Mataas na presyo, gutom na Pilipino


Rehimeng Duterte ang nagpabaya sa pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin. Kibit-balikat pa rin ito sa panawagang ayuda at makabuluhang dagdgag-sahod sa mga manggagawa.

Sumabay sa pagsalubong sa 2021 ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin. Dagdag-pahirap ito lalo na sa mga manggagawa at maralitang Pilipino na matinding naaapektuhan ng pandemya.

Sa tala ng Department of Agriculture noong Enero 18, umaabot na sa P380 ang kilo ng baka, nasa P400 naman ang kilo ng baboy at P180 ang kilo ng manok sa pangunahing mga palengke sa Kamaynilaan.

Nagtaas din nang P20 hanggang P50 ang presyo ng mga gulay gaya ng kamatis, sibuyas at bawang na nasa P100 kada kilo. Pumapalo na rin sa P180 ang kilo ng talong at ampalaya habang nasa P90-100 ang kilo ng siling labuyo.

Nasa P180-200 na ang kilo ng galunggong at bangus habang P100-120 naman ang tilapia.

Sunud-sunod din ang pagtaas ng presyo ng langis. Pinakahuli ang halos pisong dagdag sa kada litro ng diesel, gasoline at kerosene noong Enero 19.

Suplay

SINUBUKAN ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU, na pagkasyahin ang P537 arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region para mamili sa palengke. Kaunti lang ang nabili niya at di sasapat sa pagkain ng pamilya.

Sumirit ang presyo ng pangunahing mga bilihin sa kabila ng nauna nang pagtakda ng DA ng Suggested Retail Price (SRP) ng mga produktong agrikultural noong Nobyembre 2020.

Ayon pa sa naturang ahensiya, inaaral na rin nilang itaas ang SRP ng mga bilihin dahil daw sa epekto ng nagdaang mga bagyo at pagbawas ng produksiyon dahil sa African Swine Fever (ASF).

Pero sinabi naman ni Reildrin Morales, executive director ng National Meat Inspection Service, na kulang na kulang ang suplay ng karneng baboy at manok sa Luzon dahil sa pamamakyaw ng traders mula sa Visayas at Mindanao.

Paliwanag ni Agriculture Assistant Sec. Kristine Evangelista, tumaas ang presyo ng gulay dahil sa hindi matatag na suplay mula sa mga lalawigang apektado ng malamig na panahon gaya ng Benguet, Laguna, Nueva Ecija, Pangasinan, La Union at Bicol.

Pero para sa Amihan-National Federation of Peasant Women, naghuhugas-kamay lang ang gobyerno sa kapabayaan at kawalang-aksiyon nito na nagdulot ng matinding pagtaas ng presyo ng bilihin.

“Nagiging praktis na ng pamahalaan na maghugas-kamay sa mga kapalpakan nito pagdating sa mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” sabi ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan.

Paliwanag ni Soriano, nanawagan na ang mga magsasakang prodyuser noong nakaraan pang taon ng pandemya dahil nga sa epekto ng mga lockdown na nagpahirap sa pagsasaka at kahit sa pagbebenta sa kabilang barangay. Sa dulo, wala naman umanong ayudang binigay para magpatuloy ang produksiyon at masiguro ang suplay.

“Ngayon, nagngangawa ang DA na mahalaga ang produksiyon, na sila nga ang inutil at walang pakialam sa mga prodyuser,” ani Soriano.

Mababang sahod

“Ang mahal ng baboy, ang mahal ng gulay. Lahat na lang sumisirit ang presyo, pero walang hakbang ang administrasyong Duterte para makaagapay at matulungang mag-survive ang manggagawa,” ani Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Giit ng KMU, napakabigat ng epekto ng pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin para sa mga manggagawa. Ito’y dahil karamihan sa kanila, sumasahod lang ng minimum o mas mababa pa.

Lalo umanong bumaba ang tunay na halaga ng sahod dahil wala nang magkasaya sa P537 na minimum sa National Capital Region (NCR), pinakamataas sa buong bansa. Matindi lalo ang epekto nito sa mga manggagawa sa labas ng NCR gaya ng Central Luzon at Southern Tagalog na naglalaro sa P400-420 ang minimum, P404 naman sa Cebu, P396 sa Davao at nasa P290-325 lang sa rehiyon ng Bangsamoro.

“Biruin mo, binubuhay mo ang ekonomiya ng bayan. Pero di mo na alam paano bubuhayin ang pamilya mo?” dagdag ni Adonis.

Taong 2018 pa kasi huling nagpatupad ng dagdag-sahod sa NCR. Samantala, tinanggihan naman ng gobyerno ang inihaing petisyon ang mga manggagawa para sa dagdag-sahod noong Abril at Nobyembre 2019. Ang problema pa, inanunsiyo na ng NCR Wage Board ang walang taning na pagpapaliban sa mga petisyon para sa dagdag-sahod dahil daw sa pandemya.

“Napakatagal na panahon: pinandemya, binagyo at pinapatay na tayo ni Duterte, pero ang sahod ng manggagawa nakapako,” giit ni Adonis.

Nangamba naman ang Anakpawis Party-list dahil bukod sa mababang sahod, matindi rin ang epekto ng pagsirit ng presyo sa mga manggagawa at maralitang nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa pandemya.

“Marami ang nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa pandemya. Hindi naman tumaas ang sahod ng mga manggagawa at halos walang ayuda ang gobyerno sa mga walang mahanap na trabaho. Ngayon, tumaas pa ang presyo ng lahat ng bilihin at pagkain. Paano na kakain at mabubuhay ang mga tao?” tanong ni Cathy Estavillo, isa sa mga lider-kababaihan ng Amihan at Anakpawis.

Sa tala kasi ng Ibon Foundation, independiyenteng institusyon ng pananaliksik, umabot na sa 12.7 porsiyento o katumbas ng 5.8 milyong Pilipino ang walang trabaho dahil sa pandemya. Umaabot naman umano sa mahigit 12-13 miyong pamilyang Pilipino ang dumaranas ng pang-ekonomiyang kahirapan dahil sa pandemya at sa pinakamatinding pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

Sa kabila nito, iginiit ng Ibon na napakakaunti naman ng nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.

Sahod itaas

Nanawagan ang KMU sa gobyerno na agad na tugunan ang matagal nang nakabinbin na dagdag-sahod para sa mga manggagawa. Inanunsiyo rin ng sentrong unyon na nagbabalak itong maghain ng panibagong petisyon para sa umento.

“Panawagan namin: Pabilisin ang pag-apruba sa umento nang makabili kami ng mga kailangan namin. Dapat lang na kalingain ng gobyerno ang manggagawa kung gusto nitong bumangon ang bansa,” ani Adonis.

Iginiit din ng grupo na dapat pabilisin at gawing prayoridad ang pagsasabatas ng P750 National Minimum Wage Bill na Hulyo 2019 na pa nakabinbin sa antas-komite ng Kamara.

Para naman sa Amihan, dapat kagyat na kontrolin ng gobyerno ang presyo ng karne at gulay at bigyang ayuda at subsidy sa produksiyon ang tinagurian nilang “food security frontliners”.

“Dapat may state subsidy sa ‘food security frontliners’ natin, may pandemya man o wala. Hindi lang cold-storage ang sagot batay sa sinabi ng DA kundi kumprehensibong programa para maiwasan ang matataas na presyo ng mga bilihin at matulungan ang mga magsasaka,” ani Soriano.

Nanawagan din ang Kilusang Magbubukid ng Piliipinas (KMP) na baguhin ng gobyerno ang mga polisiya nito sa pagtitiyak ng suplay ng pagkain.

“Sa pangmatagalan, dapat baguhin ng gobyerno ang mga polisiya nito para tiyakin ang lokal na suplay ng pagkain. Dapat palakasin ang lokal na produksiyon at umiwas na sa pagdepende sa di-maasahang imported an pagkain,” giit ni Danilo Ramos, pambansang tagapangulo ng KMP.

Dagdag pa ni Ramos, makakaasa ang bansa na lalala pa ang kagutuman sa susunod na mga buwan. Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain sa daigdig, at nagmamatigas pa rin ang gobyerno sa palpak nitong mga polisiya.

“Imbes na zero-hunger ang mangyari, lahat nagugutom!” pagtatapos niya.