Editoryal

Hindi madadaan sa biro


Sa pag-amin ni Rodrigo Duterte sa Senado sa pagkakaroon ng Davao Death Squad at sa pagkumpirma sa modus operandi sa mga patayan, lalo siyang nadiin sa kanyang mga krimen. Walang maaari pang itanggi si Duterte.

Sa pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ng Senado hinggil sa giyera kontra droga noong Okt. 28, ibinuladas muli ang paulit-ulit na naratibo na halos anim na taong narinig ng sambayanang Pilipino: Nanlaban kaya dapat patayin.

Alam na natin na may basbas ni Duterte ang mga karumal-dumal na pagpaslang ng pulisya, unipormado man o hindi, sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga.

Ngunit sa puntong ito, sinumpaan niya ang lahat ng kanyang sinabi sa komite kabilang ang pag-amin sa atas sa pulisya at paraan kung paano papatayin ang mga “nanlaban.”

Sabi ng abogado ng mga naulila ng mga biktima na si Maria Kristina Conti sa isang panayam sa mamamahayag na si Christian Esguerra, nanatili ang “silver lining” para sa kanila dahil maaaring magamit ang mga pahayag ni Duterte sa Senado sa kasong crimes against humanity na nakasampa sa International Criminal Court (ICC).

Dali-dali namang ipinagtanggol ng dating hepe ng pulisya na nagpatupad ng madugong giyera kontra droga na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa si Duterte pagkatapos ng pagdinig at sinabing biro lang ang mga sinabi ng dating pangulo.

Pero sabi ni Conti, hindi maaaring gamitin na palusot na “joke lang” ang lahat ng inamin ng dating pangulo sa Senado dahil “under oath” ang lahat ng kanyang sinabi, lalo pa’t seryoso ang usapin.

Umugong din ang usapan na maaaring bigyan ng kopya ng transcript ng pagdinig ng Senado ang ICC para magamit sa imbestigasyon sa kaso na mariing tinutulan ng mga kaalyado ni Duterte kagaya ni dela Rosa.

Malinaw sa mamamayan kung sino’ng may pakana at utak ng mga patayan. Mula sa kampanya noong 2016, paulit-ulit si Duterte sa pagsasambit na “patayin” at “ubusin” ang mga “adik.”

Sa pag-amin ni Duterte sa Senado sa pagkakaroon ng Davao Death Squad at sa pagkumpirma sa modus operandi sa mga patayan, lalo siyang nadiin sa kanyang mga krimen. Walang maaari pang itanggi si Duterte.

Kahit iba-iba ang taya ng mga grupo ng karapatang pantao sa bilang ng mga biktima, mula 12,000 hanggang 30,000, malinaw sa mga pahayag sa Senado na malawakan at sistematiko ang mga pagpaslang.

Libo-libong pamilya ng mga biktima ang patuloy na nananawagan ng katarungan para sa mga mahal sa buhay na binawian ng buhay na karamiha’y mga maralita at walang maaasahang rekurso para makapagsampa ng kaso laban sa mga pumaslang sa kanilang mga kaanak.

Hamon ito ngayon sa kasalukuyang pamahalaan ni Ferdinand Marcos Jr.: Ano ang gagawin nito para mapanagot ang dating administrasyon sa mga patayan sa ngalan ng giyera kontra droga? Makikipagtulungan na ba ito sa ICC sa gitna ng lumalakas na panawagan ng mga pamilya ng biktima? O mananatili itong taingang kawali para protektahan ang sarili at si Duterte?

Hanggang sa ginagawang teleserye ang mga pagdinig sa Kamara’t Senado at walang mapagpasyang hakbang ang estado para mapanagot ang mga salarin, magpapatuloy sa paniningil ang mamamayan para sa mga walang habas na paglabag sa karapatan ng libo-libong biktima.

Ang lahat ng ito’y nagsisilbing patunay sa matagal nang sinasabi ng mga pamilya ng biktima—hirap magwagi at manaig ang karaniwang tao sa sistema ng hustisya sa Pilipinas, kahit pa sila ang nasa katuwiran. Samantalang ang mga tulad ni Duterte, may tagapagtanggol pa mula sa loob.

Hindi-hinding makakamit ang hustisya sa pakiusap. Tiyak na lalaban ang sambayanan para igawad ang katarungan sa lahat ng biktima ng pamamaslang.