‘Palparan, sumuko ka na’
Inatasan ni Judge Teodora Gonzales ng Malolos Regional Trial Court si dating heneral Jovito Palparan na sumuko muna, bago aksyunan ang inihaing mosyon ng kanyang mga abogado na iatras ang warrant of arrest at hold departure order laban sa dating heneral na kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention. “He has to surrender. The motion […]

Inatasan ni Judge Teodora Gonzales ng Malolos Regional Trial Court si dating heneral Jovito Palparan na sumuko muna, bago aksyunan ang inihaing mosyon ng kanyang mga abogado na iatras ang warrant of arrest at hold departure order laban sa dating heneral na kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention.

“He has to surrender. The motion he filed cannot be acted upon,” sabi ni Gonzales, sa unang pagdinig sa kasong isinampa laban kina Palparan, Sgt. Rizal Hilario na kasalukuyang nagtatago, Lt. Col. Felipe Anotado at Sgt. Edgar Osorio na kasalukuyan namang nasa kustodiya ng militar sa Fort Bonifacio.
Sinang-ayunan naman ng mga abogado ng mga biktima ang desisyon ng korte.
“We welcome and agree the judge’s firm and clear ruling that fugitive Gen. Palparan cannot seek relief, if at all, unless he surrenders or is arrested. He cannot have his cake and eat it too while trifling with the judicial and legal process,” pahayag ng National Union of People’s Lawyers (NUPL).
Kasabay nito nagsampa rin ng mosyon ang NUPL na kumukuwestiyon sa paglipat ng kustodiya ng dalawang akusado na sina Anotado at Osorio mula sa Bulacan Provincial Jail patungong Philippine Army Custodial Management Unit sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Sinabi ni Edre Olalia, pangkalahatang kalihim ng NUPL at abogado ng mga kaanak ng mga biktima, na hindi sila sinabihan sa paglipat ng dalawang akusado noong Disyembre 23, 2010. “The motion is exparte, which means we were not notified at all,” ani Olalia, sa panayam ng midya matapos ang pagdinig sa korte.
Sinabi pa ni Olalia na dinagdagan pa ng kampo ng mga akusado ang batayan ng paglipat ng mga ito, na wala sa unang motion to transfer noong Disyembre.
“They raise a new ground for the transfer which is the medical condition of Lt. Col. Anotado because he is reportedly undergoing chemotherapy, but that was not the basis for the transfer of the two last December 23,” ani Olalia.
Iginiit pa ni Olalia na kailangang dalhin sa ordinaryong sibilyang kulungan ang dalawan. Insulto umano sa mga magulang ng biktima na ang mga akusado na aktibo pa sa serbisyo ay nasa pangangalaga pa rin ng mga militar.
“This speaks a lot for the kind of justice system we have in the country,” ani Olalia.
Ayon naman sa abogado ni Jovito Palparan na si Narzal Mallares na bagamat hindi siya ang abogado nina Anotado at Osorio, ang dahilan umano ng paglipat ng kustodiya ng dalawa ay may usapin panseguridad.
Sinabi umano ng provincial warden na “overcrowded” ang kulungan at hindi kayang bigyan ng seguridad ang mga akusado.
Kasabay nito, dinepensahan din ni Mallares si Palparan na diumano’y huling nakausap niya ilang araw bago ang pormal na ipalabas ang warrant of arrest laban sa dating heneral. Ayon pa kay Mallares, nasa korte na ang kaso kaya dapat umanong tigilan ang mga pahayag na nagsasabing “berdugo” si Palparan.
“Yung sinasabing berdugo, butcher daw si General Palparan. Eh sa tingin ko hindi tama yan. Kaya nga tayo may korte at nililitis para malaman ang katotohanan. Gumawa naman ng magandang bagay-bagay at serbisyo yung tao,” ani Mallares.
“He is still presumed innocent until proven guilty. Basic yun di ba?” aniya.

Idinagdag pa ni Mallares na napag-usapan umano nila ng kanyang kliyente ang bentahe at disbentahe kung sakaling lumutang at sumuko ang dating heneral. “Bago naputol ang aming kontak, napag-usapan namin ang mga posibleng senaryo…Sad to say as a lawyer at hindi naman ito ispekulasyon lamang, nakikita namin na siya ay pinepersonal,” aniya. Dagdag pa ni Mallares na ang pinal na desisyon ay na kay Palparan na.
Tugon naman ng mga magulang nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan na dapat ng sumuko ang dating heneral at harapin ang kanyang mga kaso.
“Kailangang lumutang na siya. Kung talagang hindi siya guilty bakit siya nagtatago,” sabi ng ina ni Karen na si Concepcion Empeno.
Halos manginig naman sa galit si Erlinda Cadapan dahil sa hindi paglutang ni Palparan. “Inaasahan ko na makikita ko doon (korte) si Palparan at mananagot na sa kanyang kasalanan. Ngunit patuloy pa rin siyang nagtatago,” ani Cadapan.
“Naalala ko noong naghahanap kami kay Sherlyn, hindi kami pinapasok sa loob ng kulungan na iyon (Fort Bonifacio). Kaming sibilyan, hindi puwedeng pumasok doon. Ngayon, ’yung mga militar doon ikukulong. Paano namin malalaman kung doon ba talaga sila nakakulong,” ani Cadapan.
Iginiit ng mga ito ang kagyat na paglilipat ng dalawang akusado na nasa pangangalaga ng militar na mailipat sa kulungang sibiliyan.
Sinabayan din ng protesta ng iba’t ibang grupo ang unang pagdinig sa kaso.