P1,200 pambansang minimum na sahod, muling iginiit
Nasa P1,224 kada araw naman ang family living wage o sahod na nakabubuhay sa isang pamilyang may limang miyembro, base sa ulat ng Ibon Foundation.

Kapos pa rin ang tinutulak na P200 across-the-board na dagdag-sahod sa Kamara. Hindi pa rin nito mahahabol ang mabilis at walang patumanggang pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo.
Kaya muling giniit ng mga manggagawa ang matagal na nilang panawagan na P1,200 pambansang minimum na sahod kada araw.
“Ang P200 dagdag-sahod ay bunga ng tuloy-tuloy na paggiit ng manggagawa at mamamayan para itaas ang sahod, subalit malayo pa ito sa antas ng nakabubuhay,” sabi ni Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general at Makabayan senatorial candidate Jerome Adonis.
“Pataas ang produktibidad ng manggagawang Pilipino. Sa pinakahuling datos noong huling kuwarto ng nakaraang taon, umaabot sa P112,500 ang labor productivity sa Pilipinas, tumaas ng 4.6% mula sa unang kuwarto ng 2024. Ibig sabihin ay sobra-sobra ang nililikha ng manggagawa kaya’t kakayanin, bukod sa nararapat na itakda, ang minimum na sahod ng manggagawang Pilipino sa antas na nakabubuhay [na] P1,200,” dagdag ni Adonis.
Sa huling datos ng Ibon Foundation, lumalabas na nasa P518 lang ang real wage o tunay na halaga ng sahod ng mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR). Sa pagkalkula ng real wage, ipinagbabangga ang nominal na sahod (P645 sa kaso ng NCR) at presyo ng mga bilihin.
Nasa P1,224 kada araw naman ang family living wage o sahod na nakabubuhay sa isang pamilyang may limang miyembro, base sa ulat ng nasabing think tank.
Para kay Gabriela Women’s Party (GWP) Rep. Arlene Brosas, positibong hakbang ang pagkakapasa ng panukalang umento sa panel ng Kamara pero dapat agad na ipasa at gawing prayoridad ito ng gobyerno.
“Ang sitwasyon ngayon, tumataas ang mga state exactions katulad ng [Social Security System], PhilHealth, at kung ano-ano pa. Mataas din ang presyo ng mga yutilidad–ng kuryente, pagkain, at [iba pa]. Kaya kailangan talagang magtaas ng sahod ngayon pa lang,” pahayag ni Brosas.
“Bagama’t may mga panukalang P150, P200 [na dagdag-sahod sa Kongreso], ang ginigiit ng Makabayan Bloc ay ang magkaroon ng sapat at nakabubuhay na sahod ang mga manggagawa na ayon sa tala [ng Ibon] ay P1,200 kada araw,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang taon, naghain ang GWP ng panukala para sa P750 across-the-board na dagdag-sahod ng mga manggagawa. Nakabinbin pa rin ito hanggang ngayon.
Para tuluyang maging batas ang P200 dagdag-sahod, kailangan maaprubahan pa ito sa plenaryo at maisapinal kasama ang bersiyon ng Senado.
Matatandaang halos isang taon na mula nang makalusot sa Senado ang panukalang P100 dagdag-sahod.
“Hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang [Kamara] at Senado at isabatas na ngayon ang pagtaas ng sahod ng manggagawa. Gayundin, hindi dapat harangan ng mismong Labor Secretary ang pagtaas ng sahod naming mga manggagawa. Department of Labor ba ‘yan o Department of Big Business?” pasaring ni Adonis.
Sa Peb. 7, pansamantalang magsasara ang sesyon ng Kongreso para magbigay-daan sa campaign period sa paparating na halalan. Magpapatuloy ang sesyon sa Hun. 12 hanggang Hun. 13 bago tuluyang matapos ang Ika-19 Kongreso.
Ibig sabihin, kailangan maaprubahan ng parehong kapulungan ang panukalang umento sa loob ng tatlong linggo. Kung mabigo, kailangang ihain na naman ang panukala sa Ika-20 Kongreso na magsisimula sa Hulyo.
Maaari namang mapabilis ang proseso ng pagpipinal ng Kongreso kung gagawing prayoridad ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pagkambiyo
Imbis na sertipikahan bilang urgent bill ang P200 umento, kumambiyo si Marcos Jr. at sinabing kailangan pang pag-aralan nang maigi ang panukala.
“The thing is we have a tripartite board that actually determines the increase in the wage. So, we still have to study it further to see how that will work together,” anang pangulo sa isang panayam.
Sa kasaysayan, nagiging instrumento lang ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards para panatilihing barat ang sahod ng mga manggagawa. Napakalayo ng ipinapasang umento nito sa mga ipinepetisyon ng mga nagbabanat ng buto.
Inirason din ng pangulo ang pagkalugi umano ng micro, small and medium enterprises (MSMES) sa kanyang pag-aalinlangan. Ganitong-ganito rin ang palusot ng Department of Labor and Employment at malalaking kapitalista na tumututol sa dagdag-sahod.
Ayon sa Ibon, maaari namang magbigay ng suporta ang gobyerno sa maliliit na negosyante na posibleng maapektuhan ng umento sa pamamagitan ng wage subsidy at iba pang makamanggagawang patakaran.
Sa pagtaas ng sahod, sabi pa ng grupo, magkakaroon ng “multiplier effect” na makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas dahil tataas din ang kanilang kakayahang makabili.
Budol?
Ngayong malapit na ang eleksiyon, nagbabala naman ang mga eksperto sa pamumulitika ng mga kumakandidatong kumukumot sa pakinabang ng dagdag-sahod.
Sa isang artikulo ng Business World, sinabi ni Ateneo de Manila University political science professor Arjan Aguirre na magagamit ang panukala sa pagpapalakas ng kampanya ng mga reelectionist na politiko.
“Gustong ipalabas [ng mga tradisyonal na politiko] na inuuna nila ang mga manggagawa kaysa ibang isyu,” ani Aguirre sa panayam ng Business World.
Para sa mga manggagawa, hindi dapat magamit ang panukalang umento para makapanlinlang ng mga botante. Seryosong usapin ito sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya kaya kailangan ang mga tapat at makabuluhang plataporma mula sa mga tunay na makabayang kumakandidato.