Main Story

Wala nang atrasan sa ICC

Nakaabang ang buong bansa sa kumpirmasyon ng mga kasong krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte, lalo na ang libo-libong kapamilya ng mga pinatay.

Sa kabila ng pagkaantala ng proseso dahil sa mga mosyon at apela ng depensa, tuloy na tuloy na ang pagdinig sa kumpirmasyon ng tatlong kasong crimes against humanity in the acts of murder and attempted murder laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na magsisimula sa Peb. 23 hanggang 27, maliban sa Peb. 25.

Matapos ang higit apat na buwang paghihintay, mangyayari na ang pagdinig ng Pre-Trial Chamber I sa kumpirmasyon ng mga kaso ni Duterte kaugnay ng mga pagpaslang noong siya pa ang alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.

“Hakbang ito para sa hustisya. Para itong pagsilip sa liwanag,” ani Sheerah Escudero ng Rise Up for Life and for Rights. Nakatatandang kapatid siya ng ni Ephraim Escudero na pinaslang sa San Pedro, Laguna noong 2017.

Si Sheerah Escudero, kapatid ng biktima ng pamamaslang na si Ephraim, noong Mar. 14, 2025 para sama-samang panoorin ang livestream ng initial appearance ni Rodrigo Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber I matapos maaresto noong Mar. 11, 2025. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Kahit naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong 2019, nagpatuloy ang pagsusuri at imbestigasyon sa mga insidente ng pagpatay dahil nangyari ang mga patayang kasama sa kaso noong kasapi pa ang bansa sa ICC.

“Handa na po kaming harapin si Duterte,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay. “Masalimuot [at] matagal ‘yong daan at naging proseso, pero nandito kami at ‘yong mga kaanak ng mga biktima na patuloy na lumalaban.”

Nakadetalye sa Document Containing the Charges ng ICC ang mga kasong isinampa ng prosekusyon ng ICC sa dating pangulo. Tatlong kasong krimen laban sa sangkatauhan ang kinakaharap ni Duterte.

Ang unang kaso’y kaugnay ng mga pagpatay mula 2011 hanggang 2016 bilang alkalde ng Davao City at pinuno ng Davao Death Squad (DDS), pangalawa ang pagpatay sa mga high-value target na kabilang umano sa “PRRD List” mula 2016 hanggang 2017, at pangatlo ang mga pagpatay sa mga barangay clearance operation sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula 2016 hanggang 2018.

Sa public lesser redacted version ng Document Containing the Charges na inilabas noong Peb. 13, nalantad na rin ang mga kasabwat ni Duterte sa sistematiko at planadong pagpapatupad ng mga patayan sa ngalan ng giyera kontra droga.

Kabilang dito sina Senador Bato dela Rosa; Senador Bong Go; dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre; dating National Bureau of Investigation Director Dante Gierran; dating Philippine Drug Enforcement Agency chief Isidro Lapeña; dating Chief of Davao City Police Vicente Danao, dating Finance Chief ng Davao Region Police Office Camilo Cascolan, dating Philippine National Police chief Oscar Albayalde at iba pang opisyal ng pulisya noong panahong alkalde ng Davao City at kalauna’y pangulo ng Pilipinas si Duterte.

Sabi ni Palabay, ang pagpapangalan ng ICC sa mga kasabwat ni Duterte ay simula ng paghabol sa mga responsable sa mga abuso sa karapatang pantao na matagal nang hindi napapanagot sa kanilang mga krimen.

“Umaasa kami na ang mga tulad nina dating Philippine National Police chief Debold Sina, Maj. Gen. Romeo Caramat Jr. at Police Col. Lito Patay, na mga kasabwat din ni Duterte sa mga pagpatay sa giyera kontra droga at sa pagpaslang at arbitraryong pag-aresto sa mga human rights defender, ay maisasama rin sa kaso,” dagdag ni Palabay.

Ayon sa dokumento ng ICC, noong alkalde pa si Duterte, siya at ang kanyang mga kasabwat ang may pakana sa isang “Common Plan” para gamitin ang pulisya at mga hitman ng DDS, kasama ang mabababang kasapi, sa “nyutralisasyon” ng mga pinaghihinalaang may kinalaman sa paggamit, pagtutulak at produksiyon ng ilegal na droga sa Davao City.

Nang maupong presidente si Duterte noong kalagitnaan ng 2016, naging pambansa ang saklaw ng “Common Plan.”

May makabuluhang papel si Duterte sa pagbubuo ng plano at pagpapatupad ng “nyutralisasyon” ng mga pinagsususpetsahang may kaugnayan sa ilegal na droga.

Ayon sa parehong dokumento, ginamit ni Duterte ang kanyang poder para pakilusin ang pulisya at DDS para sa mga pagpatay, pagprotekta sa mga pulis at hitman, pagbibigay ng insentibong salapi at paulit-ulit na mga pahayag sa publiko para utusan ang pulisya na patayin ang mga hinihinalang kriminal.

Noong Mar. 7, 2025, inilabas ng Pre-Trial Chamber I ang sikretong arrest warrant para kay Duterte na idinaan sa International Criminal Police Organization (Interpol) na siya namang umugnay sa pamahalaan ng Pilipinas. Ipinatupad ng Philippine National Police kasama ang Interpol ang pag-aresto kay Duterte sa Ninoy Aquino International Airport nang makabalik siya mula sa Hong Kong noong Mar. 11, 2025.

Makalipas ang ilang araw, noong Mar. 14, 2025, nagkaroon ng initial appearance si Duterte sa Pre-Trial Chamber I sa pamamagitan ng video link upang kumpirmahin ang kanyang pagkakakilanlan, ipaalam ang mga kaso laban sa kanya, at ilatag ang kanyang mga karapatan bilang suspek alinsunod sa Rome Statute at mga patakaran ng ICC.

Nananatili ngayon si Duterte sa ICC Detention Centre sa loob ng Scheveningen Prison sa The Hague, The Netherlands, may isa’t kalahating kilometrong distansiya mula sa ICC Permanent Premises.

Kaiba ang proseso ng ICC sa sistemang panghukuman sa Pilipinas. Nakabalangkas sa Rome Statute, ang pandaigdigang kasunduan na nagtatag sa ICC, ang proseso ng hukuman. Ito ang itinuturing na “court of last resort” para sa mga krimeng hindi kayang dinggin ng mga pambansang sistemang panghukuman tulad ng crimes against humanity, war crimes at genocide.

Mayroong anim na yugto ang proseso ng ICC: paunang pagsusuri, imbestigasyon, yugto bago ang paglilits, yugto ng paglilitis, mga apela at reparasyon, at pagpapatupad ng sentensiya.

Sa kasalukuyan, nasa ikalawang bahagi ng yugto bago ang paglilitis ang kaso ni Duterte para sa kumpirmasyon ng mga kaso, ang una’y ang inisyal na pagpapakita matapos ang aresto.

Hindi pa paglilitis ang yugtong ito kundi pagdinig para ipresenta ng prosekusyon ang mga ebidensiyang nakalap sa imbestigasyon para patibayin ang kaso. May pagkakataon din ang depensa na magpakita ng mga sarili nitong mga ebidensiya.

Sa pagitan ng mga pagdinig, maaaring maghain ng mga mosyon at apela ang depensa para linawin ang mga isyu kaugnay ng proseso at iba pang usapin.

Sa kaso ni Duterte, naghain ng mga mosyon ang kanyang abogadong si Nicholas Kaufman. Kasama dito ang pagkuwestiyon ng hurisdiksyon ng korte, kakayahang humarap sa korte, hiling sa pansamantalang pagpapalaya, diskuwalipikasyon ng mga huwes at miyembro ng prosekusyon dahil sa “perceived bias,” at diskuwalipikasyon ng mga abogadong kakatawan sa mga biktima dahil sa “conflict of interest.”

Kapag nakumpirma ang mga kaso, bubuo ng bagong kapulungang may tatlong huwes ang ICC para sa paglilitis. Ibig sabihin, ibang mga huwes na ang maglilitis sa kaso, hindi na ang mga huwes ng Pre-Trial Chamber I.

Sa yugto ng paglilitis, dito na kinakailangan patunayan ng prosekusyon sa hukuman na walang dudang maysala (guilty beyond reasonable doubt) ang nasasakdal. Karaniwang tumatagal ang paglilitis ng ICC sa isang kaso ng anim hanggang walong taon, at may mga kaso ring tumagal ng 10 taon sa paglilitis. Ito ang pinakamahabang bahagi ng proseso.

Kung mahahatulang maysala o walang sala, magsisimula na ang yugto para sa mga apela ng parehong prosekusyon at depensa. Kung mapapatunayang maysala, magsisimula na ang pagbibigay ng reparasyon sa mga biktima.

Para sa reparasyon, may dalawang maaaring pagmulan ang pondo ayon sa patakaran ng ICC: ang mga ari-arian ng maysala at ang Trust Fund for Victims.

Hindi lang basta pinansiyal na danyos perhuwisyo ang porma ng reparasyon, maaaring bigyan ang mga biktima ng rehabilitasyon sa pamamagitan ng medikal at sikolohikal na serbisyo, pati na rin ang serbisyong legal at panlipunan. Maaari ring sa porma na simbolikong reparasyon tulad ng publikong paghingi ng tawad, pagpapatayo ng bantayog o pagtatakda ng araw ng pag-alala para ibalik ang dignidad ng mga biktima.

Ang korte ang magtatakda kung anong uri ng reparasyon ang igagawad sa mga biktima. Sa buong proseso rin ng ICC, paulit-ulit itong mananawagan na magparehistro ang mga biktima sa Victims Participation and Reparations Section.

May 39 na biktima ang paunang inaprubahan ng ICC nitong Enero at nadagdagan pa ng 500. Mayroon pang halos 300 na biktima ang nagparehistro ayon sa pinakabagong impormasyong inilabas ng korte.

Tinataya ng prosekusyon na aabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang mga biktima sa panahong sakop ng kaso mulang 2011 hanggang 2019. Patuloy na pagkalap ng ICC ng impormasyon hinggil sa mga biktima.

Mula nang arestuhin at dalhin sa ICC Detention Centre si Duterte noong nakaraang taon, sunod-sunod ang paghahain ng mosyon ng kanyang kampo para mas lalong patagalin ang proseso.

Nariyan ang pagkuwestiyon ng hurisdiksyon ng korte, kawalang kakayahang humarap sa korte dahil sa kalusugan, hiling sa pansamantalang pagpapalaya, diskuwalipikasyon ng mga huwes at miyembro ng prosekusyon, at diskuwalipikasyon ng mga abogadong kakatawan sa mga biktima.

Kamakailan, nagsumite si Duterte ng waiver sa ICC na hindi niya kayang dumalo sa pagdinig sa kumpirmasyon ng mga kaso. Pinahintulutan naman ng Pre-Trial Chamber I ang palusot kahit nagsabi na ito noong Ene. 26 na “fit to stand trial” si Duterte batay sa pagsusuri ng mga ekspertong medikal na itinalaga ng korte.

“Harapin mo ang kaso, ‘wag ka nang magpaawa,” buwelta ni Neri Colmenares, isa sa mga abogadong tumutulong sa kaso ng mga biktima ng mga pamamaslang kaugnay ng giyera kontra droga ni Duterte.

Pagbaba ng desisyon ng Appeals Chamber sa patanggi sa hiling na pansamantalang pagpapalaya kay Rodrigo Duterte na sama-samang pinanood ng mga kaanak ng mga biktima at tanggol-karapatan sa UP Law Center noong Nob. 28, 2025. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Kaugnay ng mga naunang mosyon, tinaggihan na ng ICC ang pansamantalang pagpapalaya, kawalang kakayahang humarap sa paglilitis, at diskuwalipikasyon sa mga huwes ng ICC at abogadong kakatawan sa mga biktima.

Ibinaba ng Pre-Trial Chamber I ang pagbasura nito sa recusal of judges noong Mayo 6, 2025. Argumento ng kampo ni Duterte, may “perceived bias” umano sina Judge Reine Alapini-Gansou and Judge Socorro Flores Liera. Pinagtibay ng Plenary of Judges ang desisyong ito noong Hun. 9, 2025 at inilabas ang rason noong Hul. 3, 2025.

Nananatili ring wala pang pinal na desisyon ang Appeals Chamber sa pagkuwestiyon ng kampo ni Duterte sa hurisdiksiyon ng korte sa kaso ni Duterte. Iginigiit nilang walang kapangyarihan ang ICC na litisin si Duterte dahil kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute.

Paniwala ng mga abogado ng mga biktima na sina Colmenares at Maria Kristina Conti, “delaying tactics” ito ng depensa para patagalin lalo ang proseso.

Sa darating na hapon ng Peb. 27, oras sa The Netherlands, kasama na rin sa adyenda ng Pre-Trial Chamber I ang Detention Periodic Review na taon-taong ginagawa ng ICC sa mga nakadetineng saspek at nasasakdal sa mga kasong nakasampa sa kanila.

Sa pag-anunsiyo na tuloy na ang pagdinig sa kumpirmasyon ng mga kaso, handa na ang mga kaanak ng mga biktima na tutukan ang mga mangyayari sa The Hague sa kabila ng distansiya.

“Sa totoo lang, ang mahal e. This is a very expensive process. But they have done their way para daanan ang prosesong ito,” sabi ni Palabay.

May kasamang panganib ang pagkukuwento ng danas ng mga biktima ng extrajudicial killings, sa social media man o sa personal. May ilan na kinailangan lumipat ng tirahan, tulad ni Josh ng Silingan Coffee na nakapanayam ng Pinoy Weekly noong nakaraang taon.

Bukod sa paghahanda sa legal na proseso, kinailangan rin maghanda ng mga pamilya ng kanilang kalooban—ang magkuwento paulit-ulit, ang pakinggan ang panig at pagmamaniobra ng kampo ni Duterte, ang isalang sa panghuhusga ang buhay nila. Kaya kinailangan rin ng suporta ng mga tanggol-karapatan, ng mga “people’s psychiatrist” at ng iba pang mga alyansa.

Ilan lang ito sa ibinahagi ng Duterte Panagutin! Campaign Network sa komperensiya bago magpadala ng ilang representante sa The Hague.

(Mula kaliwa) Mga abogadong sina Neri Colmenares at Maria Kristina Conti ng National Union of Peoples’ Lawyers at Jojo Lacanilao ng Duterte Panagutin! Campaign Network sa press conference noong Peb. 17, 2026. Andrea Jobelle Adan/Pinoy Weekly

Napakahalaga, ilang ulit nilang sinabi, na makita sana ng mga biktima mata sa mata ang dating pangulo na responsable sa pagkamatay, pighati at mga unos sa kanilang buhay.

“Kailangan po ng mga pamilya ng biktima ng lahat ng suporta,” sabi ni Palabay. 

Sa nagdaang mga araw, sabay ng mga protesta at mga pagtitipon para sa mga talakayan ukol sa kaso sa ICC, nariyan ang kaliwa’t kanang pangangalap ng pondo para masuportahan ang mga pamilya.

Sa Silingan Coffee, nagkaroon ng “Road to The Hague 2.0: Including the Excluded.” Lahat ng kape at inuming mabebenta sa dalawang araw, para sa apat na delegado na pupunta sa The Netherlands.

“Para rin ito sa mga biktima at pamilyang hindi naisama sa papel, pero hindi kailanman nawala sa laban,” anunsiyo nila.

Isa si Lourdes de Juan sa mga nakahanap ng masasandalan sa Silingan Coffee. Noong 2017, nawalan ng ama ang kanyang pitong anak nang pagbabarilin sa Payatas, Quezon City. Sa death certificate, namatay umano ang asawa ni Lourdes na si Constantino dahil sa atake sa puso, kahit pa butas ang katawan dahil sa mga lumusot na bala ang sofa nila sa bahay.

“Gusto kong baguhin kung anong meron noon. Gusto kong sabihin nila, ‘Hindi ganoon ang papa ko.’ Gusto ko ipagmamalaki nila ang papa [nila]. Dahil hindi masamang tao ang papa nila,” sabi ni de Juan matapos ipalabas ang “Walang Masulingan” nina Kiri Dalena at Ben Brix sa Ateneo de Manila University.

Gumamit noon ng methamphetamine si Constantino. Pero paalala ni Mark Lim ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), mali ang pagpatay at kailanma’y hindi ito naging tama. Lahat ng libo-libong biktima ng pagpaslang, nahusgahan at hindi naipagtanggol ang sarili ayon sa proseso ng batas.

Isa ang NUPL sa mga nakatuwang ng mga kapamilya ng mga biktima mula pa noong 2016. Halimbawa na nito ang pagrepresenta ng NUPL sa anim na pamilya ng mga biktima sa kanilang liham sa ICC noong Agosto 2018, isang taon bago naging opisyal ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC.

Mag-iisang dekada mula nang maluklok bilang pangulo si Duterte, may panibagong hakbang pasulong para sa hustisya. Maraming nakaantabay, nagtitipon at nagbabantay, tulad na lang ng mga Justice Watch ng Duterte Panagutin! Campaign Network.

Sabi nga ng mga pamilya, mga tanggol-karapatan at iba pang mga kasangga sa paniningil: wala nang atrasan.