Panig sa tunay na biktima, hindi sa nagpahirap
Sa bawat “nanlaban” na hindi na nakapagsalita, may isang anak na naulila, isang asawang nawalan ng kabiyak, isang magulang na humihiyaw sa kawalan.

Sa loob ng anim na taong pamamahala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, maraming programa ang ipinatupad. Isa na rito ang Build, Build, Build para makapagtayo ng iba’t ibang proyektong pang-imprastruktura. Sa kabila nito, may isang programa ang nagdaang administrasyon na maraming naipatumba.
“War on drugs” kung tawagin, pero kaibuturan nito’y “giyera laban sa mahihirap.” Sa taya ng iba’t ibang grupo ng tanggol-karapatan sa loob at labas ng bansa, aabot sa 30,000 tao ang pinatay sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang presidente ng Pilipinas at alkalde ng Davao City.
Para takasan ang pananagutan, pinutol ni Duterte ang ugnayan ng Pilipinas sa International Criminal Court noong 2018 na naging epektibo noong 2019. Ngayon, nasa 43 kaso ng pagpaslang ang inisyal na nabibilang sa kanyang kaso na crimes against humanity at maaari pa itong madagdagan.
Sa kabila ng mga datos na ito, marami pa rin ang sumusuporta kay Duterte. Karamihan sa kanila’y aktibo sa social media, na nagsasabing “napababa naman ang krimen” o “para sa bayan ito.” Bilang isang kabataan, hindi ko matanggap na bigyang-katuwiran ang mga hindi makataong hakbang.
Habang patuloy ang depensa ng ilan kay Duterte, naroon ang mga tunay na biktima, ang mga pamilya ng libo-libong pinatay na hindi pa rin nakakamit ang hustisya. Sa bawat “nanlaban” na hindi na nakapagsalita, may isang anak na naulila, isang asawang nawalan ng kabiyak, isang magulang na humihiyaw sa kawalan.
Hindi si Duterte ang biktima. Hindi siya ang kawawa. Ang tunay na kawawa ay ang libo-libong Pilipinong hindi man lang nabigyan ng pagkakataong mabuhay o dumaan sa nararapat na proseso, ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at ang mga batang lumaki nang walang magulang dahil sa isang rehimeng inuna ang bala kaysa batas.
Sa panahon ng social media, mas matindi ang laban. Ang kasinungalinga’y naipapakalat sa isang pindot lang. Ngunit sa parehong paraan, ang katotohana’y maaari ring ipaglaban sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan at patuloy na pagpapalaganap ng tamang impormasyon.
Bilang kabataan, may pananagutan tayong huwag hayaan ang kasaysayan na muling ulitin ang sarili nito. Ang pananahimik ay pagkunsinti sa mali. Ang pagpapalaganap ng maling impormasyon ay pagiging bahagi ng problema.
Sa kasaysayan, hindi kailanman naging tahimik ang kabataan sa harap ng pang-aabuso at kawalan ng katarungan. Mula sa First Quarter Storm noong 1970, hanggang sa People Power noong 1986, at hanggang ngayon, nananatiling tagapagtanggol ng katotohanan at karapatan ang bagong henerasyon.
Nararapat na managot ang lahat ng gumawa ng kalapastanganan sa libo-libong mamamayan. Walang sinuman, lalo na ang isang dating pinuno na may dugo sa kanyang mga kamay, ang dapat ituring na kawawa o biktima. Ang tunay na biktima ay ang libo-libong buhay na walang awang kinitil sa ilalim ng kanyang rehimen.
Ngayon, higit kailanman, kailangang gising ang kabataan upang ipaglaban ang isang lipunang patas, makatarungan at may pananagutan. Hindi tayo dapat magpasilaw sa propaganda o pahintulutan ang pagbaluktot ng kasaysayan.
Ang hustisyang ito ay matagal nang dapat dumating at tungkulin nating itama ang kasinungalingan at itulak ang pananagutan.
*Basahin ang naunang sanaysay hinggil sa kanyang kapatid na biktma ng giyera kontra droga