Editoryal

Batas anti-fake news, fake news! 


Totoong dapat labanan ang disimpormasyon, pero gawin natin ito nang may pagkilala sa tunay na kalaban at promotor at nang may pagkilala sa karapatan ng mamamayan.

Malaki at seryosong problema ang disimpormasyon sa bansa. Simula nang maluklok sa poder si dating Pangulong Rodrigo Duterte, araw-araw, parami nang parami na ang mga ulat o impormasyong kailangang i-fact check. Paano naman kasi, ginamit na bilang isang bagong sandata ng mga politiko’t dinastiya ang disimpormasyon para makopo ang kapangyarihan at kayamanan. 

Naging tatak Duterte ang paggamit sa fake news, pagbubuo ng bayarang troll army, at pakikipagsabwatan sa mga malalaking political at public relations firm para magpakalat ng mga binaluktot na katotohahan. Nilikha ng sistematikong disimpormasyon ang ilusyon ng kaunlaran at kapayapaan, habang damang-dama ng taumbayan ang hirap at kawalang-hustisya.

Ang numero unong nakinabang sa disimpormasyong sinimulan ni Duterte ay ang mga Marcos. Hinawan ng disimpormasyon ang daan para muling maluklok sa puwesto ang pamilya ng diktador. Sa pagsisiwalat ng isang dating empleyado ng Cambridge Analytica noong 2020, nagpatulong umano si Marcos Jr. sa kompanya para bigyan ng bagong bihis ang pangalan ng kanilang pamilya. 

Sa desperasyong makapanumbalik sa kapangyarihan, binaluktot nila ang kasaysayan, dinakila ang mamamatay-tao at diktador, sinamba ang huwad na kaunlaran bilang ginintuang panahon, at nilango ang mamamayan sa mga bagong pangako ng pagkakaisa at pagbabago. 

Kaya ngayong ipinagmamalaki ng administrasyon ang pagkapasa ng House Bill 9465 o ang Digital Media Anti-False Information Act, sa pangunguna ni House Majority Leader Sandro Marcos, para tayong ginigisa sa sarili nating mantika. Mantakin n’yo, ang pamilyang iniluklok ang sarili gamit ang disimpormasyon ay sila ngayong umaastang nasa unahan ng pagsugpo dito? Kalokohan

Nitong Pebrero, inanusiyo ni Marcos Jr. na priyoridad niya ang pagkakapasa sa batas laban sa disimpormasyon, pero mahigit anim na buwan lang ang nakaraan nang iulat ng Open AI ang paggamit ng isang marketing company sa ChatGpt para mag-analisa at lumikha ng mga positibong komento at materyal tungkol sa pangulo. 

Ito ang numero unong dahilan kung bakit ang hirap paniwalaan at pagkatiwalaan ng isinusulong na panukalang batas laban sa fake news. Kung ang mismong nagpapanukala ay nakikinabang sa disimpormasyon, anong karapatan nilang magpasya para sa publiko kung alin ang totoo at hindi?

Para sa iba’t ibang mga grupo at indibidwal na mamamahayag, imbis na ituon ang batas sa pagsugpo sa “politikal, ekonomiko at teknolohikal na sistemang lumilikha at nakikinabang mula sa disimpormasyon, ipinataw ng panukala ang bigat ng pananagutan sa mga indibidwal habang ibayong pinalalawak ang kapangyarihan ng gobyerno sa pagsiil sa malayang pamamahayag.”

Sa bisa kasi ng panukalang batas, ang sinumang mapapatunayang tuwiran o ‘di tuwirang naglabas, nagpalaganap o nagpondo ng fake news; nagpagana o nagpondo ng isang troll farm o mga fake account network; naglabas at nagpakalat ng mga gawa-gawa o manipuladong balita; pakikipagsabwatan sa mga dayuhan o nagpapanggap bilang opisyal ng gobyerno o bilang isang ahensiya o institusyon at nagdudulot ng banta sa seguridad, ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon at magmulta ng kalahati hanggang P2 milyon. 

Sa isang banda, hindi hamak na magaan ang pagpapanagot sa mga digital platform. Sa panukalang batas, mumultahan lang ang mga digital platform na hindi makakapag-ulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang aplikasyon.  

Paninindigan ng iba’t ibang organisasyon at mga institusyong pangmidya, higit na mas malaki ang papel ng mga platform sa pagpapalaganap ng disimpormasyon. Sa kabila nito, tila pinoprotektahan pa ng panukalang batas ang interes sa politika’t negosyo kaysa kapakanan ng taumbayan.

Kaya sa kabila ng mga pangakong hindi magagamit ang batas para hadlangan ang malayang pamamahayag, hindi tayo dapat mapanatag. Marami nang naiulat at naitalang karanasan kung paano nagamit ang batas para lalo pang tapakan ang karapatang-tao. Kagaya na lang ng pagkriminalisa sa libel bilang banta sa mga alagad ng midya, o ang paggamit ng Anti-Terrorism Act para maghasik ng takot at tumugis sa mga aktibista at manggagawang pangkaunlaran.

Ang nagiging malinaw, ang panukalang batas na ipinasa ay isang malaking teksto ng disimpormasyon. Inililihis nito ang usapin mula sa sistematiko at mulat na pagpapakalat ng mga mali at malisyosong impormasyon para sa pampolitikang interes at binubura ang pananagutan ng mismong mga nasa likod ng panukalang ito. 

Totoong dapat labanan ang disimpormasyon, pero gawin natin ito nang may pagkilala sa tunay na kalaban at promotor at nang may pagkilala sa karapatan ng mamamayan.