Hazel Ann Morales, maaaring maging susunod na Flor Contemplacion
Marami ang nangangamba, lalo ang mga kababayan natin sa Japan, na hindi patas ang magiging pagdinig at paghatol sa dalawang akusadong migrante.
Noong Ene. 19, pumutok ang balita ng inarestong overseas Filipino worker (OFW) sa Japan. Inakusahan si Hazel Ann Morales, 30, ng “abandonment of dead bodies” ng mag-asawang Hapon na naiulat na nawawala.
Itinanggi ni Morales ang mga alegasyon at naging “person of interest” sa kaso ng mag-asawang nasawi. Kasunod nito, inaresto pa ang isang Pilipino, si Bryan Jefferson dela Cruz, isang 34 taong gulang na “trainee.”
Ang mga trainee o technical trainee ay mga banyagang nagtatrabaho sa Japan sa pamamamagitan ng Technical Intern Training Program ng Japan International Trainee & Skilled Worker Cooperation Organization’s (JITCO).
Nakasaad sa Article 190 ng Japanese Penal Code na ang “sinumang pipinsala, magaabandona, o ilegal na magtatago” ng mga labi ng isang tao ay maaaring makulong ng hindi hihigit sa tatlong taon.
Ilang araw ang lumipas, inamin umano ni Dela Cruz ang “pagtatago” sa katawan ng mag-asawa at itinuro si Morales bilang “mastermind” ng krimen. Noong Mar. 1, pinaratangan ang dalawa sa pagpatay.
Sa kabila ng “pag-amin” ni Dela Cruz, napapalibutan pa rin ng misteryo ang kasong ito. Nakapupukaw pa nga ng interes ng mga “conspiracy theory enjoyer” dahil sa mga hindi pangkaraniwang sirkumstansya ng krimen at pagkakadawit ni Morales. Napakaraming Pinoy vlogger ang gumawa ng bidyo ng kanilang mga hinala.
Ngunit hindi nakatutulong sa paghahangad ng hustisya ang marami sa mga ito. Lalo ang “doxxing” o pagsisiwalat ng personal na impormasyon na ginawa kay Morales na lalong nagdidiin sa kanya at nagbibigay-rason upang husgahan siya sa malisyosong batayan. Kung ano-ano ang naglipana sa social media, mula sa kanyang pagkakautang, pati na rin tsismis na magaspang ang naging relasyon niya sa dalawang biktima na magulang ng dati niyang kasintahan.
Ngunit ano pa ba ang hindi patas at hindi makatuwiran sa lagay ni Morales?
Marahil mayroong nakitang probable cause ang korte para sa isinampang kaso sa dalawa tulad ng CCTV footage na nakita ang dalawa malapit sa lugar ng pinangyarihan ng krimen. Ngunit dapat paalalahanan ang lahat, kasama na ang mga taga-Japan, at lahat ng nakaantabay sa kaso na ito na ang nasasakdal ay inosente hanggang sa napatunayang nagkasala.
Malaon nang komplikado ang lagay ng mga migrante sa Japan, lalo sa mga people of color o mga lahi na hindi puti. Maaaring hindi kasing sama ng tulad ng sa US at Europe ang dinaranas nilang racism at diskriminasyon ngunit isang bagay ang tiyak—nananatili itong sagabal sa pagkakapantay-pantay at lalong itinutulak sa laylayan ang mga migrante.
Imagine, isa kang migranteng nasasakdal sa banyagang korte na banyaga ang taga-tanggol habang may milyon-milyong banyagang matang nanghuhusga. Ilang layer ng sagabal ang kailangan mong tiisin, kailangang gibain, para lamang tignan ka nang patas? Maiisip lamang natin kung gaano ito kasama. Hindi pa kasama rito ang di patas na sistemang pang-hustisya ng Japan na binibigyang-bigat ang mga “confession” ng mga akusado na kadalasa’y incommunicado sa loob ng mga daiy? kangoku (????), mga presinto sa istasyon ng pulis o “substitute prisons.” Iniulat ng Amnesty International sa 2005 report nito na ang mga akusado ay pinipilit umamin under duress nang hindi bababa sa labindalawang oras.
Marami ang nangangamba, lalo ang mga kababayan natin sa Japan, na hindi patas ang magiging pagdinig at paghatol kina Morales and Dela Cruz. Lalo’t nanatili ang death penalty doon, maaari tayong magkaroon ng panibagong Flor Contemplacion na pagluluksaan.
Samantala, sa kabila ng mga pangako ng pagtulong ang Department of Migrant Workers ay hindi man lang naglabas ng opisyal na pahayag tungkol sa kaso ni Morales. Sa isang mabilis na silip lamang sa kanilang website, walang makikita ni anumang pahayag tungkol sa isyu ang kagawaran.
Ang mas masahol pa, bagama’t sunod-sunod ang dakdak ng mga kaugnay na ahensya ng gobyerno, tila isinuko na nito ang kahihinatnan nina Morales at Dela Cruz. Hindi man lang sinubukan ng DMW na magbuo ng legal counsel para kina Morales o makipag-negosasyon sa kanilang katapat na ahensya sa Japan.
Maaaring matantsa, sa ganitong kalagayan na tapos na ang usapan sa buhay ng dalawang nasasakdal, lalo’t sistemikong nakaugat ang racism sa Japanese law enforcement. Siguro’y nakikita ng ating gobyerno na liability o pabigat ang ating mga kababayang nasasakdal.
Kung talagang pinahahalagahan at inaalagaan ng ating gobyerno ang ating mga bagong bayani, mayroon sanang mabilisang aksyon ang DMW. Hindi lamang laban sa illegal recruitment at human trafficking kundi sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayang nasa bingit ng kamatayan at may banta sa buhay.