Husgahan Natin

National Employment Recovery Strategy ng Duterte Admin

February 4, 2022

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 140 inatasan ang task force na ipatupad ang mga istratehiya para mabuhay muli ang ating labor market at matulungan ang mga manggagawa sa gitna ng krisis na dulot ng Covid-19.

Pormal na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021 ang National Employment Recovery Strategy (NERS), ang plano ng pamahalaan upang buhayin ang labor market sa Pilipinas.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 140 ay inatasan ng Pangulo ang Task Force NERS na ipatupad ang mga istratehiya para mabuhay na muli ang ating labor market at matulungan ang mga manggagawa sa gitna ng krisis na dulot ng Covid-19.

Ang mga estratehiya na ito para sa employment recovery plan ay batay sa whole-of–society approach at Updated Philippine Development Plan ng administrasyong Duterte. 

Pinalawak nito ang programa ng pamahalaan kaugnay ng Trabaho, Negosyo at Kabuhayan at pagkilala sa mga pagbabago sa labor market bunga ng Covid-19 pandemic at mga bagong teknolohiya. 

Sa ilalim ng EO 140 ay inaatasan ang NERS na magsagawa ng mga patakaran na makakatulong sa paglikha ng trabaho at kabuhayan sa mga manggagawa at magpapabuti ng kanilang kalagayan upang lalo silang maging produktibo. 

Kasama na rito ang pagbibigay ng suporta sa mga negosyante upang matiyak na patuloy silang makakapagbigay ng hanap-buhay sa mga manggagawa. 

Ang Task Force NERS na ito ay binubuo ng dalawampung ahensiya ng gobyerno. Kabilang rito ang iba’t ibang departamento ng pamahalaan tulad ng Trade and Industry, Labor and Employment, Transportation, Tourism, Public Works and Highways, Science and Technology, Social Welfare and Development, Agriculture, Agrarian Reform, Interior and Local Government, , Environment and Natural Resources, Education, Finance, at Budget and Management. 

Kasama rin dito ang National Economic and Development Authority (NEDA), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Poster para sa May 1, 2021 TGER-NERS Job Summit. Presidential Communications Operations Office

Upang maging mabisa sa gawaing naka-atas sa kanya, dapat sundin ng Task Force NERS ang 8-Point Program nito. 

Kabilang sa 8-Point Program ang pag-apruba ng karagdagang ayuda o wage subsidy para sa mga manggagawa sa pribadong sektor; pagkakaroon ng isang job summit; pagpasa ng mga batas na makakatulong sa ekonomiya at makalikha ng trabaho; pagtuturo sa mga manggagawa ng bagong kaalaman sa trabaho; ganap na pagpapatupad ng mga programa para sa youth employment; at pagbigay ng panlipunang proteksyon sa mga mahihinang grupo.

Sa usapin ng wage subsidy, mukhang hindi ito makukuha ng NERS mula sa kapitalista. Maya’t maya na lang hinihingi ng kawawang manggagawa na dagdagan ang kanilang mga kita ngunit lagi silang nilalabanan sa bagay na ito ng mga kapitalista. 

Hindi pa nangyari sa ating kasaysayan na ang minimum wage ay naging sapat para tugunan ang batayang pangangailangan ng isang pamilya. Laging kulang ang kinikita ng mga manggagawa sa bagay na ito . 

Ayon sa mga pag-aaral, halos doble o triple ng minimum wage dito sa Pilipinas ang kailangang kitain ng isang pamilya para makatugon sa batayang pangangailangan nito. Kaya, hindi tayo nagsawa sa paghingi na dagdagan ang minimum wage. 

Ang pinakahuling regulasyon kaugnay ng dagdag na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region ay noon pang 2018.

Mukhang malabo nang masundan pa ito ngayon dahil sa madaling idadahilan ng mga kapitalista ang umiiral na Covid-19 pandemic. 

Kaya, walang magawa ang mga manggagawa kundi ang umasa sa ayuda o tulong ng pamahalaan para maibsan man lang ang hirap na kanilang dinadanas sa panahon ng krisis.

Mahirap itanggi na ang kasalukuyang Covid-19 pandemic ay nakapagdulot ng pag-urong o paglubog ng ating ekonomiya. Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na dumanas ng matinding economic recession dulot ng pandemyang ito. 

Ang tanong ngayon ay ganito: Sapat ba ang nagawa ng administrasyong Duterte upang bigyan ng tulong o subsidy ang mga manggagawa ngayong panahon ng pandemya? 

Ang sagot ay hindi. Hindi tulad sa ibang bansa tulad ng Vietnam, walang mabilis na pagtugon ang ating gobyerno para mapabagal ang pagkalat ng Covid-19 virus. 

Matatandaan na nag-utos ito ng mahigpit na lockdown pero hindi nito napalakas agad ang ating health system para labanan ang pandemya. Kaya lalong tumaas ang ang mga kaso ng Covid-19 noong Abril 2021 at napilitan ang pamahalaang ilagay sa strict lockdown ang Metro Manila at katabing probinsya. Lalong nasaktan ang ating ekonomiya dahil dito.

Ang Pilipinas din ang pinakahuling bansa sa Southeast Asia na nagsimula ng kanyang vaccination program. Sa kabila ng pagbigay ng Kongreso ng pahintulot na gamitin ang P82.5 bilyon para pambili ng bakuna, P2.5 bilyon lang nito ang nagamit kaagad. Ang P70 bilyon nito ay napunta para sa unprogrammed appropriations at ang P10 bilyon naman ay napunta sa standby funds.

Huli rin nang maging batas ang vaccine indemnification law. Ang mga taga-suplay ng bakuna laban sa Covid-19 ay humingi ng sapat na proteksyon mula sa pamahalaan upang maiwasan ang nangyari sa bakuna laban sa dengue ilang taon na ang nakalipas. 

Matagal bago naaksyunan ang problemang ito kaya naunahan ang Pilipinas ng ibang bansa sa pag- angkat ng bakuna laban sa Covid kabilang na ang Sinovac.

Napakababa din ng pondong inilaan ng ating bansa para sa economic crisis na ito kung ihambing sa mga karatig nating bansa. 

Sa Singapore, halimbawa, noong unang dumating ang Covid-19 pandemic, ay naglaan sila ng 18 porsiyento ng kanilang gross domestic product (GDP) upang tugunan ang economic crisis dulot ng pandemyang ito . 

Sa Thailand naman, 9.6 porsiyento ng kanilang GDP ang kanilang inilaan. Sa Malaysia naman, 4.9 porsiyento ng kanilang GDP ang kanilang inilaan, kasunod ang Indonesia na bale 3.8 porsiyento at Vietnam na 3.6 porsiyento ang inilaan.

Sa Pilipinas, ang inilaan natin ay 3.1 porsiyento lang ng ating GDP.

Ang masama pa rito, ang tax collection system na umiiral sa atin ay pumapabor sa mayayaman at hindi sa mga manggagawa, tulad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (Train Law) at ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (Create Law).

Sa Train law, binawasan nga ang personal income and estate tax pero ayon sa mga dalubhasa ito, ang batas na ito ay magreresulta naman sa pagtaas ng presyo ng langis, kuryente, pati na ang inumin na magpapahirap lalo sa karaniwang mamamayan.

Ang Create law naman ay nagbago sa corporate income tax sa pamagitan ng pagpababa nito mula sa 30% hanggang sa 25%. 

Ang pagpababa sa buwis na ito (mahigit P100 Bilyon) ay malaking kabawasan sa kikitain ng pamahalaan na sana ay magagamit pa sa pangangailangan ng mahihirap lalo na sa panahon ng Covid -19 pandemic.

Mukhang mahihirapan nga ang Task Force NERS upang tuparin ang 8-point program nito. Lalo na at ilang buwan na lamang at tapos na ang termino ni Pangulong Duterte.

Ano sa tingin ninyo, mga mahal naming mambabasa?  

 

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.