Pambansang Isyu

Kapalpakan, kapabayaan at karahasan sa pandemya

July 20, 2021

Sa kabila ng isa sa pinakamahaba at pinakamalupit na lockdown ng rehimeng Duterte sa buong mundo, tumindi sa halip na humupa ang krisis sa kalusugan at ekonomiya ng bansa.

Ngayong patapos na ang termino ni Pangulong Duterte, isa sa mga magmamarka sa kanyang pamumuno ang naging tugon nito sa pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19). Kung pagbabatayan ang mga datos at karansan ng mga Pilipino, masasabing palpak ang hindi-siyentipiko at militaristang tugon ng administrasyon na nagdulot ng matinding krisis pangkalusugan at pangekonomiya.

Pangalawa sa pagkakulelat ang Pilipinas pagdating sa pagtugon sa pandemya ng Covid-19 sa buong mundo. Ito ay ayon sa Covid-19 resilience ranking ng Bloomberg kung saan nakapagtala lamang ang bansa ng 45.3 puntos kasunod ng 37 ng Argentina.

 Sinukat sa nasabing ulat ang naging tugon ng 53 bansa sa pandemya batay sa dami ng nabakunahan, tindi ng lockdown, kakayahan ng mga paliparan at pagbiyahe, at bilang ng mga kaso, nagpopositibo o namamatay sa Covid-19. Nanguna dito ang US na may iskor na 76 batay sa datos hanggang Hunyo 27.

Pinalagan naman ito ni Health Sec. Francisco Duque III sinabing hindi tama ang ulat ng pandaigdigang pahayagang pangnegosyo. Hindi raw kasi patas ang pamantayan dahil mas marami naman daw talagang nakukuhang bakuna ang mayayamang bansa.

Pero kung ikukumpara ang tugon ng Pilipinas sa iba pang bansa sa Timog Silangang Asya, kulelat pa rin ang bansa.

Pangalawa ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso at may pinakamataas na tantos ng pagkamatay dahil sa Covid-19 batay sa datos ng Johns Hopkins University.

Sa tala naman ng Ibon Foundation, lumalabas na isa rin ang bansa sa may pinakahuling programa sa bakuna na nagsimula lang nitong Marso 2021. Disyembre 2020 pa nagsimula ang pagbabakuna sa Singapore, Enero 2021 sa Indonesia at Myanmar, habang Pebrero naman sa Thailand, Malaysia at Cambodia.

Bukod sa nahuhuli, ito rin ang may pinakamabagal na paggulong ng programa sa bakuna. Sa ngayon, umaabot pa lang sa 13,196,282 ang kabuuang bakunang naiturok. 9.6 milyon nito’y mga unang dose habang 3.5 milyon pa lang ang fully vaccinated. Napakalayo pa sa target ng gobyerno na 60-70 milyong bakunado bago ang Disyembre 2021.

Pilipinas din ang isa sa may pinakamaliit na ginagastos para sa pangkalusugan at pangkabuhayang tugon sa pandemya. Napakaliit ayon sa Ibon ng 5.2 porsiyento ng gross domestic product na inilalaan ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya kumpara sa tindi ng krisis pangkalusugan.  

Isa rin ang Pilipinas sa may pinakamabagal na tantos ng paglago ng ekonomiya sa buong rehiyon. 

Ito rin ang isa  sa may pinakamataas na tantos ng implasyon kasunod ng Malaysia. Pero nangunguna naman ang bansa sa tantos ng kawalang trabaho.

Sa kabila ng pagpapatupad ng administrasyong Duterte ng isa sa pinakamahaba at pinakamalupit na lockdown sa buong mundo, tumindi sa halip na humupa ang krisis sa kalusugan at ekonomiya ng bansa.

Duterte: Tumanggi sa mass testing, hanggang sa kasalukuya’y di pa rin sapat ang natetest. Screenshot/PTV

Huli at palpak

Para sa Ibon, ang militarista at hindi-siyentipikong mga patakaran sa pandemya na ipinatutupad ng administrasyon ang nagdulot ng matinding krisis pangkalusugan at pangekonomiya.

Bago pa ang unang naitalang kaso ng Covid-19 sa bansa, nanawagan na ang mga eksperto at iba’t ibang grupong medikal na magpatupad ng travel ban sa mga manggagaling ng Tsina at iba pang bansang may naitalang kaso ng Covid-19.

Pero para kay Duterte, hindi niya ito gagawin dahil “hindi patas” sa mga Tsino. 

Sinegundahan naman siya ni Duque na nagsabing hindi umano ipatutupad ang ban dahil sa epekto nito sa pulitikal at diplomatikong relasyon ng Pilipinas sa Tsina.

Napilitan din itong ipatupad ang temporary travel ban sa mga galing sa Wuhan sa Tsina noong Enero 30, ilang araw matapos mamatay ang kaunahang kaso ng Covid-19 sa bansa. 

Nauna ring minaliit ni Duterte ang banta ng Covid-19. Kahit may mga kumpirmado nang kaso noong Pebrero 2020, sinabi ng Pangulo na maayos naman ang lahat sa bansa at “wala namang dapat ikatakot sa coronavirus”.

Pero nang kumalat ang Covid-19 sa Kamaynilaan noong Marso 2020, ipinatupad na ni Duterte ang malupit at marahas na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Ang krisis pangkalusugan, itinuring na usapin lang ng pagsunod sa batas. Itinalaga para mamuna sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga heneral sa gabinete ni Duterte.

Daanlibo ang inarestong “pasaway” dahil sa di umano pagsunod sa health and safety protocols habang libu-libo naman ang paglabag sa karapatang pantao sa kasag-sagan ng lockdown.

Sinamantala rin ng administrasyon ang lockdown para supilin ang lumalakas na pagtuligsa at paglaban ng mga mamamayan sa kapalpakan nito sa pagtugon sa pandemya. 

Sa unang tatlong buwan ng ECQ, umabot sa 16.7 porsiyento o 3.9 milyong pamilya ang nakaranas ng kagutuman ayon sa sarbey ng Social Weather Station (SWS). Sa kabila kasi ng kawalang kabuhayan dulot ng lockdown, wala ring makabuluhang ayuda mula sa pamahalaan.

Pero ang paghihigpit sa paggalaw ng tao at pagsasara ng ekonomiya, hindi naman sinabayan ng kaukulang solusyong medikal. Tumampok ang panawagan para sa solusyong “medikal hindi militar”. Sa kabila ng malakas na panawagan para sa “free mass testing”, Abril na nang unang nagkaroon ng targeted testing sa frontline health workers sa Metro Manila.

Hanggang ngayon, nahuhuli pa rin ang Pilipinas sa Covid-19 testing. Umaabot pa lang sa 13 milyong test ang naisagawa sa bansa hanggang nitong Hunyo 2021.

Pagsalubong ni Duterte sa unang batch ng mga bakuna ng Sinovac noong Marso. Screenshot/RTVM

Baku-bakong bakuna

Oktubre 2020, inutusan ni Duterte ang DOH na simulan ang gobyerno-sa-gobyernong transaksiyon para sa mga bakuna. Tinutulan kasi nito ang direktang pagbili ng bakuna mula sa mga pribadong kumpanyang gumagawa nito dahil umano sa mga posibleng anomalya.

Dahil dito, lalong napabagal ang pagtiyak ng bakuna sa bansa. Nakakuha na sana kasi ang ng 10 milyong bakuna mula sa kompanyang Pfizer, una pa sa Singapore, noong Disyembre 2020. Pero ayon kay Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., hindi umano inasikaso ni Duque ang mga kinakailangang papeles para dito.

Kalaunan, lumabas na inantay pa pala ng administrasyon ang pagsasara ng kasunduan sa Tsina para sa donasyon nitong bakuna na Sinovac.

Pumasok ang 2021 na walang malinaw na plano sa pagbabakuna ang administrasyon. Pebrero na nang sa wakas ay inaprubahan na ng IATF ng pagbili ng bakunang Sinovac. Marso na ng unang nakapaglabas ng plano para sa pagbabakuna ang IATF at sinimulan ang pagbabakuna sa frontline health workers.

Ani Vaccine czar Carlito Galvez Jr., target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 60-70 milyong Pilipino para maabot ang “herd immunity” bago matapos ang 2021. Pero lampas kalahati na ng taon, di pa umaabot sa 4 milyon ang bakunado.

Nitong Hulyo, napilitang tumigil ang ilang lokal na pamahalaan sa pagtuturok ng unang dose ng mga bakuna dahil sa kakulangan ng suplay. Pinangangambahan ding magkulang na ang suplay sa susunod na mga buwan para sa mga nakatakdang maturukan ng ikalawang dose.

Huli man daw at magaling, naihahabol din. Pero sa kaso ng tugon ng ni Duterte sa pandemya, huli na nga ay batbat pa ng kapalpakan, kapabayaan at karahasan, tila matatagalan pa bago maihabol ang pagbangon ng bansa.

Pero habang tumatagal ang militarisado at hindi siyentipikong tugon sa krisis pangkalusugan at pangekonomiya, patuloy na magdurusa ang sambayanang Pilipino sa nalalabing isang taon ni Duterte sa puwesto.  

Avatar

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.