Husgahan Natin

Ang kaso ng Sinovac

September 3, 2021

Alam ba ninyo na nagkaroon ng kaso sa Korte Suprema laban sa administrasyong Duterte para itigil ang paghango at paggamit sa Sinovac vaccine bilang gamot sa Covid-19?

Sa ating bansa, ang pinakamaraming naipasok na bakuna ay ang mula sa Sinovac. Ang bakunang ito ay gawa sa China. Marahil, dahil ito sa malapit na relasyon ng pamahalaan ng China sa Pilipinas mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero alam ba ninyo na nagkaroon ng kaso sa Korte Suprema laban sa administrasyong Duterte para itigil ang paghango at paggamit sa Sinovac vaccine bilang gamot sa Covid-19?

Ang kasong ito ay may pamagat na “Pedrito Nepomuceno vs. President Rodrigo R. Duterte, Secretary Francisco Duque, Inter- Agency Task Force on Emerging Infectious Disease , et al” (U.D.K. No. 16838) na hinatulan ng Korte Suprema noong Mayo 11, 2021.

Si Pedrito Nepomuceno ay dating alkalde ng bayan ng Boac sa Marinduque.

Bilang mamamayan ng Pilipinas, nagsampa siya ng kaso laban kay Pangulong Duterte, Sec. Duque, Ret. Gen. Carlito Galvez bilang Chief Implementer ng National Task Force Against Covid-19, at laban sa sa DOH Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Ang kasong ito ay isang petition for mandamus. Hiningi ni Nepomuceno sa Korte Suprema na utusan sina Pangulong Duterte na sumunod sa mga patakaran ng Food and Drug Administration (FDA) pagdating sa pangangalap, pagkuha, at paggamit ng bakuna laban sa Covid-19, partikular ang Sinovac vaccine.

Hiningi rin ni Nepomuceno sa Korte Suprema na maglabas ng cease-and-desist Order para pagbawalan ang FDA na bumili at gumamit ng Sinovac vaccine na hindi dumaan sa mga hinihingi na pagsubok sa ilalim ng batas para mabigyan ito ng go signal para sa emergency o regular na pag-gamit ng bakunang ito.

Nabalitaan raw kasi ng dating mayor na may plano ang pamahalaang Pilipinas na mag-angkat ng mga bakuna na gawa ng Sinovac para ipamahagi sa mga mamamayan nito upang labanan ang pagkalat ng infection ng Covid-19.

Ayon pa kay Nepomuceno, ang planong ito ng administrasyon ay lumalabag sa mga ulat na natanggap na hindi talaga epektibo ang Sinovac vaccine dahil wala pa namang opisyal na pag-aaral na nagawa tungkol sa bagay na ito.

Ibinasura ng Korte Suprema ang kaso laban sa Sinovac.

Una, napansin ng Korte Suprema na kasama sa nasabing demanda si Pangulong Duterte.

Iginiit ng Korte Suprema na ayon sa ating Saligang Batas, bawal idemanda sa kahit anumang kaso ang Pangulo, habang siya ay nanunungkulan. Ang pwede lamang niyang harapin ay ang reklamo ng impeachment na magtatanggal sa kanya sa kanyang pwesto.

Maliban dito, ipinagbabawal ang pagdemanda sa kanya sa anumang usapin hanggang nananatlili siya sa kanyang pwesto. Kung tapos na ang kanyang termino sa pagka- Pangulo, maari na siyang kasuhan.

Ngunit habang hindi pa, kailangan munang mag-antay na matapos ang kanyang termino bago siya masampahan ng kaukulang kaso.

Ang dahilan nito, paliwanag ng Korte Suprema, ay upang wala munang makagambala sa Pangulo habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin. Napakahalaga raw kasi ng tungkulin na ginagampanan ng Pangulo para maabala pa siya sa anumang kaso.

Kaya, dismiss kaagad ang kaso laban kay Pangulong Duterte.

Pangalawa, dinismiss pa rin ng Korte Suprema ang nasabing kaso sa bahagi ng iba pang ahensya ng gobyernong kinasuhan.

Ayon sa Korte Suprema, walang patunay na sila ay may ministerial duty sa ilalim ng batas na hindi nila nagawa pagdating sa pagsubok sa mga bakuna at pagbili nito kaugnay ng Covid-19.

Nakita ng Korte Suprema na sa panahong pinaplano ng pamahalaan ang pagbili ng bakuna ng Sinovac vaccine, walang batas o regulasyon na nag-uutos na kailangang may mandatory clinical trial muna bago makabili ng anumang bakuna laban sa Covid-19, kasama na ang gawa ng Sinovac.

Sa halip ay binigyan ng batas ng sapat na diskresyon o pagpapasya ang mga opisyal ng gobyerno para magdesisyon kung anong hakbang ang kailangan nilang gawin sang-ayon sa mga patnubay na ginawa ng World Health Organization (WHO) at United States Centers for Disease Control and Prevention.

Lalo pa itong pinalakas ng Republic Act No. 11494 na nagbigay ng kapangyarihan sa Pangulo sa pagpapasya kung ano mang regulasyon at patakaran ang dapat sundin para masugpo ang Covid-19.

Pagdating sa pagpili ng bakuna, binigyan din ng kapangyarihan ang Pangulo sa pagpili ng bakuna kahit hindi pa ito tapos sa Phase IV trial sa ilalim ng Universal Health Care Law.

Ang hinihingi lang ng batas ay kung ang bakunang ito ay nairekomenda ba ng WHO o iba pang internationally-recognized health agencies.

Sa bahagi ng Sinovac, binigyan ito ng Emergency Use Authorization (EUA) ng ating FDA noong Pebrero 22, 2021. Marami ring bansa ang gumagamit na nito tulad ng Brazil, China, at Indonesia.

Dahil sa walang patunay na ang EUA na binigay sa Sinovac ay lumalabag sa ating mga batas ay walang nakitang dahilan ang Korte Suprema para patigilin ang paghango o pagbili sa bakunang ito.

Sabi pa ng Korte Suprema, sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 o Republic Act No. 11525 na nilagdaan noong Pebrero 26, 2021 , ay hindi na kailangang idaan pa sa public bidding ang pagkuha ng bakuna laban sa COVID- 19. Sapat na ang negotiated procurement para dito. Kaya dagdag na argumento ito para i-dismiss ang Petisyon.

Bilang panghuli, pinuna ng Korte Suprema ang agad na pagsampa ng kaso dito, na hindi man lang dumaan sa mga mas mababang hukuman.

Marami pang mas mababa na hukuman bago ang Korte Suprema, paliwanag nito.

Hindi dapat tumuloy sa Pinakamataas na Korte ang nagsampa ng kasong ito. Dapat sana ay dumaan muna siya sa Regional Trial Court na siyang may original jurisdiction sa mga petition for mandamus na ito.

Maliwanag na hindi sumunod sa prinsipyo ng hierarchy of courts ang pagsampa ng kaso, puna ng Korte Suprema.

Karagdagang dahilan ito upang mawalan ng saysay ang kasong ito.

Tiyak na abot-tenga na naman ang ngiti ng mga Pro-Duterte Supporters sa desisyon ng Korte Suprema na ito. Akala natin si Pangulong Duterte lamang ang kumakampi sa China, pati Supreme Court din pala, sabi ng isang kakilala.

Pero ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong ito ay batay sa katuwiran at hindi sa palakasan, sabi naman ng isa.

Ano sa tingin ninyo, mga mahal naming mambabasa?

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.