Oplan Bayanihan: Bagong islogan, lumang taktika
Sa kabila ng bagong pangalan, mapanupil na dahas pa rin ang programang kontra-insurhensiya ng AFP at administrasyong Aquino. Nakita ito sa pagpapatuloy ng mga abusong militar

“Nakakapagod pakinggan ang mga pangakong walang laman, ang puro pasikat at kasinungalingan.”
Reaksiyon ito ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan sa paghahambog ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iginagalang nito ang karapatang pantao sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng gobyerno.
Noong Enero, inaresto ng militar ang anim na kagawad ng isang barangay sa Catubig, Samar. Matapos silang dalhin sa kampo ng 34th Infantry Batallion ng Philippine Army sa Northern Samar, iprinisinta sila bilang surrenderees ng New People’s Army (NPA). Sabi ng Katungod-Sinirangang Bisayas, lokal na tsapter ng Karapatan, kasama nila ang dalawang bata. Tumulong ang mga inaresto sa fact-finding mission sa pag-imbestiga sa pagpaslang ng militar sa magsasakang si Jovito Pajanustan ng Catubig.
“Kinokondena namin ang pamamalagi ng militar sa mga komunidad. Inilalagay nito sa panganib ang mga sibilyan,” ani Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan.
Pinalamutiang programa
Sa dokumento ng AFP na “Internal Peace and Security Plan ‘Bayanihan’” noong 2011, inilatag ang “paradigm shift” sa internal na seguridad. Nais daw ng gobyerno na maging bahagi ang mga mamamayan sa pagsugpo sa rebelyon.
“Ang pagrepaso sa estratehiya sa paraang ito ay magpapalakas sa misyon ng AFP na—ipagwagi ang kapayapaan. Partikular na atensiyon ang ibibigay sa pagsuporta sa mga operasyong isinagawa ng AFP para ipanalo ang sentimyento ng mga tao,” anang dokumento, sa wikang Ingles.
Gusto raw ng gobyerno ang kapayapaan, di lang paglipol sa NPA, Moro Islamic Liberation Front, at iba pang banta sa seguridad ng gobyerno.
Upang makamit ang kapayapaan, binubuo ng dalawang bahagi ang Oplan Bayanihan: Una, whole-of-nation approach. Pangalawa, people-centered security/human security approach.
Sa whole-of-nation approach, pakikilusin ang iba’t ibang ahensiya, civil society groups, negosyante at simbahan. Pokus ng mga proyektong ito ang mga lugar na may rebelyon.
Pasok daw sa people-centered security/human security approach ang “pagrespeto sa karapatang pantao” sa military operations. May AFP Human Rights Office na puwede raw lapitan ng mga biktima. (Wala pang militar na nakakasuhan bunsod ng pagreklamo ng biktima sa tanggapang ito.)
May apat na paraan ang Oplan Bayanihan. Una, pagkilala sa usapang pangkapayapaan. Pangalawa, “focused military operations” kontra armadong mga grupo. Pangatlo, suporta sa peace and development projects sa mga lugar na may rebelyon. Panghuli, “reporma sa loob ng institusyong militar.”
Pero pansin ng mga grupong pangkarapatang pantao, wala itong pinag-iba sa nakaraang mga programang tulad ng Oplan Bantay Laya ng administrasyong Arroyo.
Ang pananalita ng Oplan Bayanihan, buung-buong hinango sa United States Counter-Insurgency Guide (US COIN Guide 2009) na ipinatupad ng gobyernong US sa Afghanistan at Iraq. Tulad ng giyera kontra-insurhensiya ng US, military approach pa rin ang pangunahing sandata ng Oplan Bayanihan kontra sa mga mamamayang dismayado sa sistema at administrasyon.
Samantala, wala ring seryosong reporma sa loob ng militar, kahit matapos ang mga rebelasyon ni Lt. Col. George Rabusa noong Enero 2011 tungkol sa korupsiyon sa AFP.
Mapanlinlang
Isinasakay ng Oplan Bayanihan sa mga operasyong militar ang mga proyektong ipinapatupad ng mga ahensiya sa liblib na mga lugar.
Kakaunti lamang ang aktuwal na naseserbisyuhan nito. Lumalabas pang takot at pang-aabuso lamang ang lumalaganap sa mga lugar na ito.
Ganito ang nangyari sa Lianga, Surigao del Sur noong 2011. Ayon sa mga residente, walang pasabi na pinasok ng mga elemento ng 29th Infantry Battalion ang lugar nila at ipinipilit na ipatupad ang Community Organizing for Peace and Development (COPD).
Napilitan ang mga Lumad na lumikas. Ani Girlie Padilla ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP), nais bigyan ng proyekto ng mga militar ang mga katutubo—proyektong di nila mapakikinabangan. “Tuturuan nila ang mga katutubo ng cooking, cosmetology at vulcanizing,” ani Padilla. “(Pero) ano’ng klaseng proyekto iyon? Hindi naman iyon ang kailangan nila.”
Ganito rin ang pangyayari noong 2009, panahon ng Oplan Bantay Laya. Napilitan ang mga Lumad ng Lianga na lumikas matapos okupahin ng militar ang lugar at pagbintangan ang isang alternatibong eskuwelahan ng mga katutubo na prente ng NPA.
Patuloy naman ang pamamaslang sa mga aktibista o tagasuporta nila. Halimbawa nito ang pagpatay kay Fausto Tentorio, paring aktibo kontra sa komersiyal na pagmimina sa Mindanao. Sinundan ito ng pagpaslang sa dalawang lider-magsasaka sa North Cotabato.
Pinangangambahan din ng ilan na maaaring itarget ang mga aktibista sa Kamaynilaan. Naalarma ang marami sa pag-atake sa aktibista ng UP na si Lordei Hina, sa mismong tanggapan ng konseho sa kampus. Inatake ang aktibistang si Ekis Gimenez, na ginulpi at malakas na pinukpok sa ulo, sa parehong linggo ng atake sa UP.
Pinangangambahan ding may kinalaman sa programang kontra-insurhensiya ang disimpormasyong kumalat kaugnay ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ni Prop. Jose Maria Sison ng NDFP. Noong Enero, may kumalat na pahayag ang KMU sa midya hinggil sa kaso ng pagpaslang kina Rolando Olalia at Leonor Alay-ay (noon pang 1987 ang kaso)—pero hindi totoong galing sa KMU. Bago nito, kumalat ang di-totoong tsismis sa midya na uuwi na sa Pilipinas si Sison dahil inalok ng posisyon sa administrasyon.
Samantala, isinisi ng Karapatan sa pagkakampo ng mga militar sa mga komunidad ang pagkamatay sa Compostela Valley noong Setyembre 2011 ng 7-anyos na si Sunshine Jabinez, na namatay matapos aksidenteng mabaril ng isang sundalo ng 71st IB.
Sumusuporta raw ang AFP sa peace talks, pero patuloy ang pagpiit nito sa mga kalahok sa prosesong pangkapayapaan, tulad ng 17 konsultant ng National Democratic Front.
Hindi rin pinakakawalan ng gobyerno ang mahigit 300 bilanggong pulitikal. Marami sa kanila’y pinagmalupitan, at sinampahan ng “gawa-gawang” mga kaso. Noong Pebrero 7, dalawang kababaihang lider-maralita na sina Evelyn Legaspi at Pastora Latagan ang inaresto sa Bay, Laguna ng mga puwersa ng 202nd IB at 22nd Military Intelligence Group.
Para kay Hilao-Enriquez, bago man ang islogan ng militar, luma pa rin ang taktika nito: ang taktika ng paggamit ng mapanupil na dahas para patahimikin ang mga lumalaban. “Hinihiling namin sa administrasyong Aquino na matuto mula sa kasaysayan, sa halip na muling ulitin ang mga kamalian sa nakaraan,” aniya.