Dalawang dinukot na kabataan, tinortyur – Ridon
Sumailalim sa mental at psychological torture ang dalawang kabataang organisador sa isang kampo ng militar bago sila inilitaw sa Cabanatuan City ng mga pulis. Ito ang napag-alaman ni Kabataan Rep. Terry Ridon, matapos makausaup ang dalawang kabataan na sina Gerald Salonga, 24 at Guiller Cadano, 22. Sa bisita ng kabataang kongresista noong Setyembre 28 sa […]
Sumailalim sa mental at psychological torture ang dalawang kabataang organisador sa isang kampo ng militar bago sila inilitaw sa Cabanatuan City ng mga pulis.
Ito ang napag-alaman ni Kabataan Rep. Terry Ridon, matapos makausaup ang dalawang kabataan na sina Gerald Salonga, 24 at Guiller Cadano, 22. Sa bisita ng kabataang kongresista noong Setyembre 28 sa piitan ng dalawa sa Nueva Ecija, isinalaysay nina Salonga at Cadano ang kanilang pinagdaanan sa kamay ng mga militar.
Dinukot sina Salonga at Cadano sa Brgy RT Padilla, Carranglan, Nueva Ecija ng pinagsamang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Agosto 9 at inilitaw lamang sa PNP Provincial Public Safety Company Headquarters noong Agosto 11.
Kinasuhan ang dalawa ng paglabag ng Republic Act (RA) 10592 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act) at RA10591 (Illegal Possession of Explosives).
Nauna nang sinabi ng PNP na pag-aresto at hindi pagdukot ang nangyari. Kasalukuyang nakapiit ang dalawa sa BJMP Detention Facility sa San Jose, Nueva Ecija matapos silang ilipat doon sa bisa ng isang court order noong Setyembre 3.
‘Tinortyur kami’
Bago dalhin ang dalawa sa Cabanatuan City, sumailalim ang dalawa sa isang araw na iterogasyon sa isang kampo ng militar sa San Jose, Nueva Ecija, ayon kay Ridon.
“Sinabi sa akin ni Salonga na sigurado siya na sa San Jose City (ang lugar) nang magawa niyang makasilip sa pagkakapiring ng kanyang mata habang nasa sasakyan,” ayon kay Ridon.
Sumailalim umano si Salonga sa isang 13-oras na interogasyon at binantaan na may mangyayaring masama sa kanyang ina kung hindi niya aaminin na miyembro siya ng NPA.
“Sa isang punto, ayon kay Gerald, inilabas din siya mula sa interrogation room at pinaluhod sa lupa kung saan daw siya ililibing,” dagdag ni Ridon.
Ayon sa mambabatas, malaki ang posibilidad na pareho ang mga dumukot at nagtortyur sa dalawa. Nang tanungin umano ni Ridon kung sino ang mga umaresto sa kanila, sinabi ng dalawa na nakikilala nila ang ilan sa mga pangalan.
Sa pagdinig ng plenaryo sa deliberasyon ng panukalang badyet ng Department of National Defense (DND), hiniling ni Ridon ang detalye kay DND Sec. Voltaire Gazmin at sa matataas na opisyal ng Philippine Army sa pagdukot at pagkulong kina Cadano at Salonga na parehong miyembro ng Kabataan Party-list.
Ayon sa DND, pinagsamang puwersa ng Nueva Ecija Police, 7th Military Intellegence Batallion, at 3rd Infantry Battalion ang dumukot sa dalawa na pinamumunuan nina PNP Inspector Dale Allan Tagle, Lt. Col. Eugene Mata, at Lt. Col. Dmark Mamaril.
Kaso vs militar
Plano ng Kabataan na kasuhan ng kasong torture at serious illegal detention, hindi lamang sa mga opisyal na umaresto sa dalawa, kundi maging sa commanding officers at sa matataas na opisyal ng militar at pulis.
“Ilegal na inaresto sina Gerald at Guiller at isinailalim ang dalawa sa brutal na interogasyon. Dapat agad na idiniretso ng umarestong mga opisyal sa police detention facility ang dalawa at hindi na kinakailangang isailalim sa psychological torture o maging sa interogasyon na wala man lang abogado,” ayon kay Ridon.
Para sa mambabatas, walang kaso laban sa dalawa at walang warrant of arrest nang kunin sila.
“Kahit na sakaling may warrant sila, tulad ng sinasabi ng militar, ipinakikita ng ebidensya na para iyon sa iba,” paliwanag ni Ridon.
Ang tanging ebindensiya lamang na pinanghahawakan ng mga umaresto sa dalawa ay pawang maling mga imbentaryo ng mga materyal na narekober umano na mga pambasabog at armas, ayon sa mambabatas.
“Malinaw na hindi ito tatanggapin sa korte dahil hindi kailanman pinirmahan ng dalawa ng imbentaryo. Hindi ginawa ang sinasabing imbentaryo sa kanilang presensiya o kahit sa presensiya ng may-ari ng bahay kung saan sila inaresto o sa presensya man opisyal ng barangay. Ilan ito sa mga rekrisitong kailangan para maging valid inventory ang recovered items,” ayon kay Ridon.
Sabi pa niya, patunay ang kaso na hindi nagbabago ang AFP at PNP sa ilegal na pag-aresto at pagkulong nito sa mga organisador na kabataan at mga miyembro ng progresibong mga organisasyon. Mga pulis at militar rin umano ang pangunahing lumalabag sa karapatang pantao sa bansa, pagtatapos ni Ridon.