Totoong rekruter
Kung totoo ang buladas ng pangulo na pinahahalagahan niya ang demokrasya, bakit walang puknat ang mga atake ng kanyang mga pasistang puwersa sa mga mamamayang naglalahad ng tunay na kalagayan?
Walang balak ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa kabila ng deklarasyon ng Korte Suprema kamakailan na banta sa buhay, kalayaan at seguridad ang red-tagging.
Kung tutuusin, wala namang ibang ginawa ang NTF-Elcac kundi ang walang habas na mang-red-tag, mang-terrorist-tag at manira ng reputasyon ng mga aktibista at kritiko ng gobyerno na walang malinaw at matibay na batayan.
Bago pa sabihin ng Korte Suprema na labag sa karapatan ang red-tagging, malaon nang nananawagan ang mga progresibong organisasyon na wakasan na ang masamang gawaing ito.
Maging sa internasyonal na antas, maraming eksperto sa karapatang pantao ang nagrekomenda sa pamahalaan na buwagin na ang NTF-Elcac at panahon na para itigil ng mga ahente ng estado ang red-tagging at terrorist-tagging.
Kabilang dito sina dating United Nations Human Rights High Commissioner Michelle Bachelet, dating Special Rapporteur for climate change and human rights Ian Fry, Special Rapporteur for freedom of opinion and expression Irene Khan at marami pang iba.
Pero mukhang walang pakialam si Marcos Jr. sa mga rekomendasyong inihain. Inilalako pa kasinungalingang mas mabuti ang kalagayan ng mga karapatang pantao sa bansa sa ilalim ng kanyang rehimen na taliwas sa mga bilang mga kasong nakalap ng mga human rights watchdog tulad ng Karapatan.
Dapat ipaalala na maraming buhay ang patuloy na nilalagay sa panganib ng ginagawang red-tagging at terrorist-tagging ng NTF-Elcac.
Kung totoo ang buladas ng pangulo na pinahahalagahan niya ang demokrasya, bakit walang puknat ang mga atake ng kanyang mga pasistang puwersa sa mga mamamayang naglalahad ng tunay na kalagayan?
Hanggang nananatiling malalim na nakabaon ang mga kuko ng imperyalistang United States at kontrol ng iilang naghaharing-uri sa mga larangan ng politika at ekonomiya na siyang mga salarin sa mga paghihirap ng mamamayan, hindi matutuldukan ang patuloy na armadong tunggalian.
Liban dito, pinopondohan ng sambayanang Pilipino ng bilyon-bilyong piso ang isang instrumentalidad ng gobyerno upang magpakalat ng mga tsismis at haka-haka para pasamain ang imahen ng mga personalidad at grupong nagsusulong ng mga karapatang pantao.
Ngayong 2024, may P2.16 bilyon pondo ang NTF-Elcac para umano sa Barangay Development Program nito kahit maraming ‘di maipaliwanag na gastusin ang ahensiya sa mga nagdaang taon. Saan naman kaya nila nilustay ang pera ng mamamayan?
Hindi nga siguro nalalayo ang puno sa bunga. Ginamit din ng kanyang amang diktador na dahilan ang lumalakas na rebolusyon sa kanayunan para magdeklara ng Batas Militar noong 1972.
Kung gusto talaga ng gobyerno na matigil ang armadong paglaban ng mamamayan, kailangang tugunan ang mga ugat nito.
Ngunit kahit na nagkaroon ng mga pag-uusap sa pagbabalik sa hapag para sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines, parang wala namang balak ang gobyerno ni Marcos Jr. na talakayin ang pinakaubod ng adyenda na lulutas sa mga sosyo-ekonomikong suliranin ng sambayanan.
Hanggang nananatiling malalim na nakabaon ang mga kuko ng imperyalistang United States at kontrol ng iilang naghaharing-uri sa mga larangan ng politika at ekonomiya na siyang mga salarin sa mga paghihirap ng mamamayan, hindi matutuldukan ang patuloy na armadong tunggalian.
Hindi talaga mga aktibista at kritiko ang totoong rekruter ng mga mamamayang pinili ang armadong pakikibaka. Totoo pa rin ang tinuran na estado mismo ang pangunahing rekruter ng mga pulang mandirigma hanggang hindi napapawi ang kahirapan ng taumbayan at inhustisya sa lipunan.