Ayuda sa binagyo, militarisadong Samar, ikinasa
Isang pambansang relief and medical mission ang nakatakdang ilunsad ng iba’t ibang organisasyon at indibwal sa ika-10 hanggang 15 ng Marso sa bayan ng Matuguinao, Western Samar para umayuda sa mga mamamayan doong apektado ng bagyo, sakuna at militarisasyon.

Isang pambansang relief and medical mission ang nakatakdang ilunsad ng iba’t ibang organisasyon at indibwal sa ika-10 hanggang 15 ng Marso sa bayan ng Matuguinao, Western Samar para umayuda sa mga mamamayan doong apektado ng bagyo, sakuna at militarisasyon.
Pinamagatang “Tabang Samar” (Tulong Samar) at pinangunahan ng Regional People’s Network for Hunger and Poverty Alleviation, pupuntahan ng misyon ang bayan ng Matuguinao dahil sa diumano’y malalang pinsalang inabot nito mula sa mga bagyo noong nakaraang taon hanggang sa mga matitinding pag-ulan nitong unang bahagi ng taon.
Ayon sa mga organisador ng misyon, matagal nang nasa unahan ng listahan ang Matuguinao ng pinakamahihirap na bayan ng Samar. Naitala noong 2003 ang poverty threshold nito na 81.35%. Mataas din umano ang tantos ng malnutrisyon sa nasabing bayan, na nakapagtala noong 2008 ng 42.72% antas ng malnutrisyon at naglagay sa unang puwesto sa Top 20 Nutritionally Depressed Municipalities sa buong rehiyong 8.

Dagdag pa nila, maliban diumano sa pagsalanta ng mga bagyo at matitinding pag-ulan, pininsala din ang pananim ng mga magsasaka ng pesteng black bug, na lalong nagpalubog sa kabuhayan ng mga taga-Matuguinao. Laganap din umano ang iba’t ibang sakit tulad ng pagtatae, dengue, cholera at typhoid fever na kumitil sa anim na buhay ayon sa grupo.
Bukod sa kalamidad na dulot ng kalikasan, diumano, pinatindi ng laganap na militarisasyon ang hirap na kalagayan ng mga mamamayan ng Matuguinao. Ayon sa Katungod-Sinirangang Bisaya (lokal na tsapter ng Karapatan), kahit umano walang kampo ang militar sa nasabing bayan, nagsisilbing lunsaran ng operasyong militar sa mga kanugnog na bayan nito tulad ng Las Navas at San Jose de Buan.
Diumano may mga ulat na natatanggap ang Katungod SB hinggil sa mga paglabag ng militar sa karapatang pantao. Sa inisyal na datos na inihayag ng grupo, umabot sa 10 kaso umano ang kanilang naitala na karamihang biktima ay mga menor de edad.
Layunin umano ng Tabang Samar na mabigyan ng kagyat na pagkain at tulong-medikal na ang mahigit 4,000 pamilya mula sa 20 barangay ng Matuguinao.
Nais din ng Tabang Samar na madokumento ang aktuwal na pinsala sa kabuhayan ng mamamayan para sa rehabilitasyon. Bukod sa relief at medikal na tulong, magsasagawa din umano ang Children’s Rehabilitation Center o CRC ng psychosocial therapy sa mga bata.