Editoryal

Mataas na presyo, na naman

February 14, 2021

Pagdepende sa importasyon, pagbulag-bulagan sa pangangailang ng local food producers, at pangkalahatang anti-mamamayan na polisiya ang nagdala sa atin sa kasalukuyang panahon ng nagmamahalang bilihin at lumiliit na budget.

Hindi makatotohanang sabihin na ang lahat ng pinansIyal na pagdurusa ng mga mamamayang Pilipino ngayon ay dahil lang sa pandemya na hindi inasahang hahagupit sa ating lahat.

Pagdepende sa importasyon, pagbulag-bulagan sa pangangailang ng local food producers, at pangkalahatang anti-mamamayan na polisiya ang nagdala sa atin sa kasalukuyang panahon ng nagmamahalang bilihin at lumiliit na budget. Napalala lamang ito ng pandemya.

Kaliwa’t kanan na naman ang balita ng nagtataasang preyso ng bilihin bunsod ng magsimula ang 2021. Ang presyo ng baboy umabot P400 kada kilo, ang galunggong na dating naturingang “poor man’s fish” ay umabot sa P180 kada kilo. At kahit wala ang paglista ang maraming numero na ito, dama ito ng karaniwang Pilipino sa ating mga sikmura. Ano ba ang nangyari sa baboy at ibang bilihin?

Hindi nakontrol na epekto ng African Swine Fever (ASF) ang isa sa nakikitang dahilan ng pagtaas ng presyo ng baboy. Hulyo 2019 nang ianunsiyo ng Department of Agriculture ang outbreak ng ASF sa bansa. Aabot sa kalahating milyong baboy ang kinailangan idispatsa para hindi na umabot pa sa mga pamilihan ang infected na mga baboy. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at sa iba pang asosasyon ng food producers, mabagal at katiting ang naging pagtugon ng gobyerno sa outbreak na ito, kaya naman sobrang lumiit ang suplay ng baboy ngayon.

Bilang tugon, dagdagan ng 54,000 metric tons ang aangkating karne ng baboy mula Estados Unidos at mga bansa sa Europa.

Pero ayon sa KMP, kung may leksiyon na makukuha sa Rice Liberalization Law, hindi garantisadong bababa ang presyo ng bilihin dahil lang sa dagdag na imports.

“Sa totoo lang, mababa ang mga presyo sa farmgate, pero mataas pagdating sa mga palengke,” giit ni Joseph Canlas ng Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon, “Hindi nakikinabang ang mga magsasaka sa mataas na presyo ng mga gulay.”

Kaya panawagan ng mga organisasyon, kailangan itigil ng gobyerno ang pagkahumaling sa importansyon at bigyang direkta at pangmatagalang solusyon ang isyu sa food security. Anila, kailangan ang bakal na kamay sa mga mapang-abusong kartel, at suporta sa mga magsasaka na higit pa sa katiting na pautang.

Sa ngayon, panawagan nila ang pinakaagarang tulong sa porma ng ayuda para sa mga food producer, mga magsasaka, mga backyard hog raiser.

Pagsusumamo nga mismo ng mga manininda sa palengke, ni hindi na rin nila kayang bilhin para sa kanilang pamilya ang kalakhan sa kanilang mga binebenta. Dapat tanawin ito ng mga ahensya ng gobyerno, lalo ng Department of Health, bilang paparating na banta sa paglala ng Covid-19. Hhina ang resistensya ng mga mamamayang aasa sa 3-in-1 coffee at noodles para panlaman tiyan, at tiyak na hindi ito makatutulong sa pag-iwas sa sakit.

Dagdag pa rito ang kaliwa’t kanang bayarin, tulad ng sa kuryente at tubig. Maraming kabahayan na ang napadalhan ng disconnection notice, at sa ilalim ng community quarantine kung saan lumaki ang paggamit ng kuryente at tubig ng mga maliliit na kabahayan, napakalaking panganib nito para sa karaniwang Pilipino.

Nariyan ang mga estudyante na nakadepende sa kuryente para sa kanilang pag-aaral sa bahay. Ang mga trabahador na work from home o mga lumipat sa online selling, may pagtaas ng gastusin rin para sa kabahayan. Kung itutuloy ang pagputol ng kuryente at tubig sa mga hindi pa agad makapagbayad, hindi lamang pagpapaligo, paglaba, at paghuhugas ang manganganib, kung hindi ang kabuhayan at maging kalidad ng edukasyon.

Panawagan ng iba’t ibang grupo: moratorium para sa bayarin sa kuryente at tubig. Ayon na nga sa gobyerno, hindi ito pangkaraniwang panahon para sa ating lahat. Pero higit ang epekto ng pandemya sa mga mahihirap, mas ramdam ang taas ng bilihin. Ni hindi nga masabayan ng pagtaas ng sahod itong presyo ng gulay, isda, at karne.

Taong 2018 pa huling nagtaas ng minimum wage. Sa Metro Manila, muntik na maabot ng presyo ng baboy ang gross minimum wage na P537. Syempre, hindi naman buong naiuuwi ng minimum wage workers ang P537 na iyan, na mas mababa pa sa mga probinsiya.

Ayon sa gobyerno, kailangan rin isipin ang kapakanan ng mga employer kung itataas ang minimum wage. Papaano nalang nila kakayanin ang pasahod, lalo na ang mga maliliit na business? Papaano kung piliin ng mga employer na kontian ang empleyado, lalaki ang unemployment?

At nariyan na nga ang pilit na pinagbabangga ng pamahalaan ang mga karaniwang mamamayan. Pero nasubukan na ba ng administrasyon higitan ang suporta sa micro, small, and medium enterprises o MSME? O hindi kaya’y natatakot lang itong lumiit ang tiyansang makapagkamal ng kita ang naglalakihang mga negosyo sa bansa? Sa Estados Unidos nga, lalo pang yumaman ang mga bilyonaryong nagmamay-ari ng iba’t ibang business ngayong panahon ng pandemya.

Pinagbabangga rin ng gobyerno ang panig ng mga buyer, at ng mga local food producer pagdating sa isyu ng pag-aangkat. Ani ng pamahalaan, kung hindi mag-aangkat ng mga produkto para lamang suportahan ang lokal na mga karne at gulay, mananatiling malaki ang gastusin ng karaniwang Pilipino. Na para bang kailangan may isang panig lamang ang maisasalba.

Sagot ng mga local food producer, hindi na kakailanganing dumepeden sa pag-aangkat kung magiging stable ang agrikultura sa bansa.

Kung gayon, sa pagtaas ng maraming bayarin na ito, nakanino ang lumalaking pondo? Ang kailangan tanungin ng gobyerno, sa nagtataasang presyo at lumalaking gastusin, sino ang nananalo? At bakit hindi ito ang karaniwang mamamayang Pilipino.