FEATURED

‘Ilitaw ang lahat ng nawawala’


Sa paggunita sa International Day of the Disappeared, muling nagprotesta ang mga pamilya’t kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos sa harap ng Court of Appeals (CA) sa Maynila noong Agosto 30.

Nagprotesta ang mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala sa harap ng Court of Appeals sa Maynila noong Agosto 30. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Sa paggunita sa International Day of the Disappeared, muling nagprotesta ang mga pamilya’t kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos sa harap ng Court of Appeals (CA) sa Maynila noong Agosto 30.

Nanawagan sila ng hustisya sa lahat ng mga desaparecidos mula noong panahon ng diktatura ni Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr.

Kasabay nito, sinuportahan din nila ang petisyon ng mga kaanak nina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus na naghain ng writ of habeas corpus sa naturang korte noong Hulyo 5.

Matatandaang nawala ang dalawang indigenous peoples rights advocate noong Abril 28 sa Taytay, Rizal. Bago nawala ang dalawa, makailang ulit silang ni-red-tag ng pamahalaan. 

Sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay, nagpapatuloy ang pagkawala ng mga aktibista sa kabila ng implementasyon ng Republic Act 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012.Sa tala ng grupo, umabot na sa walo ang desaparecidos sa unang taon pa lang ng administrasyong Marcos Jr. Kabilang dito sina Elgene Mungcal, Ma. Elena Pampoza, Ariel Badiang, Denald Laloy Mialen, Renel delos Santos, Lyn Grace Martullinas, Capuyan at de Jesus.

“Sa apat na buwang lumipas na walang anumang balita sa kalagayan nina Bazoo at Manong Dexter, nagpapatuloy ang aming panawagan na sila ay ilitaw, ipaalam ang kanilang kinaroroonan sa lalong madaling panahon,” ani Idda de Jesus, kapatid ni Bazoo.

Samantala, humiling din ang grupong Desaparecidos (Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan) ng dagdag hatol na guilty para sa mga kasong kidnapping, serious illegal detention at serious physical injuries na sinampa nina Raymond at Reynaldo Manalo noong 2016 laban kay dating Maj. Gen. Jovito Palparan. Nakatakda ang promulgasyon ng hatol sa Malolos City Regional Trial Court sa darating na Setyembre 27.

Si Palparan ang berdugong dumakip sa mga estudyante ng University of the Philippines Diliman na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.