District Jail, Nueva Ecija dahil sa kasong “illegal possession of firearms,” bagay na mariing itinatanggi ni Bubod at sinasabing gawa-gawa lamang ang kaso laban sa kanya para siya mapatahimik.

Para sa AMGL, isang patunay lamang ito na ang okupasyon ng militar sa naturang lugar ay bahagi lamang ng Oplan Bayanihan ni Aquino na sa halip na makatulong sa mga magsasaka ay parang nagiging protektor pa ng mga kompanyang nagpapalayas sa kanila.