Magsasaka sa Camarines Sur, umalma sa bagsak presyo ng bentahan ng palay


Sa kasalukuyang presyo ng palay na P15 kada kilo sa lalawigan ng Camarines Sur, hindi na sapat ang kita upang mabawi ang mataas na gastos sa produksiyon tulad ng binhi, abono at pestisidyo. Kahit lugi, patuloy silang nagtatanim.

Patuloy ang pagkalugi ng mga magsasaka sa lalawigan ng Camarines Sur sa Bikol sa kabila ng hirap at pawis na kanilang ginugugol sa pagtatanim ng palay.

Sa kasalukuyang presyo ng palay na P15 kada kilo, hindi na sapat ang kita upang mabawi ang mataas na gastos sa produksiyon tulad ng binhi, abono at pestisidyo.

“Kapag binenta na ‘yong palay, P15 lang ang isang kilo kaya lugi kami,” ayon kay Edwin, isang magsasaka sa nasabing probinsiya.

Kuwento niya, kadalasang inuutang pa nila ang kanilang mga gamit sa pagsasaka at dahil sa interes, halos wala nang natitira sa kanilang ani.

Sa kabila ng pagkalugi, patuloy pa rin silang nagtatanim.

“Wala naman kaming ibang ikinabubuhay kundi ang pagtatanim,” dagdag ni Edwin.

Noong Mar. 29, nagsagawa ng konsultasyon ang mga grupo ng magsasaka, kabilang ang Amihan at Gabriela Women’s Party, upang ipahayag ang kanilang mga hinaing. Isa sa mga tinalakay ang epekto ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law na naisabatas noong 2019 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa mga magsasaka, hindi na kayang makipagsabayan ng lokal na bigas sa murang imported na bigas habang patuloy na tumataas ang gastos sa produksiyon.

Ngayong halalan, plano ng mga magsasaka sa Bikol na bantayan ang mga plataporma ng mga kandidato upang maisama ang kanilang mga panawagan sa mga programa ng pamahalaan.

Panoorin ang ALAB Alternatibong Balita sa AlterMidya YouTube Channel.