Husgahan Natin

Karapatang makaharap ang testigo

Ang pagbigay ng araw sa husgado ay hindi lang nakalaan para sa mga nakasakdal kundi para rin sa mga sumasakdal.

Ang karapatang makita o makaharap nang personal ang mga testigo laban sa isang akusado’y batayang karapatang binibigay sa isang akusado sa ilalim ng ating Saligang Batas.

Nakalagay sa Seksiyon 14, Artikulo III ng Saligang Batas na sa lahat ng pag-uusig, bibigyan ang nasasakdal ng karapatang makaharap ang mga testigo at magkaroon ng sapilitang kaparaanan para matiyak ang pagharap ng mga testigo at paglitaw ng ebidensiya para sa kanyang kapakanan.

Ito ang tinatawag na right of confrontation at right to meet the witnesses face-to-face.

Sa madaling sabi, sa isang paglilitis, kailangang makaharap ng isang nasasakdal ang testigo o mga testigo laban sa kanya.

Hindi ka maaaring hatulan ng huwes nang hindi mo nakikita ng harap-harapan ang testigo laban sa iyo.

Pero may mga pagkakataong hindi nasusunod ang patakarang ito.

Tingnan natin, halibawa, ang nangyari sa kaso ni Mary Jane Veloso, na kasalukuyang nakakulong sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.

Si Mary Jane ay naging overseas Filipino worker o OFW sa Dubai, Saudi Arabia. Isa siyang domestic worker dito pero napilitan siyang umuwi dahil pinagtangkaan siyang gahasain ng kanyang amo.

Noong nasa kanilang probinsiya sa Nueva Ecija uli siya, narekrut naman siyang magtrabaho sa Malaysia.

Kasama niya ang isa sa kanyang recruiter na pumunta sa Malaysia. Pero pagdating sa nasabing bansa, wala na umano ang trabahong naghihintay sa kanya.

Kaya siya pinayuhan ng kanyang recruiter na “magbakasyon” muna nang mga isang linggo sa bansang Indonesia.

Pumayag naman itong si Mary Jane at bago siya umalis sa airport sa Malaysia ay may binigay sa kanyang isang suitcase ang kanyang recruiter bilang kapalit ng luma niyang suitcase.

Pagdating niya sa Indonesian airport, doon nalaman na ang kanyang dalang suitcase ay may laman palang bawal na gamot o heroin na mga 2.6 kilo ang timbang.

Kinasuhan siya at ikinulong ng pamahalaan ng Indonesia noong 2010 at hinatulan ng death penalty noong 2015.

Pinakiusapan ng gobyerno ng Pilipinas ang Indonesia na patawarin na lang si Mary Jane pero ayaw ng Indonesia.

Pero nahuli din ang dalawang recruiters ni Mary Jane.

Dito pumayag ang pamahalaan ng Indonesia na ipagpaliban muna ang pagpapatupad sa hatol na kamatayan kay Mary Jane hangga’t hindi nakapagtestigo itong si Mary Jane laban sa mga nag-recruit sa kanya.

Nakakulong si Mary Jane sa Indonesia. Ang kaso naman niya laban sa kanyang mga recruiters ay nasa Nueva Ecija. Paano siya maging testigo sa kaso dito?

Nagagawa ito sa pamamagitan ng deposition.

Ayon sa ating batas, ito’y isang salaysay na ginagawa ng labas sa hukuman ng isang testigong hindi personal na makapunta sa hukuman para tumestigo.

Dahil nga sa hindi makauwi sa Pilipinas si Mary Jane para tumestigo laban sa kanyang recruiters, hiningi ng kanyang mga abogado na makunan na lang siya ng kanyang deposition.

Ibig sabihin, gagawa ng mga tanong para kay Mary Jane ang kanyang mga abogado rito sa Pilipinas, at sasagutin niya ang mga tanong sa kanyang kulungan sa Indonesia, at saka lamang niya ipapadala sa husgado rito ang sagot sa mga tanong.

Maaaring mag-object ang kalabang abogado ni Mary Jane sa mga tanong sa kanya.

Pagkatapos na maresolba ng husgado ang objections tungkol dito, gagawa naman ng mga tanong ang kalabang abogado ni Mary Jane batay sa kanyang sagot at ipapadala rin ito sa kanya para sagutin.

Pumayag sa kahilingan tungkol sa pagkuha ng deposition ni Mary Jane ang Regional Trial Court ng Nueva Ecija.

Agad namang umpela ng mga abogado ng recruiters ni Mary Jane sa Court of Appeals.

Ayon sa kanila, ang desisyon ng RTC na kunan na lang ng deposition itong si Mary Jane ay lumalabag sa karapatan ng kanilang mga kliyente na makaharap ng personal ang mga testigo laban sa kanila sa panahon ng paglilitis.

Sinang-ayunan ito ng Court of Appeals at sinabing hindi maaaring kunan ng deposition si Mary Jane. Si Mary Jane naman ngayon ang nag-apela sa Korte Suprema.

Sa hatol ng Mataas na Hukuman, sinabi nito na dapat payagan ang pagkuha ng deposition ni Mary Jane. Batay raw ito sa katarungan at katuwiran.

Alam naman ng lahat na kasalukuyang nakakulong sa Indonesia si Mary Jane. Ayaw pumayag ang pamahalaang Indonesia para siya ay pauwiin.

Ang pagkuha ng kanyang deposition lang ang paraan para makasali siya sa bista ng kanyang kaso sa Pilipinas.

Kung ang akusado ay may karapatan sa due process, dapat ding bigyan ng due process itong si Mary Jane, paliwanag ng Korte Suprema.

Ang pagbigay ng araw sa husgado ay hindi lang nakalaan para sa mga nakasakdal kungdi para rin sa mga sumasakdal.

Sa madaling sabi, dapat lang maging balanse sa bagay na ito ang estado.

Hindi natin masasabi na ang pagkuha ng deposition ni Mary Jane ay lalabag sa karapatan ng mga akusado na makaharap ng personal ang mga testigo laban sa kanila.

Isipin natin na ang abogado ng mga akusado o kalabang abogado ni Mary Jane, ay binibigyan ng pagkakataon ng husgado na mag-object o tumutol sa mga katanungang binibigay sa kanya.