Ang kaibigan kong si Frenchie
Hindi ko lubos na maipaliwanag kung ano ang maging kaibigan ng mga bilanggong politikal. Buhay na bangungot—marahil sa ganyang paraan ko siya mailalarawan.
Limang buwan pa lang kaming magkakilala ni Frenchie Mae Cumpio bago siya inaresto at ikinulong dahil sa mga gawa-gawang kaso. Hindi pa nga kami madalas magkita noon. Gayunpaman, tumatak ang bawat kwento niya sa’kin.
Pagpasok ko ng kolehiyo sa University of the Philippines (UP) Tacloban noong 2019, wala akong malinaw na plano sa buhay. Ang layunin ko noon ay magpakasaya at magliwaliw dahil sa wakas ay nakaalis na ako sa bayan ng Catarman na, hindi naman sa pambabalahura, sadyang nakayayamot. Tila napag-iiwanan ng panahon, lalo na para sa isang baklang katulad ko.
Wala sa plano kong makibahagi sa student council o student publication. Pinagdaanan ko na ang mga iyon sa hayskul. Mas lalong wala akong planong makilahok sa kung anumang politikal na organisasyon. Pinatawan kasi ako ng utos bago umalis sa bayan namin: “‘Wag na ‘wag kang sumali sa mga rally!”
Pero dahil ako ito, talagang hindi ako mahilig sumunod sa mga utos. “Rebel without a cause,” ika nga.
Agosto, unang buwan ko sa UP, nagsalita ako sa isang rally bilang representante ng batch ng freshies na pinangalanang “Sindakan.” Walk out noon ng mga estudyante sa buong bansa para iprotesta ang pagtatangka ng pulisya at militar na pasukin ang mga pamantasan. At sa Silangang Kabisayaan, talamak na ang mga kampo ng militar dahil sa Memorandum Order 32 na layon daw supilin ang rebelyon sa Bicol, Negros at Samar.
Pumuwesto kami sa Avenida Rizal, sa harap ng isang fast food chain. Nalaman ko noon na tinawag ang puwestong iyong “McDiola”—ang Mendiola ng Tacloban City. May sinabi ako sa rally tungkol sa kalayaan dapat ng mga estudyanteng mag-aral nang hindi nababansagang terorista at ang kahalagahan ng pagbabalik-tanaw natin sa kasaysayan, lalo na sa panahon ng mga Katipunero.
Napaos ako pagkatapos n’on dahil pumalya ang dinalang sound system. Nalaman ko rin sa kalaunan na na-red-tag na rin ako dahil sa simpleng pagpapahayag ng opinyon.
Tumawa lang ako nang narinig ko ‘yon pero inis na inis ako sa kaloob-looban ko. Bakit ganyan ang gobyerno? Bakit ganyan ang mga pulis at militar? Bakit ganito sistema sa Pilipinas?
Hinding-hindi ko malilimutan si Ate Frenchie dahil sa isang pangungusap, nabigyan niya ng sagot ang lahat ng katanungang iyan: “Mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino.”
Pagkatapos n’on, wala na akong masyadong naintindihan sa mga pinag-usapan namin dahil malalim at komplikado na ang mga paksang sumunod: malakolonyal, malapyudal, imperyalismo, burukrata kapitalismo, pyudalismo, etc.
Pero maiintindihan ko naman daw ang mga iyon sa paglipas ng panahon. Nalaman ko rin n’ong naging editor-in-chief si Ate Frenchie ng UP Vista, ang opisyal na student publication ng UP Tacloban. Kaya habang hinihintay kong maintindihan ang mga panlipunang paksang ipinakilala sa’kin, sumali rin ako sa UP Vista. Naisip ko noon, baka sakaling maging matalas at matalino rin ako, gaya ni Ate Frenchie.
Isang araw, ipinakilala niya kaming mga baguhan sa UP Vista sa komunidad sa tapat lang mismo ng campus namin, sa UP komyu.
Isang masiglang eksena ang naabutan namin doon, may kainan kasi. Kung hindi pa kami ipinakilala sa mga nakatira doon, hindi sana namin malalamang may demolition threat sa komunidad na iyon. At karamihan sa mga nakatira sa UP komyu, mga survivor ng Super Typhoon Yolanda.
Gigibain daw ang mga bahay doon para sa road widening. Dawit din sa demolisyon ang mga tindahan at karinderyang puntahan ng mga estudyante, staff at faculty. Iyon ang naging hamon sa aming mga taga-UP Vista. Paano namin iuulat ang sitwasyon? Sino ang papanigan? Dapat bang may pinapanigan ang mga mamamahayag?
Ito na pala ang introduksyon ko sa community journalism. Ang pag-uulat sa panig ng inaapi, ng mga pinagkakaitan ng pagkakataong magpahayag ng karaingan. Iyon ang gawain ni Ate Frenchie noon bilang executive director ng Eastern Vista at anchor ng radio program na Lingganay han Kamatuoran.
Paminsan-minsan, tumatambay kami sa isang tindahan sa UP komyu at nagkukuwentuhan. Isang beses, kinuwento niya ang nangyari sa isang urban poor community sa Tacloban na may demolition threat din. Tinambakan ng lupa ang mga bahay na tinitirhan pa ng mga tao.
Napag-uusapan din namin ang mga nangyayari sa kanayunan ng Samar, sa mga tahanan ng magsasaka, tulad ng pambobomba sa Las Navas na dalawang oras lang ang layo mula sa Catarman. Pinapasuko din pala bilang mga kasapi ng New People’s Army ang mga magsasaka sa iba’t ibang baryo.
Unti-unti, sa mga ulat at kuwento, natutunan ko ang kahulugan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Sa mga usapan din namin lumitaw ang ugali ni Ate Frenchie. Sa gawain niya, hindi mo akalaing mahilig siyang magbiro at mangutya. Kahit nga ang tawa niya mismo, mapangutya. Mausisa rin siya at mahilig magtanong. ‘Yong tipong kaya ka niyang kilalanin sa loob ng tatlong tanong. Marka siguro ng pagiging matinik niyang mamamahayag.
Marunong din siyang magseryoso kung hinihingi ng pagkakaton. Hindi katangkaran si Ate Frenchie pero kapag siya na ang nagsasalita, lahat nakikinig. Kaya naman akala ko noon, matagal na siyang journalist. Laking gulat ko nang nalaman kong isang taon lang ang agwat ng edad namin at isang araw lang ang pagitan ng kaarawan namin.
Isa talaga si Ate Frenchie sa mga tinitingala ko. Naaalala ko, isang linggo bago sila ipakulong, nagpaplano kami ng journalism skills training kasama ang iba’t ibang mga paaralan sa rehiyon. Kasabay n’on ang panunumbalik ng Greater Leyte chapter ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) na dati siyang coordinator.
Sa panahon namang iyon, ako ang inatasang maging coordinator. E ‘di pakiramdam ko noon, para akong pinasahan ng korona. Bubuuin sana namin ang alyansa ng mga campus publication para itala ang mga kaso ng paglabag sa kalayaan sa pagpapahayag at bumuo ng mga kampanya para sa karapatan ng mga estudyante.
Pero nangyari nga ang pagdakip sa kanya at sa apat pang mga aktibista noong Peb. 7, 2020. Naudlot ang mga hangarin namin. Sa panahong iyon, bumalik ang mga naglipanang tanong sa isip ko nang una akong ma-red-tag.
Malaking bahagi si Frenchie, kasama sina Marielle Domequil, Alexander Abinguna, Mira Legion at Marissa Cabaljao, sa pagkamulat ko. Sa maikling panahong nakasalamuha ko sila bago sila arestuhin, napakarami nilang ibinahaging mga aral na habambuhay na tatatak sa’kin.
Hindi ko lubos na maipaliwanag kung ano ang maging kaibigan ng mga bilanggong politikal. Buhay na bangungot—marahil sa ganyang paraan ko siya mailalarawan.
Ang mabuhay araw-araw sa reyalidad na ninakawan ng kalayaan ang mga kaibigan mo dahil sa paghahangad ng mas malayang lipunan. Hindi ito makukumpara sa nadarama ng mga pamilya nila.
Ang tanging magagawa ko na lang ay makihati sa lumbay at galit upang hindi kami kainin nito nang buo. At magpatuloy na lumaban para sa katarungan at katotohanan.