Editoryal

Solusyon o pakagat sa eleksiyon?


Gagawing palusot ang kakulangan ng lokal na suplay para lalong mag-angkat ng bigas. Ito ang itinatakda ng inamyendahang Rice Tariffication Law ni Ferdinand Marcos Jr.

Ampaw ang pangakong P20 na bigas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samu’t sari na ang mga pakulo ng administrasyon para palabasing nagmura ang bigas. Pero nangalahati na ang kanyang termino, sumisirit pa rin ang presyo nito sa mga palengke.

Nitong Peb. 3, nagdeklara ang Department of Agriculture (DA) ng food security emergency sa bigas. Dahil daw ito sa “pambihira” na pagtaas ng presyo sa mga palengke, kahit bumaba na ang presyuhan sa pandaigdigang pamilihan. Ito ay kahit pa binaba na ang taripa sa inaangkat na bigas.

Pero panandalian at pakitang-taong solusyon lang ito sa problemang siya rin ang may gawa. Hindi nito natutugunan ang tunay na sanhi ng pagtaas ng presyo ng bigas at maaari pang pagmulan ng katiwalian, lalo na ngayong eleksiyon.

Pangako ng DA, mapapababa ng deklarasyon ang presyo ng bigas. Inatasan nito ang National Food Authority (NFA) na ilabas ang imbak na bigas para maibenta sa mga Kadiwa at mga lokal na pamahalaan sa P35 kada kilo.

Umaasa ba ang DA na kaya nitong gawin sa ilang araw ang hindi nito nagawa sa nakalipas na tatlong taon?  

Napakaliit ng “buffer stock” ng NFA para impluwensiyahan ang presyuhan sa mga palengke. Nasa 16 milyon metriko tonelada (MT) ang kinokonsumong bigas ng bansa kada taon. Nasa 300,000 MT lang ang imbak ng NFA, na karamiha’y palay pa at sapat lang sa limang araw na konsumo.

Nasa 150,000 MT lang din ang ilalabas ng NFA sa susunod na anim na buwan, o 30,000 MT kada buwan, dahil kailangang magtira para sa emergency o disaster response.

Kaunti na nga ang suplay, kaunti rin lang ang makakabili. Iilan lang ang Kadiwa ng Pangulo at nasa 50 lokal na pamahalaan lang ang magbebenta ng bigas mula sa ilalabas ng NFA. Mas marami pa rin ang napipilitang bumili ng mas mahal na bigas dahil hindi rin napababa ng ipinatupad sa P58 maximum suggested retail price ang mas karaniwang ibinebentang imported na bigas.

Kahit mas mura ng tatlo hanggang limang piso kumpara sa karaniwang presyo sa palengke, mabigat pa rin ang P35 kada kilo para sa butas nang bulsa ng mas maraming Pinoy dahil sa napakababang sahod, laganap na kawalang trabaho at pagsirit ng presyo ng iba pang bilihin.

Sabi ng DA, madadagdagan naman ang suplay dahil puwedeng bumili ng mas maraming bigas ang NFA sa mga lokal na magsasaka, lalo na’t anihan ngayong Pebrero. Pero mahal at kulang din ang suplay ng lokal dahil sa importasyon at napakamahal na produksiyon.

Bulnerable ring magamit sa katiwalian, korupsiyon at pamomolitika ngayong halalan ang inilaang higit P9 bilyong pondo ng NFA sa pagbili ng bigas. Nito lang nakaraang taon, nabulgar pang ibinebenta ng NFA sa mga pribadong negosyante ang suplay nito nang mas mura.

Sa importasyon pa rin dudulo ang deklarasyon ng food security emergency. Gagawing palusot ang kakulangan ng lokal na suplay para lalong mag-angkat ng bigas. Ito ang itinatakda ng inamyendahang Rice Tariffication Law ni Marcos Jr.

Anim na taon mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law, at ilang buwan mula nang amiyendahan ito ni Marcos Jr., tayo na ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo. Tinatayang 5.22 milyon MT ng bigas ang aangkatin ng Pilipinas ngayong 2025.

Pakagat lang noong kampanya ang pangakong P20 na bigas ni Marcos Jr. 

Sa pangangalahati ng kanyang termino, malinaw namang wala siyang totoong programa para tugunan ang krisis sa bigas, pagkain at agrikultura.

Hindi niya sinasawata ang kartel na kumokontrol ng presyo ng bigas. Pinatindi niya ang importasyon na pumapatay sa lokal na agrikultura. Wala ring makabuluhang programa ang pamahalaan para palakasin ang lokal na produksiyon.

Ngayong eleksiyon, hindi na niya puwedeng pakagatin sa ampaw na pangako ang mamamayan para lang iboto ang mga manok niya sa Senado, Kongreso at lokal na pamahalaan.