Pambansang Isyu

GPH o NDFP: Sino ang seryoso sa usapang pangkapayapaan?


Hindi pa rin umuusad ang pormal na usapang pangkapayapaan isang taon ang nakaraan.

Mga gerilya ng New People’s Army, sa Mindanao. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Mga gerilya ng New People’s Army, sa Mindanao. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Isang taon na ang nakalipas simula nang pormal na magkaharap ang Government of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Mahalaga sana ang tuluy-tuloy na usapang pangkapayapaan para malutas ang mga problemang panlipunan na ugat ng giyerang sibil sa bansa.

Inakalang uusad na sa ilalim ng gobyernong Aquino ang negosasyon, na naantala ng anim na taon sa ilalim ng nagdaang gobyernong Arroyo. Ngunit tila lalo pang nadagdagan ang mga hadlang.

‘Walang palabra de honor’

Malinaw ang unang round ng pormal na pag-uusap. Sa Oslo Joint Statement noong Pebrero 2011, nangako ang GPH na palalayain ang “halos lahat, kundi man lahat” ng 17 sa nakakulong na konsultant ng NDFP. Ito ay alinsunod sa 1995 Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), isang kasunduan na nagsisiguro sa seguridad ng lahat ng kalahok sa usapang pangkapayapaan.
Kung natupad ang pangako, noong Hunyo ay sisimulan na sanang pag-usapan ang mga panukalang sosyo-ekonomikong reporma sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms, ang ikalawa sa apat na substantibong kasunduan.

Ngunit lumipas ang mga buwan na walang pinalalayang konsultant. Hiniling  ng NDFP na ipagpaliban ang pag-uusap para bigyan pa ng panahon ang GPH. Noong Hunyo at Agosto, apat na NDFP konsultant lamang ang pinalaya.

Sa kabila nito, iminungkahi ng NDFP na ituloy ang negosasyon. Noong Setyembre, impormal na nag-usap ang mga hepe ng dalawang negotiating panel na sina Luis Jalandoni ng NDFP at Alexander Padilla ng GPH, kasama ang third party facilitator mula sa gobyerno ng Norway. Muling nangako si Padilla na palalayain ang mga NDFP konsultant sa ikalawang linggo ng Oktubre, kaya’t itinakda sa Nobyembre ang ikalawang round ng pormal na pag-uusap.

Payag na sana ang NDFP kung palalayain kahit ang mayorya lamang o siyam sa  naunang ipinangakong 17 na konsultant, ayon kay Rafael Baylosis, konsultant at miyembro ng NDFP Reciprocal Working Committee on Socio-Economic Reforms, sa panayam ng Pinoy Weekly. Sa puntong iyon, lima na lamang ang dapat palayain ng GPH para matuloy ang pag-uusap.

Hindi ito nangyari. Katuwiran ng gobyerno, hindi nito maberipika ang identidad ng mga konsultant. Unang beses simula noong 1995, hiniling ng GPH na silipin mula sa pangangalaga ng third party ang listahan ng mga pangalan at litrato ng mga indibidwal na protektado ng JASIG. Ngunit hindi ma-decrypt o mabuksan ang mga diskette na naglalaman nito.

Katuwiran ng NDFP, nasira ang apat na diskette at nawala ang isa nang kumpiskahin sa reyd ng mga awtoridad sa kanilang opisina sa Utrecht, The Netherlands noong 2007. Isa pa, dati-rati ay hindi hinihiling ng GPH ang beripikasyon.

Gayunpaman, nag-alok na rin ang NDFP na i-reconstitute o gawing muli ang listahan. Ngunit walang tugon dito ang GPH.

Rafael Baylosis ng NDFP Panel. (KR Guda / PW File Photo)
Rafael Baylosis ng NDFP Panel. (KR Guda / PW File Photo)

Panukalang tigil-labanan

Samantala, para mapabilis pa ang negosasyong pangkapayapaan, nagkakaroon ng mga espesyal na pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig. Tinatawag itong “special track,” na layong magbuo ng kasunduan na titindig habang di pa natatapos ang apat na substantibong kasunduan sa “regular track.”

Noong Enero 2011, inalok ng NDFP kay Pangulong Aquino ang 10-puntong Concise Agreement for an Immediate Just Peace. Inilalatag dito ang mga kondisyon para sa isang truce o tigil-labanan.  Naghahain ang NDFP hindi lamang ng truce kundi pati alyansa sa gobyernong Aquino sa batayang may deklarasyon ang dalawang panig na itataguyod ang mga sumusunod: pambansang kasarinlan; tunay na reporma sa lupa; pambansang industriyalisasyon; kagyat na tulong at trabaho sa mahihirap at walang trabaho; makabayan, siyentipiko at makamasang kultura; pagpapasya sa sarili ng mga pambansang minorya; at malayang patakarang panlabas.

Subalit  ang tugon ni Aquino ay isang limang parapong deklarasyon (ipinakita ni Baylosis), na sa halip na tumugon sa hiling ng NDFP o kilalanin ang lehitimong kahilingan ay kumutya lamang sa  mga “nasayang na mga buhay” sa “madugong labanan.” Walang kongkretong panukala, maliban sa pagdaraos ng isang “pambansang diyalago.” Walang komento sa kahit isa sa mga panukala ng NDFP.

Subalit hindi natinag ang NDFP at sinikap pa ring paunlarin  ang kanilang mga panukala. Noong Disyembre 2011, iprinisenta ng mga negosyador ng NDFP sa emisaryo ng Malakanyang ang borador ng isang “General Declaration of Alliance and Truce.”
Ipinapanukala ng deklarasyon ang isang National Consultative Council na may pantay na representasyon ng NDFP, GPH, at iba pang mga sektor. Ang konsehong ito ang magrerekomenda ng mga repormang sosyo-ekonomiko at pampulitika na lalamanin ng natitirang mga sustantibong kasunduan. May mga panukala ring kagyat na reporma at kondukta ng tigil-labanan.

Inamin ni Baylosis na ang mga panukala ng NDFP ay taliwas sa neo-liberal na polisiyang ekonomiya na ipinagpapatuloy ni Aquino, kaya’t hindi ito interesado sa tunay na pakikipagnegosasyon. Sa halip, ginagamit lamang ng gobyernong Aquino ang usapang pangkapayapaan para sa psychological warfare, na bahagi pa rin ng kontra-insurhensiyang programa na Oplan Bayanihan. “Palilitawin na maka-kapayapaan ang gobyerno, habang pinaiigting ang operasyong militar at dinudurog ang mga rebolusyonaryong puwersa,” aniya.