Trump out
Habang handang maghasik ng karahasan laban sa mamamayang magpoprotesta, magarbong pagsalubong naman ang nag-hihintay para sa kagaya niyang magnanakaw at kurakot na si Donald Trump.
Lalong lumalakas ang panawagan ng pagtatakwil kay United States (US) President Donald Trump matapos ang makasaysayang pagkatalo ng kanyang partido sa nagdaang midterm elections sa Amerika.
Isinuka ng mamamayang Amerikano ang politikang ipinapamandila ni Trump na nakasentro sa pambabarat ng sahod, pagtiyiyak sa lumolobong supertubo ng mga pinapaborang bilyonaryo, pangigiyera sa Iran, henosidyo sa Palestine, pang-uupat ng giyera sa Asya Pasipiko, matinding rasismo at diskriminasyon sa mga migrante at kabuuang kontra-mamamayang mga polisiya.
Sa pagkapanalo ng Democratic Party sa US Congress at liderato ng maraming estado, umaasa ang marami sa posibilidad ng agarang pagpapatigil ng giyera sa Iran. Kasabay din ito ng nakasampang impeachment kay US War Secretary Pete Hegseth na nasa unahan ng panggigiyera sa Iran.
Habang may mga inaasahang magbabago, lalo na sa ilang patakaran at serbisyo para mamamayang Amerikano, inamin naman ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa isang panayam na mananatiling maganda ang relasyon ng US at Pilipinas sa kabila ng pagkatalo ng mga Republican.
Kaya sa nalalapit na pagbisita ni Trump sa Pilipinas, dapat tularan ang ginawang pagtakwil at pagsuka ng mga Amerikano kay Trump at sa kanyang partido. Wala dapat mainit na pagtanggap sa lider na pangunahing dahilan ng matinding paghihirap ng mamamayang Pilipino.
Ang pagdating ni Trump kasabay ng pagtitipon ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) ay tanda ng lalong pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr. at pagtutulak ng makasariling heopolitikal na interes ng US sa buong rehiyon.
Inilalantad ni Marcos Jr. na hindi interes ng mga Pilipino ang dala-dala niya, kung hindi ang interes ni Trump at ng kanyang uring pinagmulan. Walang retorika o mga pampolitikang palabas ang magbubura sa katotohanang tuta ng Amerika ang pamilyang Marcos.
Hindi pa nga dumarating, nararamdaman na ng mamamayan ang perhuwisyong dala ng delubyo ni Trump. Ilang libong pasahero ang apektado ng kanselasyon ng mga flight, dagdag pa ang pagtataboy sa mga maralitang lungsod at mga vendor sa kalsada. Higit pa dito ang epekto ng pagdating ni Trump, dala niya rin ang layuning selyuhan ang kasunduang Pax Silica na ookupa sa malalawak na sakahan at lupang ninuno ng mga katutubo sa Gitnang Luzon.
Bagamat itinatanggi ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na magkakaroon ng pirmahan para sa Pax Silica Economic Security Zone, hindi dapat makampante ang mamamayan. Sa kasaysayan ng Pilipinas at higit isang siglong kontrol ng US sa Pilipinas, nakita na natin gaano katuso ang kalaban.
Pumirma man o hindi, ang malinaw itutuloy ang proyekto kahit kapalit nito ang likas na yaman at pangunahing pangangailangan ng mamamayang Pilipino. Hindi trabaho, kundi delubyo ang dala ng Pax Silica at ni Trump sa Pilipinas.
Karugtong ng pangangamkam sa lupain at yaman ng bansa, ang tuloy-tuloy na pagkaladkad ni Trump sa Pilipinas sa gitna ng napipintong digmaan. Ang layunin ni Trump, gawing malaking base militar ang Pilipinas laban sa China. Ngayon, dahil sa Pax Silica, gagawin na ring malaking pabrika ng armas at kagamitang pandigma ng US ang Pilipinas.
Kaya sa pagdating ng halimaw na si Trump sa bansa, tanging ang mga kagaya niya lang na taksil sa interes ng mamamayan ang magdiriwang. Abalang-abala ang buong administrasyong Marcos Jr. sa pagdating ng kanilang amo.
Habang handang maghasik ng karahasan laban sa mamamayang magpoprotesta, magarbong pagsalubong naman ang nag-hihintay para sa kagaya niyang magnanakaw at kurakot na si Trump.
Inilalantad ni Marcos Jr. na hindi interes ng mga Pilipino ang dala-dala niya, kung hindi ang interes ni Trump at ng kanyang uring pinagmulan. Walang retorika o mga pampolitikang palabas ang magbubura sa katotohanang tuta ng Amerika ang pamilyang Marcos.
Kaya sa protesta ngayong Nobyembre, kasabay ng pagsigaw ng “Trump Out,” dapat ding panagutin at isuka natin si Marcos Jr. mismo. Hanggang sila at ang mga katulad nila ang nasa kapanyarihan, wala tayong tunay na kalayaan mula sa kuko ng imperyalismong US.