Kapalaran ng klima ng daigdig sa kamay ng mayayamang bansa

Sa 29th Conference of Parties ng United Nations Climate Change, global climate finance ang pokus. Pero kapansin-pansin ang hindi pagdalo ng mga bansang malaki ang carbon emissions.

Sa patuloy na pag-init ng temperatura ng mundo, hindi lang oras kundi pati pondo ang hinahabol upang tuluyang masolusyunan ang mga problemang hatid nito. Kung kaya sa 29th Conference of Parties (COP 29) ng United Nations (UN) Climate Change ngayong taon, global climate finance para sa mga paparating na taon ang pokus ng pagtitipon.

Nagsimula noong Nob. 11 at matatapos sa Nob. 22 ang COP 29 sa Baku, Azerbaijan sa Gitnang Asya. Kinakatawan ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang Pilipinas sa kumbensyon ng nasa 200 na lider. 

Importante ang COP 29 sa Pilipinas dahil direkta itong makikinabang sa pondong malilikom ng UN mula sa mga mayayamang bansa tulad ng United States at mga kasapi ng European Union.

Sa ngayon, hindi bababa sa $1 trilyon ang pondong iminimumungkahi ng developing at least developed countries kada taon upang matugunan ang lumalalang krisis sa klima. Sampung beses na mas malaki ito sa naunang $100 bilyong kasunduan na natapos lang bayaran noong 2022.

Habang hindi pa pinal ang desisyon sa climate finance dahil sa pag-aatubuli ng mga mayayamang bansa na makiisa sa bagong nilulutong kasunduan, pumirma ang Pilipinas bilang host country ng ikaapat na pagpupulong ng Loss and Damage Fund (LDF) Board ng COP 29 sa Disyembre. 

Ayon kay Yulo-Loyzaga, bagaman hindi sapat ang ayudang makukuha ng bansa mula sa LDF, malaki ang maitutulong nito sa pagbangon ng bansa mula sa mga pinsalang naidulot ng climate change na hindi na maidadaan pa sa mitigation measures.

Sa pamamagitan nito’y maaari ring makaakit ng pinansyal na suporta mula sa mga developed countries ang Pilipinas para sa mga proyekto nitong kumakaharap sa climate change.

Sa nagdaang mga buwan, ilang bagyo na ang puminsala sa iba’t ibang panig ng bansa. Nitong Oktubre, tinatayang nasa P11.2 bilyon ang kabuuang pinsalang natamo ng Pilipinas dahil sa mga bagyong Kristine at Leon.

Sa kabila ng mataas na bulnerabilidad ng bansa sa epekto ng climate change, hindi sumasalamin sa mga aksiyon ng gobyerno ang maagap na pagresponde rito.

Noong nakaraang taon, binawasan ng P86 bilyon ang mungkahing badyet para sa climate change. Ngayong taon naman, ipinagpaliban ng senado ang pag-apruba sa P170.1 milyon na badyet ng Climate Change Commission para sa 2025. 

Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa Pilipinas na makuha ang minamatang halaga ng COP 29 para climate finance. 

Sa mas malawak na konteksto ng pandaigdigang politika, may mga masidhing problema na kinakaharap ang mga kasunduang pangklima.

Maraming mga bansa na hindi pumunta sa COP 29 kasama na rito ang mga bansang may pinakamalaking carbon emission. Sa ulat ng DW News, hindi pumunta ang mga bansa na nagpapalabas ng mahigit 70% ng carbon sa buong mundo. 

Ilan lamang sa mga hindi dumalo sina Chinese President Xi Jinping, United States (US) President Joe Biden at Indian Prime Minister Narendra Modi na lider ng mga bansang may pinakamalaking carbon emission.

Inilahad ng Council of Foreign Relations na makasaysayan ang mga pagtatangka ng pandaigdigang komunidad upang bawasan ang pinapalabas na carbon emission ng mga bansang ito.

Mula sa Kyoto Protocol na nagbigay diin sa pagbabawas ng carbon emission ng mga maunlad na bansa tungo sa Paris Agreement, hindi naging mabisa ang mga kasunduan upang panagutin ang mga bansang may pinakamataas na carbon at iba pang greenhouse gas emission.

Partikular sa Paris Agreement, kinakailangan mag sumite ng mga kalahok na bansa ng nationally determined contributions (NDCs) na inilalahad ang mga hakbanging isasagawa nila upang makatulong sa pagbabawas ng 40% ng kabuuang emission sa buong mundo. 

Ngunit sabi ng Massachusetts Institute of Technology, walang proseso ng pananagutan na sinisiguro na gagawin talaga ng mga bansa ang kanilang mga isinumiteng hakbangin.

Ipinaliwanag ni John Carl Cabangon, tagapagsalita ng Youth Advocate for Climate Action Philippines, ika-29 na ng pandaigdigang pag-uusap sa mga suliraning pangklima ng mundo ngunit ganun pa rin ang estado ng ating kalikasan. 

“Hindi ito nasusunod sa nag-iisang dahilan: Malaki pa rin ang pangangailangan ng mga [malalaki at mayayamang] bansa sa fossil fuel na nagbibigay enerhiya at kapital sa iba’t ibang institusyon at komersiyo upang panatilihin ang yaman nito,” ani Cabangon 

Sa kabuuang konteksto, malaki pa rin ang sakop ng non-renewable energy sa kabuuang produksiyon ng enerhiya sa mga pinakamalaking bansa. Isang halimbawa dito ang US kung saan 84% ang inookupahan ng non-renewable energy na hati sa natural gas, petrolyo, at uling na ginagamit sa iba’t ibang industriya.

Isang malaking balakid din ang mga malalaking korporasyon na nagtutulak ng kanilang mga adyenda sa mga lehislatura na naging hadlang para sa mga bansa upang matugunan ang kanilang NDCs. Isa sa mga masugid na nagtutulak ng kanilang mga adyenda ang Shell International na nagbabalak na lawakan ang kanilang mapagkukunan ng mga fossil fuel.

Sinuri ng Australasian Center for Corporate Responsibility (ACCR) ang Climate and Energy Transition Lobbying Report 2023 ng Shell Global.

Natagpuan nila na hindi ipinahayag ng korporasyon ang kanilang pagtutulak ng adyenda sa mga umusbong na mga merkado  kung saan nakatuon ang mahigit 60% ng pagpapalawak ng kanilang produksiyon ng fossil fuel ayon sa kanilang liquefied natural gas growth strategy. 

“Ang mga dapat panagutin ay ang mga bansa at korporasyong responsable sa krisis tulad ng mga bansa nagpapalawak ng mga industriya ng fossil fuel at mga bansang may historikong kapabayaan sa usapin ng climate change,” ani Cabangon. 

Sa kasalukuyang balangkas ng pandaigdigang politika, hindi pa rin sapat ito upang panagutin ang kasakiman ng mga malalaking korporasyon at mga bansang hindi sumusunod sa mga kasunduang pangklima.

Walang tunay na repormang pangklima kung walang radikal na pagbabago sa balangkas ng  mga pandaigdigang institusyon na namamagitan sa buong mundo.