Husgahan Natin

Red-tagging sa Timog Katagalugan

September 10, 2021

Maaari din nating huwag iboto ang mga halal na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa red-tagging na ito pagdating ng botohan.

Isang unyon natin sa Timog Katagalugan ngayon at mga pinuno nito ang naging biktima ng “red-tagging” sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Matagal nang kasapi ang unyong ito sa pinaka-matandang pederasyon sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Magdadalawang dekada na rin tayong abogado ng unyong ito at ayos naman ang pagpapatakbo nito.

Wala naman itong nilalabag na batas o regulasyon at nanatiling tapat sa kanyang tungkulin na pagsilibihan ang kanyang mga kasapi.

Sa katunayan, nitong Disyembre 2020 lamang nilagdaan ang panibagong Collective Bargaining Agreement (CBA) nito sa manedsment.

Aktibo rin ang unyong ito sa mga kampanya para lalong isulong ang karapatan ng uring–manggagawa tulad ng paid pandemic leave, mass testing, libreng bakuna, at emergency wage subsidy sa panahon ng pandemya.

Ngunit nitong Marso, Abril at Mayo 2021, nagkaroon ng mga pangyayaring malaki ang posibleng epekto pagdating sa kaligtasan at kapakanan ng ilang pinuno ng nasabing unyon.

Nangyari sa kanila ang tinatawag na red-tagging.

Ayon sa salaysay na ginawa ng isang pinuno ng unyon, noong Abril 16, 2021 ay ilang taong naka-motorsiklo ang pumunta sa kaniyang bahay sa Cavite.

Nagpakilala ang mga ito na mga kasapi sila ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at sila ay nandoon upang magbigay ng oryentasyon tungkol sa nagawang pagpasok ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga unyon ng KMU.

Kaugnay nito ay tinanong nila siya kung saan napupunta ang union dues na binabayad ng mga kasapi sa unyon. Sinagot naman niya ito na napupunta ang union dues nila bilang pambayad sa mga lehitimong gastusin ng unyon.

Nakiusap ang mga taga- NTF-Elcac na kung maari ay mag-dis-affiliate na sa KMU ang unyon ng nasabing manggagawa.

Sinagot naman niya ito na matagal nang bahagi ng KMU ang kanilang unyon at hindi hamak na benepisyo na ang kanilang nakuha dahil dito.

Bago umalis ang taga- NTF-Elcac ay kinuha muna nila ang cellphone number ng manggagawa at hiniling pa sa kanya na magkaroon sila ng group photo.

Noong Mayo 12, 2021 ay muling bumalik ang taga NTF-Elcac. Inulit nila na panahon na para umalis ang unyon ng manggagawa sa KMU dahil daw sa ginagamit lang ang union dues nila para tumulong sa armadong pakikibaka ng CPP – New People’s Army (NPA). Sinabi pa nila na matagal na itong ginagawa ng unyon ng mangagawa at matagal na rin nilang alam ang bagay na ito.

Ayon naman sa isang shop steward ng unyon, noong Abril 16, 2021 rin dumalaw sa kanilang bahay ang mga kasapi ng NTF- Elcac. Pagkatapos nilang magpakilala, ay sinabi nilang naroon sila upang ipaliwanag sa shop steward ang nagawang pang-iimpluwensiya at pagpasok ng CPP sa mga unyon ng KMU.

Tinanong din nila kung saan napupunta ang union dues na binabayad ng mga kasapi sa unyon. Siyempre, ang sagot ng shop steward ay napupunta ito para sa mga lehitimong gastusin ng unyon.

Nakiusap din ang mga taga NTF-Elcac na kung maari ay mag-dis-affiliate na sa KMU ang unyon ng nasabing shop steward ngunit tumanggi ito.

Sa isa pang salaysay na gawa naman ng chief shop steward ng unyon, ay sinabi niya na unang dumalaw sa kanilang bahay ang mga kasapi ng NTF -Elcac noong Marso 30, 2021.

Nagkataong wala siya at ang kanyang asawa lang ang kanilang nakausap. Tinanong nila ang kanyang asawa ng ilang bagay-bagay, pagkatapos nito ay umalis na.

Muli silang bumalik noong Abril 30, 2021. Nagkataong wala na naman ang miyembro ng unyon at walang tao sa kanilang bahay kungdi ang kanyang tiyuhin. Ang tiyuhing ito ang humarap sa mga bisita na pagkatapos ng ilang sandal ay umalis na rin.

Noong Mayo 14, 2021 ay muling dumalaw ang mga taga NTF-Elcac. Sa pagkakataong ito, wala pa rin ang manggagawa at ang kanyang asawa na naman ang kumausap sa mga bisita.

Sa pagkakataong ito, sinabi na ng mga bisita na naroon sila upang iparating sana na napasok na ng mga maka-kaliwang grupo ang unyon ng kanyang asawa at ang union dues dito ay ginagamit upang suportahan ang NPA.

Agad namang pina-blotter ng chief shop steward ng unyon sa kanilang Homeowner’s Association ang bagay na ito.

Batay sa kanilang mga salaysay, walang duda na sakop ng red-tagging ang ginagamit na pamamaraan ng NTF-Elcac laban sa kanila upang mapaalis ang kanilang unyon sa hanay ng KMU.

Ang red-tagging ay ang malisyosong pagpaparatang sa isang tao o isang grupo para ipagmukhang sangkot sila sa mga gawaing iligal, partikular ang pagkilos o pagsama sa NPA.

Ito ay ang ang pagbigay ng pangalan at pag-aakusa sa mga indibidwal o mga organisasyon ng pagiging maka-kaliwa, subersibo, komunista o terorista bilang isang estratehiya ng mga ahente ng Estado partikular na mga ahensiyang nagpapatupad ng batas at ang militar, laban sa mga itinuturing na banta o mga kaaway ng Estado.

Hindi ito simpleng paninirang puri kungdi taktika laban sa mga nagpapahayag ng mga lehitimong pagtuligsa sa administrasyon. Layon nitong tanggalan ng lehitimasyon ang inaatakeng indibidwal o grupo.

Kung titingnan natin, walang mali sa pagiging maka-kaliwa o aktibista.

Ayon sa ating Saligang Batas, ang kalayaan sa paniniwala ay isang batayang karapatan (Seksyon 4, Artikulo 4, 1987 Philippine Constitution). Kabilang rito ang oryentasyong pulitikal.

Isipin natin na hindi rin itinuturing na krimen sa batas ng Pilipinas ang pagiging kasapi ng Communist Party of the Philippines mula nang ibasura ni Pangulong Fidel Ramos ang Anti-Subversion Act of 1957 noong 1992.

Gayun pa man, dapat tutulan ang red-tagging dahil nalalagay sa panganib ang buhay ng mga nabibigyan ng ganitong bansag, lalo na pag nagmumula ang paratang sa mga opisyal ng pamahalaan, tulad ng NTF-Elcac.

Naging sapat nang ang isang tao o grupo ay maparatangang komunista upang maituturing na kalaban ng estado at mga mamamayan nito. Nagiging paraan tuloy ang red-tagging para mapatahimik ang mga mamamayang nagpapahayag lamang ng kanilang mga lehitimong hinaing.

Dahil sa takot na sila ay masama sa arbitrary arrest at extra-juducial killings, ang mga na red-tag na mamamayan ay nanahimik na lang. Talagang marumi itong pamamaraan upang mapatahimik ang mga nagproprotesta laban sa katiwalian ng administrasyon.

Paano natin labanan ang red-tagging mga kasama?

Maaari tayong gumamit ng mga ligal na paraan tulad ng paghingi ng writ of amparo o writ of habeas data sa ating mga hukuman. Maaari rin tayong magreklamo sa Office of the Ombudsman o di kaya, iparating natin sa Commission on Human Rights ang ating hinaing sa bagay na ito.

Bukod sa paggamit ng mga ligal na institusyon ay maari din nating labanan sa pamamagitan ng kontra–propaganda ang ginagawa nilang red-tagging kontra sa atin. Maaari tayong maglabas ng pahayag sa mga tradisyunal na mass media o di kaya sa social media tungkol sa bagay na ito.

Maari din nating huwag iboto ang mga halal na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa red-tagging na ito pagdating ng botohan.

Kung hindi pa umubra ang mga remedyong ito, meron pa rin tayong magagawa. Iyan ay walang iba kundi ipagdasal na lamang ang mga kaluluwa ng mga taong nag-red tag sa atin.

Sang-ayon ba kayo, mga kasama?

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.