Konteksto

`Noynoying’ bilang salita ng taon?


Wala akong kapangyarihang magtakda pero may karapatan naman akong mag-akda! Hindi pa huli ang lahat para hikayatin ang mga eksperto sa wikang Filipino na gawing salita ng taon ang “noynoying” kahit na naging popular ito noong Marso 2012 at hindi na ito masyadong ginagamit ngayon. Pero ang anumang kakulangan nito sa popularidad ay natutugunan naman […]

Prop. Danilo A. Arao

Wala akong kapangyarihang magtakda pero may karapatan naman akong mag-akda!

Hindi pa huli ang lahat para hikayatin ang mga eksperto sa wikang Filipino na gawing salita ng taon ang “noynoying” kahit na naging popular ito noong Marso 2012 at hindi na ito masyadong ginagamit ngayon. Pero ang anumang kakulangan nito sa popularidad ay natutugunan naman ng pagiging angkop nito sa kasalukuyan at sa malapit na hinaharap. Kung tutuusin, mas napapanahong maging salita ng taon ito ngayong 2013 dahil sa mangyayaring eleksiyon sa Mayo.

Simple lang ang aking argumento: Ang “noynoying” ay nagsusuma sa mga ginagawa at hindi ginagawa ng mga nasa kapangyarihan. Ito ay salitang walang direktang salin sa anumang dayuhang wika dahil ito ay binuo sa kasalukuyang Pilipinong konteksto. Magiging susing usapin ang “noynoying” sa darating na halalan lalo na kung magkakaroon ng kolektibong pagsusuri sa mga polisiya’t programa ng kasalukuyang administrasyon.

Depende sa politikal na paninindigan, maaaring maging negatibo o positibo ang pakahulugan sa salitang “noynoying.”

Para sa mga bumabatikos sa administrasyong Aquino, ang “noynoying” ay hindi pagtugon ng pamahalaan sa panawagan ng mahihirap hinggil sa maiinit na isyu ng lipunan – itaas ang badyet sa edukasyon at iba pang batayang serbisyo; ibaba ang presyo ng langis at ibasura ang oil deregulation law; itaas ang sahod; itaguyod ang kaseguruhan sa trabaho; itigil ang paglabag sa karapatang pantao; ibasura ang cybercrime law; at marami pang iba.

Para sa mga sumusuporta sa administrayon, ang “noynoying” ay isang indibidwal na nagsasabi ng katotohanan at ginagawa ang tama’t matuwid. Kung paniniwalaan nga ang isang opisyal, ang “noynoying” diumano ay buhay na katibayan kung paano magtrabaho ang Pangulo (“living testimony of how the President works”).

Politikal para sa mga kritikal, personal para sa mga tagapagtanggol. Malinaw na ang depenisyon ng “noynoying” para sa mga kumokontra sa administrasyon ay sa balangkas ng estruktura. Para naman sa mga pumapanig sa rehimen, tinitingnan ang “noynoying” bilang simpleng pang-aalipusta kay Pangulong Noynoy Aquino.

Dahil pinauso ng mga kumokontra, hindi nakagugulat na isipin ng mga sumusuporta sa Pangulo na ang “noynoying” ay simpleng black propaganda lalo na’t may eleksiyong mangyayari sa Mayo 2013. At sa darating na halalan, inaasahang magiging usapin ang epekto ng mga patakaran sa mga mamamayan. Mangyayari ang tunggalian hindi lang ng estadistika kundi ng retorika.

Saan papasok ang salitang “noynoying” sa gitna ng debate sa panahon ng kampanya? Higit pa sa simpleng meme o hashtag, ang salitang ito ay dapat tingnang isang pagsusuma sa pinagdaraanan ng mga pinagkaitan. Kahit na pinipilit na bigyan ito ng positibong kahulugan ng mga nasa kapangyarihan, hindi pa rin maitatangging mas nangingibabaw ang negatibong kahulugan dahil ang nagpasimula’t nagpalaganap ng salitang ito ay ang mga kritikal sa administrasyon.

Sa puntong ito, mainam na magbigay ng simpleng depenisyon ng “noynoying” hindi lamang batay sa mga naibigay na noon pang 2012 kundi batay na rin sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan.

Para sa akin, ang “noynoying” ay pagtalikod sa interes ng mga pinagkaitan at pagyakap sa interes ng mga nasa kapangyarihan. Hindi ito simpleng kawalan ng aksiyon sa karaingan ng mahihirap dahil ito ay pagkilos (lantaran man o hindi) nang kontra sa kanila.

Lalong hindi tinutukoy ng “noynoying” ang katamaran o katangahan ng mismong Pangulo. Malinaw kasi ang hangarin niya at ng kanyang administrasyong isulong ang mga polisiya’t programang sumasagasa sa interes ng mga tinaguriang boss niya. At lalong mas malinaw ang layuning pakinabangan ang benepisyo ng pagiging makapangyarihan.

Sa madaling salita, iba ang tamad at tanga sa gahaman at oportunista.

Dahil mauubos ang espasyo kung ililista lahat ng mga kontra-mamamayang polisiya’t programa ng pamahalaan, mainam na tutukan na lamang muna ang usapin ng sahod, trabaho at karapatan. Mula nang maupo si Pangulong Aquino sa puwesto noong Hunyo 30, 2010, hindi pa naipapasa ang batas na nagbibigay ng across-the-board wage and salary increase sa mga manggagawa; malawakan pa rin ang kontraktwalisasyon; wala pa ring disenteng trabaho ang marami sa mga mamamayan; at patuloy pa rin ang paglabag sa karapatang pantao, kasama na ang pagpatay sa mga aktibista’t peryodista.

Dito nagiging mahalaga ang salitang “noynoying” dahil kayang-kaya nitong sumahin ang ebidensiya ng kawalan ng hustisya, pati na ang kawalan ng pagbabago mula nang maupo sa puwesto ang kasalukuyang Pangulo.

Hindi personal kundi politikal. Hindi black propaganda kundi katotohanan. Progresibo ang depenisyong nararapat sa “noynoying” dahil ito ang tawag ng ating panahon. Halina’t gawin natin itong salita ng taon!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.