Asean Summit, pagbisita ni Trump, puputaktihin ng protesta


Giit ng mga progresibong grupo, ang administrasyong Trump ang sanhi ng krisis at kahirapan na pinapasan ng mga Pilipino.

Sasalubungin ng mga protesta ng taumbayan ang pagtitipon ng mga lider ng Timog Silangang Asya at ang nakatakdang pagbisita ni United States (US) President Donald Trump sa Pilipinas sa Nob. 16 hanggang 17.

Inanunsiyo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Nob. 4 ang serye ng mga protesta ng iba’t ibang sektor at progresibong grupo upang irehistro ang kanilang pagtutol sa pag-imbita at pagtanggap ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa pinuno ng imperyalistang US. 

Giit ng mga progresibong grupo, ang administrasyong Trump ang sanhi ng krisis at kahirapan na pinapasan ng mga Pilipino.

“Habang nagbabagsak ng bomba si Trump doon sa Middle East, doon sa bansa ng Iran, nagsasabugan ang lamesa at nagpuputukan ang tiyan ng ordinaryong Pilipino dahil sa krisis,” ani Lucky Oraller ng Bayan Timog Katagalugan. 

Inatake ng US at Israel ang Iran noong Peb. 28 ngayong taon upang patayin ang Supreme Leader Ali Khamenei at puwersahang ipataw ang kanilang interes sa Kanlurang Asya.

Nagresulta ang pambobomba ng US at Israel sa pagsasara ng Strait of Hormuz, ang daanan ng 20% ng pandaigdigang suplay ng langis na nagpasirit sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas at iba pang panig ng daigdig mula Marso. 

Panawagan din ng grupo ang pagbabasura sa inisyatibang Pax Silica ng US at Pilipinas na maaaring pirmahan ni Trump at Marcos Jr. kasabay ng pagdaraos ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit sa Maynila.

Kinokondena ng mga progresibong grupo at mamamayan ang Pax Silica at Luzon Economic Corridor dahil makapipinsala ito sa mga suplay ng enerhiya at tubig sa bansa, sa mga sakahan, at sa lupang ninuno ng mga katutubong Ayta sa Tarlac.

Magsisimula ang mga protesta sa Nob. 5 sa isang forum na magbubunyag sa masamang epekto ng mga naturang imperyalistang proyekto at magtatapos sa malawakang pagkilos sa Nob. 17 sa Mendiola, Maynila.