Walkout sa Spotify: Malawak na impluwensiya

February 22, 2022

Ang panlilinlang sa ngalan ng subscriptions, followers, o anumang baluktot na konsepto ng “balanseng diskusyon” ay harapang pagbalewala sa mga eksperto, sa siyensiya, at sa responsibilidad sa masa.

Dahil sa teknolohiya, lumalawak din ang entablado ng mga “influencer” hindi lang para magbigay-aliw sa publiko kundi tumindig laban sa malawakang disimpormasyon.

Ito ang naging inisyatiba ni Neil Young, isang sikat na musikero’t komposer, matapos niyang ipatanggal ang mga kanta sa music streaming platform na Spotify bilang protesta sa tila pagiging entablado nito sa pagpapakalat ng maling impormasyon ukol sa mga bakuna kontra Covid-19.

“They can have [Joe] Rogan or Young. Not both,” ayon kay Young.

Nagpasalamat pa nga si World Health Organization (WHO) chief Tedros Adhanom Ghebreyesus sa hakbang na ito ni Young.

Tumugon naman ang pamunuan ng Spotify at binura na ang mga kanta ni Young. (Makikita sa Spotify ang ilang kanta ni Young na ginamit para sa mga pelikula, tulad ng Heart of Gold na ginamit sa pelikulang Eat, Pray, Love. Pero kapansin-pansin ang kawalan ng iba pa niyang hits, tulad ng Powderfinger, Ambulance Blues, at Ohio.)

Sumunod ang iba pang sikat na musikero tulad ni Joni Mitchell sa Spotify exodus na ito.

Ayon kay Young, maaaring makapahamak ang mga kontra-bakunang pahayag sa podcast na The Joe Rogan Experience sa mga maniniwala rito. 

Nag-trending din bago matapos ang buwan ng Enero ang #CancelSpotify bilang suporta ng publiko sa inisyatiba ni Young.

Pero bago pa ang lahat ng ito, nanawagan na ang mga grupo ng doktor at siyentista na ipatupad dapat ng Spotify ang mga polisiya nito laban sa kasinungalingang ikinakalat ni Rogan lalo na iyong may kinalaman sa pandemyang Covid-19.

 

‘The Joe Rogan Experience’

Sentro ng kontrobersiya ang podcast na ito ng komedyanteng si Joe Rogan dahil sa pakikipagpanayam sa mga panauhing nagsasabi ng mga walang basehang pahayag tungkol sa bakuna laban sa Covid-19.

Ang mga bakuna kontra sa Covid-19 ay dumaan sa at napatunayan ng siyentipikong proseso at aprubado ng awtoridad. Epektibo ang mga bakuna kontra sa pagkuha ng malalang sakit, pagka-hospital, at kamatayan.

Iba-iba ang mga panauhin ni Rogan sa bawat episode ng kaniyang podcast. Noong nakaraang taon kasama niya ang manunulat at propesor ng Biology na si  Bret Weinstein na nagsabing ang ivermectin ay nakagagamot ng pasyenteng may Covid-19. 

Ginagamit ang ivermectin para sa mga parasitic diseases at nirereseta rin para sa mga hayop. Ngunit, walang patunay na ito’y nakakagamot o nakakaiwas sa Covid-19.

Isa pa sa kontrobersiyal na pahayag sa podcast ni Rogan ay ang pagkakaroon ng malalang side effects sa mga magpapabakunang tinamaan na ng impeksiyon.

Ito ay pahayag ng virologist na si Robert Malone nang maging panauhin sa podcast ilang araw matapos siyang i-ban ng Twitter dahil sa paglabag sa Covid misinformation policies nito. May argumento rin si Rogan na mas may malala pang dulot ang pagpapabakuna sa mga bata kaysa magkaroon ng Covid-19.

Walang basehan ang mga ito. Hindi itinatanggi ang maaring side effects pagkatapos ng bakuna ngunit hindi ito malala.

Ayon sa mga naging ulat, ang The Joe Rogan Experience ang may pinakamaraming tagapakinig sa kanilang service app kung saan ito’y dina-download nang 200 milyong beses  kada buwan ng publiko.

Sa tindi ng naaabot ng show ni Rogan, hindi malabong paniniwalaan agad siya ng masa. Kaya dapat lang siya maging responsable, dahil ang panlilinlang na ito sa ngalan ng subscriptions, followers, o anumang baluktot na konsepto ng “balanseng diskusyon” ay harapang pagbalewala sa mga eksperto, sa siyensiya, at sa responsibilidad sa masa.

 

Lokal na disimpormasyon

Dito sa Pilipinas, maingay din ang mga usapin tungkol sa mga maling pahayag tungkol sa Covid-19 at bakuna, at sa mga talagang hindi naniniwala sa pandemya mapa-social media man o sa lansangan.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay isa sa mga nagpakalat ng maling impormasyon na may kaugnayan sa pandemya. Noong 2020, binanggit ni Duterte sa kaniyang “Talk to the People” program na linisin ang face masks gamit ang gasolina. Lubhang delikado ito sa sinumang maniniwala at ang masama’y sinabi pa ng pangulo na siya’y seryoso sa kaniyang binanggit.

Kontrobersyal din ang desisyong pamimigay ng ivermectin sa publiko ng mga pulitikong sina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at Deputy House Speaker Rodante Marcoleta sa kabila ng hindi pagkilala ng WHO dito bilang gamot kontra Covid-19.

Si Defensor ay kandidato sa pagka-alkalde sa Lungsod ng Quezon habang si Marcoleta ay tumatakbo sa pagkasenador.

Ang pagbabalita’y dapat nakasandig sa ebidensya at katotohanan. Ang pagbibigay ng espasyo sa mga may kontra-agham na pananaw ay hindi anyo ng pagbibigay-balanse. Isinasakripisyo nito ang kaligtasan ng publiko na dapat laging primaryang kinokonsidera.

Naging laman ng balita sa isang istasyon ng radyo noong nakaraang taon ang pagra-rally ng mga hindi naniniwala sa kakayahan ng face masks sa pagpigil ng hawahan ng impeksyon. Binigyang panayam din dito ang aktor na si Pen Medina na kalahok sa protesta’t walang suot na face mask. 

Sa anumang uri ng pagseserbisyo mapa-entertainment, pulitikal, o current affairs, mahalagang laging unahin ang kaligtasan ng publiko kaysa sarili nitong ganansiya. Lagi dapat pinag-iisipan kung may buhay mang maisasakripisyo sa bawat sinasabi, ibinabalita, at ipinapatupad.

Hindi katanggap-tanggap na maging instrumento ng disimpormasyon tungkol sa Covid-19 ang sinumang may malawak na audience base. Insulto ito sa mga siyentista’t eksperto, lalo na sa mga nabawian ng buhay dahil sa pandemya.

Avatar

Gia Boragay, John Russel Dela Cruz at Eriell Estrada

Sina Gia, Russel at Eriell ay mga intern mula sa Bulacan State University.