Ika-3 SONA ni Marcos Jr.: Delusyonal at mapanlinlang
Delusyonal at mapanlinlang ang ikatlong SONA ni Marcos Jr. Sa kagustuhang isalba ang yaman at kapangyarihan, ginamit ang SONA para pabanguhin ang korap, pahirap, papet at pasista niyang rehimen.
Bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lumabas sa sarbey ng Pulse Asia na 72% ng mga Pilipino ang naniniwalang pagtaas ng presyo ng bilihin ang pangunahing problema na dapat tugunan ng gobyerno. Kasunod nito ang pagtataas ng sahod, paglikha ng mas maraming trabaho at kabuhayan, pagresolba sa kahirapan at pagwaksi sa korupsiyon.
Sinubukang salaminin sa talumpati ng pangulo ang resulta ng sarbey. Pero kahit umastang nakikinig at sensitibo sa daing ng mamamayan, hindi pa rin napagtakpan ng mga retorika ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino.
Delusyonal at mapanlinlang ang ikatlong SONA ni Marcos Jr. Sa kagustuhang isalba ang yaman at kapangyarihan, ginamit ang SONA para pabanguhin ang korap, pahirap, papet at pasista niyang rehimen.
Pahirap sa magsasaka
Panlilinlang ang ipinagmalaking nagawa ng administrasyon sa sektor ng agrikultura. Malinaw sa mga magsasaka na si Marcos Jr. at kanyang mga patakaran, ang pangunahing sakuna na sumira sa kanilang kabuhayan at naglubog sa kanila sa kumunoy ng kahirapan.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, hindi kasiguraduhan sa pagkakaroon ng lupa at maginhawang pamumuhay para sa agrarian reform beneficiaries ang pamamahagi ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Kalaunan ay napipilitan din silang isuko o ibenta ang lupa o CLOA dahil sa mataas na amortisasyon at gastos sa produksiyon at sa araw-araw na pamumuhay.
Pinabigat pa ang kalagayan ng mga magsasaka ng pag-iral ng Rice Tariffication Law at ng pagpasa ng Executive Order 62 na nagpababa sa taripa ng imported na bigas. Imbis na suporta sa lokal na produksiyon ng palay, pinapatay ng mga patakaran ni Marcos Jr. ang kabuhayan ng maliliit na magsasaka sa ibayong importasyon. Tinataga naman ang mga mamamimili sa mataas na presyo ng bigas.
“Nowhere to be found” ang ibinidang proyektong irigasyon ni Marcos Jr. sa gitna ng pananalasa ng El Niño.
Mahigit 26,731 ektarya ng mga pananim ang napinsala sa buong bansa dahil sa palpak na patubig at proyektong irigasyon ng gobyerno sa kabila ng patuloy na tumataas na pondo ng National Irrigation Administration. Pinsala hindi tulong ang dulot ng ipinagyabang niyang Jalaur Mega Dam sa Iloilo, na dahilan ng pagmasaker sa 9 na katutubong Tumandok noong 2021.
Simula nang maluklok si Marcos Jr., mga magsasaka ang pinakamaraming biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, 72 magsasaka na ang biktima ng extrajudicial killings mula Hulyo 2022.
Kalaban ng manggagawa
Wala pa ring makabuluhang dagdag-sahod para sa mga manggagawa. Insulto ang tingin ng mga manggagawa sa inaprubahang P35 umento sa National Capital Region, na baliwala rin sa taas ng presyo.
Pero malinaw ang plano ni Marcos Jr. kung paano gawing mas madali ang pamumuhunan ng malalaking dayuhang korporasyon kapalit ng barat na pasahod at mas mababang buwis.
Panlilinlang ang sinabi niyang mahigit 200,000 na trabahong malilikha sa pagpasok ng foreign investors sa bansa. Ngayong buwan lang, daan-daang manggagawa pa nga ang nakaambang tanggalin sa trabaho ng multinasyunal na kompanyang Nexperia sa Laguna.
Ang hindi sinasabi ni Marcos Jr., kontraktuwalisasyon, barat na sahod, pagbabawal sa unyon at masahol na kalagayan sa paggawa ang kapalit ng supertubo ng mga investor.
Isinangla ni Marcos Jr. ang ekonomiya ng bansa sa dayuhang kapital at pagsasamantala, at pagpapadala ng murang lakas-paggawa sa ibang bansa.
Pinarangalan sa SONA ang overseas Filipino workers dahil sa $30 bilyong ipinasok ng mga ito sa bansa. Ngunit kibit-balikat naman sa dumaraming kaso ng mga pagsasamantala at pang-aapi sa mga Pinoy sa ibang bansa.
Nakapako naman ang pangakong pagtataas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno. Bagaman sinabi ni Marcos Jr. na magdadagdag ng benepisyo at sahod, tinatanggihan pa rin nito ang panawagan ng mga kawani na itaas sa P33,000 ang suweldo. Wala ring malinaw na plano sa regularisasyon ng mahigit 500,000 kontraktuwal na manggagawa sa gobyerno.
Tikom ang bibig ni Marcos Jr. sa dumaraming biktima ng mga atake sa karapatan sa paggawa.
Noong 2023, dalawang unyonista ang pinatay ayon sa Kilusang Mayo Uno, habang nasa 29 manggagawa pa rin ang iligal na nakakulong, ayon sa Center for Trade Union and Human Rights.
Walong sunod-sunod na taon nang kasama ang Pilipinas sa talaan ng International Trade Union Confederation ng 10 pinakamasahol na bansa para sa mga manggagawa. Sa ilalim ni Marcos Jr., talamak pa rin ang paglabag sa karapatang mag-unyon para panatilihing barat ang sahod.
Serbisyo ginawang negosyo
Walang solusyon ang gobyerno sa pagtaas ng singil sa kuryente. Lalo pa ngang nagawang gatasan ng Meralco at iba pang pribadong korporasyon ang mga konsyumer.
Ipinagpapatuloy kasi ni Marcos Jr. ang Electric Power Industry Reform Act, na sanhi ng pribatisasyon at monopolyo sa buong industriya ng kuryente.
Pribatisasyon din ang direksiyon ng iba pang batayang serbisyong panlipunan sa ilalim ni Marcos Jr. Ipinagmalaki niya ang mga Public-Private Partnerships sa enerhiya, transportasyon, komunikasyon, imprastruktura at kalusugan.
Nangako si Marcos Jr. ng mas maayos at magandang serbisyo at mga pasilidad, pero pipigain naman ng mas mataas na singil ang mamamayan. Tiyak na sina Ramon Ang, Manny Pangilinan, mga Ayala, at iba pang kroni ni Marcos Jr. ang makikinabang sa mga proyektong ito.
Krisis sa edukasyon
Binanggit ni Marcos Jr. ang reporma sa pamamagitan ng teknolohiya para sa sektor ng edukasyon. Kahit kulang-kulang at nabubulok ang mga klasrum at pasilidad sa mga paaralan, prayoridad ng rehimen na i-digitize ang kagamitan sa pag-aaral para tugunan daw ang krisis ng pagkatuto (learning crisis) sa basic education.
“Access to reliable power and Internet,” aniya, kasabay ng pamamahagi ng mga kompyuter, digital na mga libro at smart TV sa mga eskwelahan.
Digitalization daw ang sasagot sa suliranin sa literacy, proficiency at critical thinking ng mga kabataan. Pagpapatuloy ng distance o blended learning, ang nakikita nitong sagot sa kakulangan ng mga klasrum at pasilidad.
Pero hindi nito direktang sinasagot ang education gap at ang nagpapatuloy ang krisis sa pagkatuto at kahirapan sa access sa de-kalidad na edukasyon.
Sa datos ng Alliance of Concerned Teachers, higit 250,000 na mga klasrum at 150,000 na guro ang kulang sa buong bansa. Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 11 milyon o 25% ng kabataang Pilipino ang hindi nakakapag-aral.
Sa higher educational institutions, nakatuon ang talumpati ng pangulo sa pagpasok ng mga pampublikong unibersidad sa world at global rankings. Ipinagmalaki niya ang employability at competency ng mga Pilipino sa pagpapalakas ng sektor ng information technology at creative industry.
Pero walang tunay na industriya at trabahong naghihintay sa kabataang Pinoy. Sa tala ng PSA, nasa 700,000 kabataan mula 15 hanggang 24 taong gulang ang walang trabaho.
Kahit may pagkilala sa pagiging haligi sa sektor ng edukasyon, ipinagkakait naman ang panawagan ng mga guro para itaas sa P50,000 ang kanilang suweldo. Nananatiling P27,000 lang ang entry-level na suweldo ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Karahasan at pasismo
Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, hindi natigil ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Marcos Jr. Sumahol pa nga ito dahil sa pagpapatuloy ng Anti-Terrorism Act at whole-of-nation approach na naglagay sa mas malaking bilang ng mga sibilyan bilang target ng mga paglabag.
May naitalang 105 na pinatay, 12 na dinukot, 381 iligal na inaresto, at nasa higit 3 milyon na biktima ng mga pagtatangka, harassment, at intimidasyon sa ilalim ni Marcos Jr.
Hindi “bloodless” ang giyera kontra-droga ni Marcos Jr. Sa pag-aaral ng Dahas, inisyatiba ng Third World Studies Center ng University of the Philippines, nakapagtala ng 359 drug-related killings sa ikalawang taon ng administrasyon, mas marami kaysa 342 noong unang taon at 34.3% nito ang kinasasangkutan ng mga ahente ng estado.
Walang nangyari sa ipinangako ni Marcos Jr. na papanagutin ang mga nasa likod ng kalakalan ng droga sa bansa. Ginamit lang niya ang usapin para gipitin ang karibal na pamilyang Duterte at pagtakpan din ang sariling mga kontrobersiya sa paggamit ng iligal na droga.
Patuloy ang rehimeng Marcos Jr. sa pagbuhos ng mga armas at sundalo sa kanayunan. Sa kabila ito ng pagpostura niyang makakapayapaan at pagbubukas sa posibilidad ng pakikipag-usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Matindi ang naging pinsala sa mga sibilyang komunidad ng malawakang focused military operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa Karapatan, nasa 42,426 ang sapilitang nagbakwit dahil sa tumitinding militarisasyon sa kanayunan. Naitala rin na 63,379 ang biktima ng pamamaril at 44,065 ang biktima ng mga pambobomba.
Malaking kalokohan ang sinasabing pagdami ng mga dating kasapi ng New People’s Army (NPA) na kumukuha ng amnestiya mula sa gobyerno, ayon sa NDFP-Negros.
Bahagi lang anila ito ng naratibo ng rehimen na kayang pulbusin ang Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA sa pagtatapos ng taon. Nakapagtala naman ang Karapatan ng 558 biktima ng sapilitang pagpapasuko sa ilalim ni Marcos Jr.
Ayon pa sa CPP, direksyon at kumpas ng United States (US) ang pagmamadaling durugin ang insurhensiya sa bansa para mabilis na hilahin ang buong lakas at atensiyon ng AFP sa inuupat na giyera laban sa China.
Umani ng palakpak at standing ovation si Marcos Jr. mula sa mga alyado nang sabihin niya ang paninindigan sa West Philippine Sea na “ito ay atin at mananatiling atin.” Pero hindi naman talaga siya nanindigan para sa soberanya ng bansa.
Nagpagamit lang si Marcos Jr. at sinakyan ang pang-uupat ng giyera ng US sa China, kapalit ang suporta sa pananatili niya sa kapangyarihan. Pinagamit niya ang PIlipinas bilang base militar at imbakan ng gamit panggiyera ng US sa Asya-Pasipiko.
Pinayagan niya ang malakihang ehersisyong militar kasama ang US at iba pang bansa, at pumasok sa mga bilateral agreement sa mga kilalang alyado ng US kagaya ng Japan, Australia, at ang pinakabago, Italy.
Walang makabuluhang hakbang si Marcos Jr. upang tiyakin ang diplomasya at mapayapang pagresolba sa sigalot sa West Philippine Sea, kahit sa ang pagtindig para sa mga mangingisdang pinoy na pinagbawalan ng China na mangisda sa Panatag Shoal.
POGO, Marcos, time to go!
Tinapos ni Marcos Jr. ang kanyang ikatlong SONA sa pagkuha ng “simpatya” at “tiwala” ng mamamayan sa pagdeklara ng permanenteng pagbabawal at pagpapasara sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa sa katapusan ng taon.
Pero gaya ng P20 na bigas at iba pang pakagat na pangako, wala namang malinaw na plano kung paano gagawin ito. Umiiral pa rin ang iba’t ibang batas gaya ng Republic Act 11590 na nagpapataw ng buwis sa mga POGO.
Maaari pa ring ikutan ng mga ilegal na aktibidad ang mga probisyon ng Special Economic Zone Act at Tourism Act of 2009 na nagbibigay-laya sa mga dayuhang korporasyon na labagin ang mga batas ng bansa.
Hindi rin dapat matigil sa pagpapasara ng mga POGO ang pagresolba sa kriminalidad sa bansa. Marami pang dapat puksain na mga despotikong panginoong maylupa, malalaking burgesya-komprador at burukrata-kapitalista.
Ang gobyerno nga mismo, pinatatakbo ng pamilyang may mahabang kasaysayan ng pagtapak sa karapatang pantao, pagnanakaw at pandarambong sa kabang bayan, at patuloy na tinatakasan ang pananagutan sa batas at mamamayan.
Kalokohan ang pagpopostura ni Marcos Jr. bilang tagapagtanggol ng mamamayang Pilipino, kung siya at ang kanyang pamilya mismo ang dapat nating panagutin.