Kaninong naratibo ba ang dapat paniwalaan?
Mahalaga pa rin na priority mabakunahan ang mga health workers, oo. Pero ano ang kailangan nila para makumbinsi na magpabakuna? Datos. Kaalaman. Sagot sa kanilang mga katanungan.

Simula’t sapul ang usapin ng bakuna ng Sinovac ay nakulayan na ng pulitika at ng relasyon ng administrasyong Duterte sa Tsina. Sadyang kaduda-duda na kahit walang malinaw na datos, iginigiit ng administrasyon ang Sinovac. May pagtatangi na walang batayan.
Kaya mahirap tanggapin na lang basta-basta ang rekomendasyon ng FDA. Tila may bahid na ng pulitika o political consideration. Wala naman ipinapakitang datos na basehan sa napagpasyahan.
Dagdag pa, ayon mismo sa kinatawan ng Sinovac, wala silang isinumite na bagong datos sa Pilipinas. Pareho lang sa isinumite nila sa mga bansang gumagamit na ng Sinovac, gaya ng Brazil, Turkey at Indonesia. Pero sa Pilipinas lang lumabas ang rekomendasyon na hindi ang Sinovac vaccine ang pinaka-angkop para sa mga health workers.
Hindi nakatulong ang ganitong rekomendasyon na mapalakas ang vaccine confidence at malabanan ang vaccine hesitancy. Maaring makadulot pa ito ng kalituhan sa taumbayan at mismo sa hanay ng mga health workers.
Hindi rin lubos na wasto ang panawagan ng isang grupo na hintayin ang desisyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) kung magbibigay ba ito ng rekomendasyon sa bakuna ng Sinovac o hindi. Bakit, ang rekomendasyon ba ng HTAC ang bubuhay sa naghihingalong vaccine confidence?
At kung hindi magbigay ang HTAC ng tuwirang rekomendasyon sa Sinovac, sino ang mananaig? Mahuhulog ang usapin sa away ng mga eksperto. Mahuhulog ang usapin sa kung sinong grupo ng eksperto ang dapat paniwalaan ng tao!
Mahalaga pa rin na priority mabakunahan ang mga health workers, oo. Pero ano ang kailangan nila para makumbinsi na magpabakuna? Datos. Kaalaman. Sagot sa kanilang mga katanungan.
Bakit hindi natin sila hayaang maging bahagi ng pagtitimbang at pagdedesisyon? Bakit hanggang ngayon, ang turing sa health workers ay parang tupa na susunod na lang sa mga nagpapasto na mga eksperto? Bakit hindi natin sila kausapin nang masinsin?
Ganun din sa taumbayan. Bakit wala sila sa usapan? Tagamasid lang ba sila, tagapanood o miron sa mga nangyayari?
Matuto na sana tayo sa nangyari sa Dengvaxia. Pinilit ang mamamayan, pinasunod nang walang paliwanag. Pero mga eksperto at mismong health officials pala ang magtataksil at sisira ng kanilang tiwala.
At noong sinisikap nang mag-damage control ang gobyerno, eksperto pa rin ang pinagsalita para magpaliwanag. Nagsalita pero hindi kinausap ang masa kaya kanino sila mas naniwala? Kay Persida at iba pa, di ba?
Noong panahon ni Juan Flavier sa Department of Health (DOH), mga eksperto ba ang naging susi o mukha sa mga programa niya? Hindi. Naalala ng mga tao ang mga programa niya dahil sa tuloy-tuloy at walang humpay na pakikipag-usap sa masa, sa lenggwahe na alam nila.
Ang tagumpay ng anumang programang pangkalusugan, gaya ng pagpapabakuna, ay nakasalalay sa taumbayan, hindi sa mga eksperto. Kaya ang mas mahalaga ay ang pagpapalakas ang partisipasyon ng taumbayan, hindi ang pagpapalakas sa tinig ng mga eksperto.
Isama natin sa usapan ang masa. Sila ang mahalaga. Ilatag sa kanila ang mga datos at impormasyon na dapat nilang malaman.
Kausapin natin ang masa. Pano nila mauunawaan kung hindi sila pinapakinggan?
Higit sa lahat, huwag natin agawin sa kanila ang karapatang magdesisyon. Sila ang tunay na mapagpasya.
Paano kusang yayakapin ng mga Pilipino ang pagpapabakuna kung iba ang pipili para sa kanila?
Pinaubaya na nga sa iba ang pagtugon sa pandemya, pati ba naman ang pagpapabakuna?
Baguhin natin ang naratibo. Wag yung naratibo ng gobyerno o ng mga eksperto. Palaganapin natin ang naratibo ng mga tao, ang naratibo ng mamamayang Pilipino.
Dahil kung hindi, hindi tayo magwawagi.