Karapatang Pantao

Pagsampa ng kaso ng dating aktibista vs militanteng grupo, kinondena


Kinondena ng alyansang Save Bondoc Peninsula Movement ang pagsampa ng kaso ng isang dating aktibista na nasa kustodiya ng militar laban sa 20 kasapi ng Karapatan at iba pang progresibong grupo sa Timog Katagalugan. Anila, hawak nila ang ebidensiyang nagsasabing mga militar ang dumukot kay Franklin Barrera Jr., kabataang aktibista na dinukot diumano ng militar […]

Kinondena ng alyansang Save Bondoc Peninsula Movement ang pagsampa ng kaso ng isang dating aktibista na nasa kustodiya ng militar laban sa 20 kasapi ng Karapatan at iba pang progresibong grupo sa Timog Katagalugan.

Anila, hawak nila ang ebidensiyang nagsasabing mga militar ang dumukot kay Franklin Barrera Jr., kabataang aktibista na dinukot diumano ng militar noong Hunyo 7 pero nakatakas, bago nakuha muli ng militar.

Sa isang bidyo na hawak ng Save Bondoc Peninsula Movement bago muling nawala si Barrera at lumutang muli na nasa kustodiya na ng militar, isinalaysay niya kung papaano siya dinukot ng militar.

Nawala si Barrera noong Hunyo 7 at pinaniniwalaang dinukot ng mga sundalo sa Lopez, Quezon.  Ayon sa Karapatan, dumaan si Barrera sa matinding interogasyon at tortyur bago makatakas at nagtungo sa isang ospital sa Atimonan, Quezon.

Hunyo 8, sinundo ng grupo si Barrera sa ospital at isinalaysay ang kanyang karanasan sa kamay diumano ng mga militar. Pero noong Hunyo 10, umalis sa kustodiya ng Karapatan si Barrera nang walang paalam.

Lumutang si Barrera sa isang press conference ng militar at binawi ang mga nauna niyang salaysay sa Karapatan. Sinabi niyang kapwa niya mga rebelde ang dumukot sa kanya. Ngunit ayon sa Karapatan, isang aktibista si Barrera at distict coordinator ng Kabataan Party-list.

“Walang duda, may naganap na kakaiba sa pagitan ng araw mula ng dukutin si Barrera noong Hunyo 7 at sa pagkawala muli niya noong Hunyo 10. At kung anuman ito, malinaw na may kaugnayan ang 85th Infantry Battalion (ng Philippine Army at) Armed Forces of the Philippines,” pahayag ng Save Bondoc Peninsula Movement.

Sa pahayag sa midya, sinabi ni PO2 Rodel Abracia ng Philippine National Police na kinasuhan ni Barrera ng kasong illegal detention ang mga miyembro ng Karapatan at kidnapping with illegal detention naman sa ilang kasapi diumano ng  New People’s Army.

Ngunit para sa Save Bondoc Peninsula Movement, dating gawi na ng mga militar ang pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa progresibong mga grupo tulad sa kaso ng Southern Tagalog 72 at Morong 43.

Taktika din umano ito upang siraan ang mga grupong nananawagang paalisin ang walong batalyon ng AFP sa 22 bayan ng Timog Quezon.

“Malakas ang hinala namin na siya ay tinortyur at ginamitan ng psychological operation para mapuwersa siyang ilagay sa kompromiso ang kaligtasan ng kanyang dating mga kasamahan,” pahayag ng grupo.

Paniwala pa ng grupo ginagamit lamang ng militar si Barrera.

“Biktima siya ng mapanirang pagtutulak ng gobyerno para supilin ang  lehitimong pakikibaka para sa demokratikong karapatan ng taumbayan. Bahagi pa rin ito ng kontra-insurhesiyang patakaran ng gobyerno, ang Oplan Bayanihan,” pahayag pa ng grupo.

Narito ang bidyo ng Souther Tagalog Exposure na may pahayag ni Barrera, bago siya muling dinukot ng militar: